top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | April 25, 2023





KATANUNGAN


  1. Naguguluhan ang isip ko dahil third year college na sana ako, pero umalis ako sa paaralan na pinapasukan ko dahil sa taas ng standard at ang tatalino ng mga classmate ko. Ang course ko ngayon ay Architecture, ngunit parang gusto ko na namang mag-shift ng Education o Nursing. Ang problema, kinokontra ito ng kapatid at mama ko, at ang sabi pa ng mama ko, “Kung ganyan ka nang ganyan, baka hindi ka makapagtapos ng pag-aaral!”

  2. Ano ang masasabi niyo at ano ba talaga ang dapat na maging course ko upang hindi na ako magpalipat-lipat ng school at magpabago-bago ng course? Sa darating na pasukan, gusto ko na talagang ayusin ang buhay ko at ‘yung gusto ko na ang kukunin kong kurso na siguradong magbibigay sa akin ng matagumpay at maligayang career sa future.

KASAGUTAN


  1. Medyo lumalabo, flabby at nagpa-fluctuate ang unahang bahagi ng Fate Line na tinatawag ding Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sadyang nagugulumihanan ka sa early part ng iyong career, kung saan mawawalan ka ng direksyon.

  2. Gayunman, buti na lang, kahit na pagewang-gewang ang andar ng nasabing career, kumbaga sa karera ng mga sasakyan, maluwalhati ka pa ring nakarating sa finish line, na siyang inilalarawan ng nakasampa pa ring Fate Line (Drawing A. at B. F-F) sa Mount of Saturn na tinatawag din nating Bundok ng Katuparan (arrow b.).

  3. Ibig sabihin, kahit palipat-palit ka ng kurso at paiba-iba ng school, makakatapos ka pa rin ng pag-aaral, dahil kahit papaano, determinado ka namang makaka-gradweyt, na siyang ikatutuwa ng magulang, kapatid at mga kaibigan mo.

  4. Tulad ng nasabi na, maluwalhati kang makakapagtapos ng kolehiyo at kapag nangyari ito, madali ka na rin namang makakakuha ng regular at magandang trabaho na angkop sa panlasa mo.

MGA DAPAT GAWIN

  1. “Endurance is essential for completing the marathon of life,” ang sabi ng hindi nagpakilalang author. Ibig sabihin, anuman ang inaatupag natin sa buhay at saanman tayo papunta, ang higit na mahalaga ay nagpapatuloy tayo sa pagtakbo at hindi tayo tumitigil anumang maging layunin natin sa buhay.

  2. Habang, ayon sa iyong datos, Daisy, nakatakda ang magaganap kahit sabihin pang magulo ang isip mo at pabago-bago ka ng kurso at school. Ang mahalaga, hindi ka sumuko at patuloy kang lumaban at hindi tumigil sa pag-aaral, tunay ngang kahit ano pang kurso ang ma-feel mong bagay sa iyo at kahit na ano pang kurso ang lipatan o pasukan mo at kahit saang university ka pa mag-aral, sigurado na ang magaganap – tatlo hanggang apat na taon mula ngayon, sa taong 2027 at sa edad mong 25 pataas, walang makakahadlang, maluwalhati ka pa ring makakapagtapos ng pag-aaral, magiging isang ganap na propesyonal, magkakaroon ng regular na trabaho at magiging tunay na successful sa anumang kurso o career na pinasukan mo (E-E arrow c.).


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | April 23, 2023





KATANUNGAN

  1. Gusto kong malaman na kung mag-a-apply ako sa abroad, matutuloy ba ako at magiging maganda ba ang kalagayan ko ru’n? Pinipilit kasi ako ni misis na mag-Dubai dahil nandu’n ang kuya niya at matagal na sa kumpanya, gayundin, may pangako sa akin na ‘pag nag-apply ako, tutulungan niya akong makapagtrabaho ru’n.

  2. Sa ngayon, mayaman na ang bayaw ko na ‘yun, nakapagpagawa na sila ng bahay at nakabili na ng sasakyan, kaya inggit na inggit ang misis ko. Sabagay, noon pa ako niyayaya ng bayaw ko na sumama sa kanya at ipapasok niya ako bilang driver sa company nila. Kaya lang, natatakot akong iwanan ang aking pamilya dahil baka pagbalik ko ay wala na akong abutan, lalo ngayong uso ang mga babaeng nakikipagrelasyon sa nakikilala lang nila sa social media.

  3. Maestro, hindi ba masisira ang aming pamilya kapag nasa ibang bansa na ako? Sakaling nasa abroad na ako, magiging masagana at maganda rin ba ang magiging takbo ng buhay namin at mabibigyan ko rin ng masaganang buhay ang aking pamilya?

KASAGUTAN


  1. Kung wala kang tiwala sa iyong sarili at sa misis mo dahil puro negatibong bagay ang iniisip mo ngayon, posibleng wala ring mangyari sa buhay n’yo. Kaya sa praktikal na advice, kung sadyang malaki ang offer na suweldo ng bayaw mo, ang pinakamaganda mong magagawa ay sunggaban ito agad.

