top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | September 13, 2023




KATANUNGAN

1. Matagal na akong sumusubaybay sa mga artikulo n’yo. Pero, hanggang ngayon hindi ko pa rin maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng Fate Line na nag-start sa Life Line at natapos sa ilalim ng daliring hilalato?

2. Ganyan kasi ang guhit ng palad ko, kaya sana masagot n’yo ang katanungan kong ito upang maunawaan ko ng lubos kung ano ang mangyayari sa aking kapalaran lalo na sa aking career?

KASAGUTAN

1. Kapag ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) ay nakadikit sa Life Line (L-L arrow a.) sa kaliwa at kanang palad, ito ay tanda na sa sarili mong diskarte at pagsisikap, kayang-kaya mong maiahon ang iyong buhay sa kahirapan, gayundin makakaya mo ring maiahon sa kahirapan ang inyong pamilya na nasa probinsya.

2. Ito ang tipikal na kuwento ng isang indibidwal na nanggaling sa isang mahirap na angkan, ngunit dahil sa matinding pagsisikap, nagawa niyang paunlarin ang sarili niyang buhay gayundin ang buhay ng kanyang mga magulang. Ibig sabihin, dadaan ka sa hindi birong pagsisikap hanggang sa makamit mo ang isang maunlad at masaganang pamumuhay (F-F arrow b).

3. Ang nasabing makakaahon ka sa kahirapan kasama ang iyong mga kamag-anak ay madali namang pinatunayan ng malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito naman ay tanda na sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, makapag-a-abroad ka at sa sandaling tuluyan ka ng nakalayo sa sinilangan mong bayan, du’n na unti-unting itatala ang sunud-sunod mong suwerte at magandang kapalaran hanggang sa tuluy-tuloy ka na umunlad at makaahon sa kahirapan kasama ang iyong pamilya.

DAPAT GAWIN

Kaya ayon sa iyong mga datos Raymond, kung kasalukuyan kang naninirahan sa inyong probinsya at balak mong lumuwas ng Maynila at makipagsapalaran sa ibayong dagat, tiyak na ang magaganap sa susunod na taong 2024, sa edad mong 37 pataas, walang duda, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran na magiging daan, upang tulad ng nasabi na, uunlad at maiaahon mo rin sa kahirapan ang inyong pamilya hanggang sa magkaroon ka ng sariling pamilya. Gamit ang iyong sariling pagsisikap, tuluy-tuloy na kayong uunlad at yayaman (H-H arrow d.).


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | September 11, 2023




KATANUNGAN

  1. Magsi-siyam na taon na rin ang nakakalipas mula noong pumanaw ang mister ko, nabundol siya ng kotse habang siya ay nagmomotorsiklo. Nagawang aregluhin ang kaso at ‘yung nakuha kong pera ang ginamit kong puhunan sa itinayo kong tindahan sa palengke.

  2. Naging maayos naman ang buhay namin ng mga anak ko. Sa ngayon, ‘yung panganay ko ay nakapagtapos na ng kolehiyo at may trabaho na habang ang bunso ko naman ay malapit na ring makatapos ng kolehiyo.

  3. Ang isasangguni ko sa iyo Maestro, ay tungkol sa aking lovelife, may nanliligaw ngayon sa akin na binata, gusto ko siya pero natatakot ako na baka kung kailan ako nagkakaedad at may mayroon na ring naipundar ay malasin pa ako sa ikalawa kong pag-aasawa.

  4. Puwede na ba akong mag-asawang muli at sa ikalawang pag-aasawa kong ito, susuwertehin na kaya ako?

KASAGUTAN

  1. Ayon sa ikalawang nabiyak na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, tunay ngang sa ikalawang pagkakataon, makakapag-asawa ka. Ngunit, isa hanggang dalawang taon lang magiging maligaya ang inyong pagsasama, at makalipas ang tatlo hanggang apat na taon, hindi rin ito magiging successful, at magkakahiwalay din kayo ng lalaking mapapangasawa mo.

