top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | August 30, 2023



KATANUNGAN

1.Nag-apply ako ngayon sa Australia bilang caregiver, kaya lang ang mga papeles ko ay nando’n pa rin sa agency na tumulong sa akin at hanggang ngayon ay wala pa rin akong balita.


2. Napaisip tuloy ako na baka nabiktima ako ng illegal recruiter, kaya naisipan kong sumangguni sa inyo Maestro, pero hindi naman siguro dahil pinsan ko na nasa Australia ang nagsabi sa akin na sa Agency na ‘yun ako magpatulong.


3. Maestro, sa palagay mo may Travel Line ako at gaano kalaki ang tsansa na ako ay makapag-abroad? Kung makapag-a-abroad ako, kailan naman kaya ito mangyayari?


4. Sobrang tagal ko na naghihintay, sumagi na rin sa akin isipan na bumalik na lang sa dating kumpanya na pinapasukan ko. Ayon kasi sa boss ko, ‘pag nagbago raw ang isip ko, anytime ay puwede umano akong bumalik sa kanila kasi ro’n kabisado ko na ang trabaho ko at nahihirapan raw silang maghanap ng kapalit ko.

KASAGUTAN

1.Tama ang nasa isip mo Florabelle, mas mainam na bumalik ka na lang sa dati mong trabaho kaysa na maghintay ka sa wala o sa isang kapalarang hindi pa naman nakatakdang dumating ngayon.


2. Tunay ngang hindi pa ngayon ang tamang panahon para ikaw ay makapag-abroad, dahil medyo magulo pa ang namataang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na tama ang iminumungkahi ng dati mong boss na bumalik ka muna sa kanila dahil hindi naman gaanong pumangit ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na tutuparin ng dati mong boss ang pangako niya sa iyo na muli kang makakabalik sa kanila at muli ka nilang tatanggapin upang magtrabaho, kaya imbis na tumambay at naghintay kung kailan ka makakaalis papuntang abroad, mas mabuting magtrabaho ka na lang muli sa dati mong amo, lalo na magpapasko pa naman ngayon, mahirap ang walang regular income at para sa pagsapit ng takdang panahon na kung saan luminaw na ang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad saka ka na lang muli mag-apply sa abroad.

DAPAT GAWIN


Habang ayon sa iyong mga datos Florabelle, hindi pa ngayon ang tamang panahon upang ikaw ay makapangibang-bansa, kaya tamang-tama ang iyong pasya, bumalik ka na lang muna sa dating employer mo, sapagkat gumanda rin naman ang Travel Line sa medyo dulo ng bahagi (t-t arrow c.) at sa taong 2025 ka pa makapag-a-abroad, hindi sa bansang Australia kundi sa bansang Canada.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | August 28, 2023



KATANUNGAN

  1. Itatanong ko sana kung nasa guhit ba ng aking palad ang pag-a-abroad? Nakakatatlong subok na kasi akong mag-apply pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakaalis, bakit kaya gano’n? Samantalang domestic helper (DH) lang naman ang inaapplyan ko. Sa katunayan nga ay noong 2020 aalis na sana ako kaya lang ay nagka-pandemic, kaya ‘di tuloy ako natuloy.

  2. Maestro, sa palagay mo ba may pag-asa pa akong makapag-abroad? O dapat ko na lang tanggapin ang aking kapalaran dito sa Pilipinas?

  3. Dati akong tindera sa bakery, ang kaso matumal ang benta kaya sila-sila na lang magpapamilya ang nagtinda.

  4. Kaya ngayon ay gustung-gusto ko talagang makapag-abroad para maiahon ko sa kahirapan ang pamilya ko na nasa probinsya at makapagpadala ako sa kanila.

  5. Sa palagay n’yo, matutuloy kaya ako sa abroad at kung sakaling oo, kailan naman ito magaganap? Ang birthday ko ay January 8, 1988.

KASAGUTAN

  1. Ganyan talaga ang kapalaran ng mga taong osto na tulad mo Ms. Capricorn hindi mo madaling makukuha ang tagumpay, kaya asahan mo na bago ka makapangibang-bansa, maraming pagsubok muna ang iyong mararanasan, pero matapos ang mga negatibong pangyayari, ang mahalaga nanatili kang nakakapit, at lumalaban.

  2. Ayon sa malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, makapag-a-abroad ka rin na kinumpirma ng lagda mong medyo umaalon-alon at bahagya pa ngang umangat ang pinakapaa ng dulong letrang “n”.

  3. Ibig sabihin, ngayon pa lang nasasagap ng unconscious mong isipan ang nakatakdang maganap, na kung ‘di ka titigil sumubok nang sumubok, sa susunod na pagpihit ng mga buwan at pag-usad ng panahon, may isang produktibo at masaganang paglalakbay ang itatala sa iyong kapalaran.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Hindi porke malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanang palad, senyales na makakapag-abroad ka, binabase rin ito sa bitbit na numero at siyempre sa will power o matinding kagustuhan ng isang tao na makapangibang-bansa.