  2. Kapansin-pansin na may malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kaya sa bandang huli, kahit natatakot ka sa iyong pagdedesisyon, ang Guhit ng Paglalakbay ang mananaig at matutupad— makapag-a-abroad ka. At tulad ng iyong bayaw, mas madali kang aasenso at uunlad ang iyong kabuhayan sa pangingibang-bansa, kaysa nagtitiyaga pamamasukan sa ating bansa.

  3. Ang pag-aanalisang susuwertehin ka sa abroad ay madali namang kinumpirma ng lagda mong may korteng dollar sign ($) sa unahan, bagama’t hindi sinasadyang nabuo ito sa iyong pirma. Ito ay malinaw na tanda na ngayon pa lang ay nasasagap na ng unconscious mong isipan ang magandang magaganap sa ibayong-dagat, kung saan kikita ka ng malaking halaga na sapat upang tuluyan na kayong makakaahon sa kahirapan hanggang sa umunlad ang iyong kabuhayan.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Tiwala at hustong pagmamahal ang dapat mong ipunla sa iyong isipan at puso ngayon, Alfred, upang mawala ang takot at pangamba na baka sa iyong pag-alis ay manlalaki o mangaliwa si misis.

  2. Habang, ayon sa iyong mga datos, kung mag-a-apply ka at tatanggapin mo ang alok ng iyong bayaw na magtrabaho sa kanilang kumpanya, tiyak sa huling hati ng taon at sa buwan ng Oktubre, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran. Sa nasabing pag-a-abroad, ito na rin ang magiging simula upang ang kabuhayan ng inyong pamilya ay tuluy-tuloy na ring umunlad.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | April 19, 2023





KATANUNGAN

  1. Nakaka-chat ko ngayon ang ex-boyfriend ko hanggang sa nagpasya kaming magkita, at gusto niyang magkabalikan kami. Gayunman, walang problema dahil dalaga pa ako, pero nalaman ko na may asawa at pamilya na siya sa probinsya.

  2. Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil ang gusto kong malaman kung ano ang dapat kong gawin. Sa ngayon, regular siyang dumadalaw sa bahay dahil nakadestino siya rito sa Maynila at buwanan siyang umuuwi sa probinsya. Ang problema, hindi alam sa bahay na may asawa na itong ex ko na manliligaw ko ngayon.

  3. Maestro, baka siya talaga ang lalaking itinakda sa akin ng kapalaran, kaya kahit sa chat ay muling pinagdugtong ang aming pag-iibigan upang ito ay buuin muli. Ganu’n ba ‘yun?

KASAGUTAN


  1. Hindi ganu’n ‘yun! Sa panahon ngayon, lahat naman ng mga naging kaklase mo noong elementary, high school o college, at kahit na nasa kasuluk-sulukan pa sila ng mundo, kung magaling kang maghanap sa social media, madali mo na silang makikita upang muli kayong magkaroon ng komunikasyon.

  2. Kaya sa panahon ngayon, hindi mo puwedeng ikatwiran na pinagtagpo ulit kayo ng tadhana upang muling dugtungan ang naudlot n’yong pagmamahalan. Bagkus, ang totoo, pinagtagpo kayo ng social media dahil sa inyong kasabikan sa isa’t isa dahil matagal na kayong hindi nagkikita at nagkakakuwentuhan. At kung sinuman ang nagsimula, ang totoo nito, pinagtagpo kayo ng search engine at hindi ng tadhana.

  3. Ano ngayon ang dapat mong maging desisyon? Ang sagot ay hinihingi ng pagkakataong ito na gamitin mo ang iyong isip upang makapagdesisyon ka nang tama. Kaya kung hiwalay na sa asawa ang ex-boyfriend mo, maaari mo siyang tanggapin at muling buuin ang naputol n’yong relasyon.

  4. Ngunit kung nagsasama pa sila at buo ang kanilang pamilya, hindi ka dapat sumawsaw sa relasyon ng mag-asawa. Kapag ginawa mo ‘yun, lalabas na ikaw ay isang kerida o kabit at siyempre, dapat mong maisip na ang pagiging kerida, bukod sa labag sa batas ng tao, labag din ito sa moralidad at batas ng Diyos.

  5. Samantala, hindi ka dapat manghinayang dahil ayon sa ikalawang mas malinaw at magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, sa sandaling tumigil sa panliligaw ang ex-boyfriend mo, na kusa namang mangyayari at kapag naputol na ang komunikasyon n’yo sa Facebook at kapag bumalik na siya sa probinsya, tulad ng nasabi na, may darating naman sa iyo na bagong manliligaw.

  6. Kapag may dumating sa iyong manliligaw, ito ang lalaki na inilalarawan ng ikalawang Marriage Line (2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Siya ang lalaki na makakarelasyon mo at sa bandang huli, siya ang tuluyan mong mapapangasawa.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Norie, darating ang eksaktong sandali na titigil din ang panliligaw, pagkikita at komunikasyon n’yo ng ex-boyfriend mo. Sa sandaling nangyari ‘yun, darating ang isang lalaking inilaan sa iyo ng kapalaran sa susunod na taong 2024, sa buwan ng Mayo o Hunyo.

  2. Ang ikalawang lalaki na ito na may zodiac sign na Virgo, ang siyang magiging ikalawang boyfriend mo hanggang sa tuluyang mapangasawa at makasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page