top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | May 29, 2023





KATANUNGAN

  1. Nasa Canada ang mga tiyuhin at pinsan ko, actually pabalik-balik na ro’n ang parents at kapatid ko. Nais ko rin sanang pumunta ro’n, kaso nagdadalawang isip ako dahil ayaw ng boyfriend ko. Baka raw kasi pag nasa Canada na ako ay palitan ko siya.

  2. Kung sakaling makipag-break sa akin ang boyfriend ko, may chance pa kaya kaming magkabalikan?

  3. Nais ko kasi mag-apply do’n, ngunit sabi sa akin ng boyfriend ko ay okey naman raw ang trabaho ko rito, at may stable na trabaho rin naman siya. Kaya ano raw ang dahilan ba’t pa ako pupunta sa abroad. Sa ngayon ay pareho kaming call center agent.

  4. Maestro, ang pangarap ko ay ang makapanirahan sa ibang bansa, ang problema lang ay magkaiba kami ng pangarap ng boyfriend ko.


KASAGUTAN

  1. Liezel, maaaring hindi kayo compatible ng boyfriend mo ngayon, ito ang nais sabihin ng ikalawang mas malinaw at mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) kung ikukumpara sa maikli at medyo pumangit na unang Marriage Line (1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na tanda, matutuloy ka pa rin sa Canda, dahil ito rin naman ang matagal mo ng pangarap sa buhay. Kung siya ang first boyfriend mo, tiyak ang magaganap, tuluyan kayong magkakahiwalay ng landas at hindi na magkakabalikan kailanman.

  2. Ayon sa malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tiyak na makapag-a-abroad ka, sa sandaling magsimula kang mag-ayos ng iyong mga papeles, hindi na mapipigil ng nobyo mo ang nakatakdang tadhana, sa ayaw at sa gusto niya may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Tunay ngang minsan wala tayong nagagawa sa mga bagay na nakatakda na. Kadalasan, kahit ayaw natin ang isang bagay, kusa pa rin itong nangyayari at nagaganap.

  2. Ganundin minsan ‘yung mga taong inaakala nating tutulong at maasahan natin na maabot ang ating mga pangarap sa buhay ay sila pa itong nagiging hadlang, dahil sa magkaiba na pangarap.

  3. Kaya minsan, dahil sa magkaibang pangarap, naoobliga tayong humanap ng isang taong mamahalin tayo na kapareho natin ng pangarap.

  4. Habang ayon sa iyong datos, Liezel kung ipagpapatuloy mo na ayusin ang mga dokumento mo para makapunta sa Canada, sa susunod na taong 2024, walang duda, may mabiyayang pag-a-abroad na itatala sa iyong kapalaran, kasabay nito tuluyan na kayong maghihiwalay ng boyfriend mo, ngunit sa nasabing bansa mo na rin matatagpuan ang ikalawang lalaking magiging bahagi ng buhay mo, siya na ring makakasama mo sa pagbuo ng isang bago pangarap - mas masayang love life at mas maunlad na pamumuhay (Drawing A. at B. 2-M arrow b., t-t arrow c.).


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | May 27, 2023





KATANUNGAN

  1. Maestro, naisipan kong sumangguni sa iyo upang itanong kung magkakabalikan pa kaya kami ng asawa ko?

  2. Sa ngayon ay nandito ako sa mga nanay ko kasama ang dalawa naming anak. Tumatawag-tawag naman siya at nangangamusta, pero walang siyang sinasabi kung kailan siya babalik.

  3. Sa palagay mo ba, Maestro, babalik pa kaya siya at muli kayang mabubuo ang aming pamilya?

KASAGUTAN

  1. Nagulo ng bahagya ang unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.), sa kaliwa at kanan mong palad, ngunit kapansin-pansin ding may ikalawang mas malinaw at mas magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) na gumuhit na naging kalapit ng naunang Marriage Line.

  2. Ito ay tanda na posibleng ang ikalawang Marriage Line na ito (arrow b.) ay siya ring unang Marriage Line (arrow a.) bagama’t pumangit ay siya ring namang muling magbabalik sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran.

  3. Ang pag-aanalisang magkakabalikan pa kayo ni mister, ay madali namang kinumpirma ng zodiac sign mong Cancer at Capricorn naman si mister. Ayon sa Oriental Astrology ang Capricorn at Cancer sadyang compatible at tugma sa para sa isa’t isa, dahil ang pagsasama ng tubig na siyang elemento ng Cancer at lupa na siya namang elemento ng Capricorn tulad ng nasabi na ay sadyang tugma at may maunlad, masagana at may panghabambuhay na pagsasama.