  2. Katulad ng mga taong otso, may bitbit silang mga numerong 8, 17 at 26, kahit may Travel Line (arrow a.), medyo mahihirapan pa rin silang makamit ang magandang kapalaran, dahil kaakibat ng kanilang numero ang sinasabi nating “hard road to glory” o sa madaling salita, “paghihirapan mo muna ang iyong pangarap bago mo ito mapitas at pagpapawisan mo muna ang lahat bago ka tuluyang lumigaya at umunlad!”

  3. Habang ayon sa iyong mga datos Ms. Capricorn, konting tiis pa, basta't ‘wag ka lang sumuko at tumigil, makikita mo sa susunod na taong 2024, sa buwan ng Setyembre o kaya’y Oktubre habang lumalapit ang panahon ng kapaskuhan may isang maaliwalas at masaganang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong karanasan.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | August 25, 2023




KATANUNGAN

  1. Matagal na akong sumusubaybay sa inyong mga kolum, kaya medyo marunong na akong tumingin ng guhit ng palad. Pero magpapaanalisa pa rin ako sa inyo dahil hindi naman ako expert tulad n’yo.

  2. May sloping Head Line ako o medyo nakakurbang pabilog ang dulo. Sabi n’yo, dapat straight ang Head Line dahil sila ang mga taong yumayaman. Kung hindi yayaman ang may sloping o pakurbang pabilog na Head Line, ano ang mangyayari sa kanyang kapalaran, lalo na pagdating sa career?

  3. Sa ngayon, nag-a-apply ako sa abroad. Ang pinoproblema ko, kapag natuloy ako, sino ang mag-aasikaso sa mga bata? Ngayon kasi, nagtatrabaho rin ang misis ko bilang guro at sabi niya, kahit nasa abroad na ako, hindi pa rin siya magre-resign sa pagtuturo dahil sayang ang benepisyo na matatanggap niya kapag nasa retirement age na siya.

  4. Kaya ngayon, kahit may aplikasyon ako sa abroad, nagdadalawang-isip pa rin ako kung tutuloy ako o hindi.

  5. Sa palagay mo ba, Maestro, may magandang pag-a-abroad ang nakalaan para sa akin? At kahit sloping ang aking Head Line, maaari rin kaya kaming yumaman?

KASAGUTAN

  1. Tulad ng kasalukuyan mong attitude sa buhay, ang nais ipahayag o sabihin ng sloping Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Mas mauuna ang negatibong pag-iisip mo kaysa sa magagandang mangyayari sa hinaharap.

  2. Isang kongkretong halimbawa ang iniisip mong pag-a-abroad, hindi ka pa man natutuloy sari-sari nang negatibong bagay at pag-aalinlangan ang pumapasok sa iyong isipan, dahil sloping ang iyong Head Line (H-H arrow a.) na ang ibig sabihin, ay imbis na lumawak ay unti-unting dumidikit o lumalapit sa Life Line (arrow b.) ay nangangahulugang malayo na sana ang narating at naabot mo kundi lamang masyado kang “self-conscious” sa mga binabalak, iniisip, pinaplano at ginagawa mo.

  3. Dagdag dito, hindi ka lang “self-conscious”, ang masaklap pa nito, kapansin-pansin din ang mga pangyayari sa buhay mo na puro negatibong senaryo, na sa halip ay magagandang pangyayari. Ito ang paalala sa’yo ng iyong zodiac sign na Virgo.

  4. Sa madaling salita, kapag hindi mo nabago ang iyong pananaw o attitude sa buhay, tulad ng nasabi na, habang malayo na ang nararating ng mga kasabayan at mga kaibigan mo, kayo naman ng misis mo ay isang kahig isang tuka pa rin. Kahit dalawa pa kayo ang nagtatrabaho, mahihirapan pa rin kayo at marami pa rin kayong mga utang na dapat bayaran. Paano nga kasi masyadong negatibo ang pananaw mo sa halos lahat ng sitwasyon at pangyayari dumarating sa inyong buhay.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Denver, kapag hindi mo naiwaksi sa iyong isipan ang pag-aalala at alinlangan sa iyong sariling kakayahan kahit patuloy na magturo sa public school si misis at makapag-abroad ka rin, hindi pa rin kayo yayaman.

  2. Sa kabilang banda, tandaang magsisimula lamang kayong yumaman sa sandaling naging positibo at praktikal ang laman ng iyong isipan at kapag mas tinitingnan mo nang mas maganda ang bawat pangyayari sa inyong buhay, unti-unti na ring dumiretso ang sloping Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, hanggang sa unti-unting magbalik sa tamang direksyon — ang pagiging tuwid na Head Line (arrow c.) na nagbabadya ng walang dudang pag-unlad hanggang sa tuluyan na ring yumaman ang inyong pamilya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page