  2. Ang pag-aanalisang mas mabuti pang ‘wag ka na lang muli pang mag-asawa dahil wala ka namang talagang suwerte sa pag-ibig at pakikipagrelasyon na kinumpirma ng magulo at may malaking bilog na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) na parang nabiyak na hindi mo maintindihan sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Ito ay malinaw na tanda na kung maligaya ka ngayon sa piling ng iyong mga anak at nalilibang ka naman sa iyong negosyo, tulad ng nasabi na, ituring mo na ang iyong sarili at italaga mo na ang iyong buhay sa paglilingkod at pag-aaruga sa iyong mga anak at sa mga magiging apo mo. Pagsikapan mo pa na mapaunlad ang inyong kabuhayan hanggang sa yumaman ka - na siyang pinapagawa sa iyo ng iyong kapalaran (H-H arrow d.), kung saan, sa pag-aaruga sa iyong mga anak at magiging apo, tiyak ang magaganap, mas makakatagpo ka pa ng ligaya at kapanatagan sa iyong isipan.

  4. Pero, siyempre dahil babae ka rin naman, puwede ka pa ring ma-inlove, pero hanggang romantic feeling lang, hindi mo dapat seryosohin o gawing asawa.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Habang ayon sa iyong mga datos Zen, kung namatay ang una mong asawa (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) tiyak ang magaganap, sa ikalawa mong pag-aasawa, muli kang luluha at mag-iisa, dahil sa hindi n’yo pagkakaintindihan na sa bandang huli ay hahantong din sa hiwalayan (2-M arrow b.).

  2. Okey lang na umibig at magmahal Zen, pero ‘wag mong ituring na asawa ang anumang relasyong darating sa iyo. Sa halip, tulad ng isang magandang paru-paro na dumapo sa isang bulaklak, magiging maligaya ka rin naman sa fling na relasyon, ‘yun bang hindi pangmatagalan.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | September 7, 2023




KATANUNGAN

  1. Maestro, kung sakaling isa lang ang namataang Marriage Line sa kaliwa at kanang palad ng dalaga na nagkaroon na ng bf. Ibig sabihin ba nu’n ay hindi na siya muli pang magkaka-boyfriend? At tatanda na lang ba siyang dalaga habambuhay?

  2. Ganu’n kasi ang nakita ko sa aking palad, nagkaroon ako ng boyfriend noong high school at naghiwalay kami nu'ng college na kami. Siya na kaya ‘yung kaisa-isang Marriage Line na nakikita ko sa aking palad at wala na kayang susunod na lalaki pang darating sa buhay ko?

  3. Sa ngayon kasi ay 42-anyos na ako, pero hanggang ngayon ay ‘di pa muli ako nagkaka-boyfriend.

  4. Sa palagay mo ba Maestro, makakapag-asawa pa kaya ako at magkakaroon ng masayang pamilya na gusto ko sanang mangyari.

KASAGUTAN

1. Depende sa unang pakikipag-boyfriend o sa unang pakikipagrelasyon ‘yang sinasabi mo, Isabelle. Kung ang unang pakikipagrelasyon mo noong nasa high school ka pa ay tumagal ng mahabang panahon at may quality relationship na tinatawag, ‘yun bang parang mag-asawa na kayo, posible ngang siya na ang nabanggit ng kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

2. Subalit, kung halimbawang ang relasyon n’yo ay puppy love lang, hindi naman talaga seryoso, at bihira lang kayong magkasama, at magholding hands. Kung ganu’n ang sitwasyon ng inyong relasyon, tiyak ang magaganap may isa at mas matinding pag-ibig pa ang muling kakatok sa iyong puso na madali namang kinumpirma ng nasabing kaisa-isang Marriage Line (1-M arrow a.) na mas mataas sa Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) at malapit sa pinaka-ilalim ng daliring hinliliit na nagbabadya ng petsa kung saan, humigit kumulang early 40’s or mid 40’s ka pa posibleng makaranas ng isang seryoso at totoong pakikipagrelasyon na hahantong sa isang maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa.

DAPAT GAWIN

Kaya nga Isabelle, sa edad mong 42-anyos,‘wag ka munang mawalan ng pag-asa. Sa halip, ayon sa iyong mga datos, sa edad mong 42 pataas, isang lalaking katamtaman ang taas at pangangatawan na nagtataglay ng kayumangging kulay ng balat ang darating, magiging kaibigan mo siya na sa bandang huli ay magugustuhan mo na rin siya, sa pagsapit ng susunod na taong 2024 sa edad mong 43 pataas, tuluyan na magaganap ang kaisa-isa ng Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, makaranas ka na rin ng isang simple pero maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page