DAPAT GAWIN

  1. Ayon sa iyong datos, Che, wala namang nakitang tuluyang paghihiwalay sa guhit ng iyong palad, kung kaya’t mas makabubuting kung itutuloy mo ang regular na pakikipag-usap kay mister, sapagkat sa pagpasok ng buwan ng Hunyo makikita mo bubuti ng muli ang inyong relasyon, hanggang sa sumapit ang kalagitnaan ng buwan ng Hulyo sa taon ding ito, babalik na muli sa inyo tahanan ang iyong mister. Muling mabubuo ang inyong pamilya.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | May 26, 2023





KATANUNGAN

  1. Matagal na akong nag-a-apply sa abroad ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakaalis. Kaya naisipan ko lumapit sa iyo, Maestro, dahil nawawalan na ako ng pag-asa at nais ko na lang bumalik sa aming probinsya sa Masbate.

  2. Ngunit ayokong bumalik na bigo sa amin, dahil baka pagtawanan lang ako ng mga kaibigan ko na mahilig mang-asar.

  3. Maestro, ano ba ang dapat kong gawin para matuloy na ako sa pag-a-abroad. Gradweyt ako ng Marine Transportation ngunit wala akong experience kaya ‘di nila ako ma-qualified.

  4. Maestro, ano ba ang nakatakdang kapalaran ko at ano ang dapat kong gawin upang magtagumpay ako sa aking buhay, lalo na’t sa aking career?

KASAGUTAN

  1. Huwag kang susuko, Aldrin, dahil ang kasalukuyan ang magiging kapalaran mo sa hinaharap. Gets mo ba?

  2. Ang taong nagtatanong ng magiging kapalaran para sa kanilang bukas, ay mga hangal. Pero sa tulad naming matatalino (hindi pa ako mayabang n’yan, ha!), ay dapat alam mo na “ang bukas ay siya na ring ngayon”

  3. Kapag tumuntong ka sa edad na 35 hanggang 40, hindi mo na mamalayan, ‘yan na rin ang “bukas” na tinatanong mo kahapon. Kung ano ang iyong pinagkakaabalahan kahapon ay siya ring mangyayari ngayon. At ‘yang “ngayon” na ginagawa mo ay siya namang “magiging bukas mo”. Kaya kung bata ka pa, alalahanin mo ang ginagawa mo ay siya ring magiging kapalaran mo.

  4. Pagbutihan mo, anumang career ang pinagkakaabalahan mo ngayon upang gumanda rin ang iyong kinabukasan. Dahil kapag nag ka-edad na kayo at dumating ang retirement age, mauunawaan niyo – ‘yung ginawa niyo kahapon, ang siyang kasalukuyang nangyayari ngayon.

  5. Sa madaling salita, ang pundasyon ng successful, meaningful at maligayang bukas ay nakasalalay ngayon, lalo na sa mga taong nasa middle age - silang may edad na 25 hanggang 40 pataas. Ngunit sa pagtungtong mo ng 50-anyos, maiisip mo na ang “bukas ay hindi na sa iyo” dahil ang bukas mo ay siya na ring bukas ng iyong mga anak.

  6. Sa tanong mo na ano ang iyong kapalaran, ang sagot ay ayan na ang kapalaran mo, dahil ang kasalukuyan mong sitwasyon ang pinanday mo noong araw at taon na nagdaan, kaya ka nagkaganyan ngayon.

  7. Kaya habang may panahon at lakas ka pang natitira sa iyong mga kamay, paghandaan mo na ang bukas, dahil ngayon palang ay ginagawa mo na ang iyong kapalaran paniguradong magiging positibo at maganda rin ang kinabukasan mo.

  8. Samantala, Aldrin, sa darating na buwan ng Hunyo hanggang Hulyo sa taon ding ito, makapangingibang-bansa ka, dahil sa maganda at malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  9. Kaya hindi ka dapat bumalik sa iyong probinsya, dahil isa o dalawang buwan na lang ang iyong hinihintay may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Ayon sa iyong datos, tiyak na ang magaganap sa taong kasalukuyan makapangingibang-bansa ka at matutupad mo na ang iyong pangarap na makapag-abroad.

  2. Sa sandaling nangyari na ang mga bagay na ito, lalo mo pang dagdagan ang iyong pagsisikap, gawin mo kung ano ang nais mong gawin at ipatupad mo na agad, sapagkat kung paano mong isinasagawa, pinagsikapang mabuti at pinapaganda ‘yan na rin ang magiging kapalaran mo para bukas.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page