top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | October 12, 2023


KATANUNGAN

  1. Ang gara ng boyfriend ko dahil noong hindi niya pa ako nagagalaw ay mahal na mahal niya ako. Hindi niya raw ako iiwanan at pakakasalan niya umano ako. Pero ngayon, kahit loadan ko siya hindi man lang siya nagte-text o tumatawag sa akin. Naiisip ko tuloy sa ngayon, Maestro, na hindi niya na ako mahal.

  2. Kasalukuyang nagtatrabaho ang boyfriend ko at siya ay supervisor at nasa sales department siya, kaya madalas siyang madestino kung saan-saang lugar. Kapag bumabalik siya sa Maynila, saka ko lang siya nakakausap at ang dahilan kaya hindi siya nakakapag-reply sa mga text ko ay dahil wala umano siyang signal.

  3. Pero alam mo, Maestro, sa totoo lang ay nayayamot na ako sa ganitong sitwasyon namin. Ano’ng dapat kong gawin, dapat na ba akong makipag-break sa kanya kahit na siya ang nakauna sa akin?

  4. Base sa palad ko, kami na ba ang magkakatuluyan o mas mainam na makipag-break na lang ako at humanap ng ibang lalaking magpapahalaga, seseryoso at magmamahal sa akin?


KASAGUTAN

  1. Tandaang kaya nakikipag-boyfriend o girlfriend ang isang tao ay para mawala ang pangungulila, para sumaya, may makausap at may makaramay sa mga problema. Kaya kung imbes na saya ay lungkot ang nangyayari sa pakikipag-boyfriend mo at siya pa ang nagiging dahilan ng iyong problema, tama lang kung didispatsahin mo na siya at humanap ka ng ibang lalaking totoong magpapaligaya sa iyo.

  2. Marahil, tama lang na makipag-break ka sa kasalukuyan mong boyfriend, upang minsan pa, sa sandaling nawala ka sa buhay niya at nagkataong mahal ka pala talaga niya, sa puntong ‘yun ay maramdaman man lang niya ang tunay mong halaga sa kanyang buhay.

  3. Kaya lang, ang nais sabihin ng guhit ng iyong palad, ay hindi na kayo maghihiwalay ng boyfriend mo. Ito ang nais sabihin ng maganda at matatag na kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.), na sinuportahan din ng maayos at magandang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  4. Tanda na sa sandaling muli kayong nagkausap nang seryoso at puso sa puso, tiyak ang magaganap. Hindi matatapos ang buwang ito ng Oktubre, walang duda na muli kayong magkakasundo at magiging maligaya.


MGA DAPAT GAWIN

  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Jeanelle, sa sandaling naramdaman ng iyong boyfriend na nayayamot at naiinis ka na sa kanya at balak mo nang makipag-break, kusa siyang hihingi sa iyo ng paumanhin at isa pang pabor upang magkausap kayong dalawa.

  2. Sa inyong masinsinang pag-uusap, isa lang ang inyong mapagkakasunduan at ito ay ang pasiglahing muli at pag-ibayuhin pa lalo ang inyong relasyon. At sa bandang huli, sa ayaw at sa gusto n’yo, ang takdang kapalaran pa rin ang masusunod kung saan kayo na nga ang magkakatuluyan at masasama sa pagbuo ng isang maunlad at masayang pamilya habambuhay (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at h-h arrow b.).

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | October 08, 2023


KATANUNGAN

  1. May boyfriend ako, at kasalukuyan siyang nasa barko. Usap-usapan dito sa amin na marami siyang babae. Pero, ‘pag nandito naman siya sa ‘Pinas, wala naman akong napapansin na kakaiba sa kanya.

  2. Regular naman ang aming pag-uusap at sabi niya kaunting tiis na lang dahil pagbaba niya sa susunod na taon ay aayusin na raw namin ang aming kasal.

  3. Siya na kaya ang mapapangasawa ko? At totoo kaya na marami siyang babae o sinisiraan lang siya ng mga tao rito dahil nakikita nilang masaya ang aming relasyon?

KASAGUTAN

  1. Tama ka, Desiree, ikaw ang nobya ng boyfriend mo, at hindi ang mga tsismosa at dalahira sa inyong lugar. Tama ka, ikaw ang unang nakakaramdam kung bukod sa iyo ay may iba pa ngang babae ang boyfriend mo. At dahil feel mo namang tapat siya sa iyo, wala ka na dapat ipag-alala, dahil maaaring naiinggit lang sila sa masayang relasyon n’yo.

  2. Anu't anuman ang mangyari, ang kaisa-isa, maganda, makapal at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, ang matibay na datos na dapat mong panghawakan. Kung saan, dahil iisa lang ang malinaw at mahabang Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, tulad ng nasabi na, napakalaking posibilidad na kayo na nga ng seaman na boyfriend mo ang magkatuluyan na madali namang kinumpirma at pinatunayan nang maayos, hindi nalatid, at nakatuntong na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa Bundok ng Jupiter (arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda at pangako ng isang panghabambuhay at maligayang pag-aasawa sa takdang panahong inilaan ng kapalaran.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Sadyang marami talagang nakikisawsaw sa isang relasyon higit lalo kung sikat o kilala ang magkasintahan.

  2. Subalit, anu't anuman ang mangyari, mas mainam na ‘wag mo na lang pansinin ang mga naninira sa inyo. Sapagkat, ayon sa iyong mga datos, Desiree, sa unang hati or first quarter ng taong 2025, tiyak ang magaganap, matutupad ang pangako sa iyo ng iyong boyfriend. Magaganap ang inyong pag-iisang-dibdib na magreresulta ng isang maunlad, masayang at panghabambuhay na pagpapamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | October 06, 2023


KATANUNGAN


Maestro, nais kong ipabasa ang guhit ng aking palad tungkol sa aking pag-aasawa. May boyfriend ako ngayon at balak na naming magpakasal sa susunod na taon. Kaya, nais kong malaman kung anong araw at buwan magandang ikasal? At kung halimbawang natuloy ang pag-iisang-dibdib namin, magiging maunlad, maligaya at panghabambuhay na kaya ang papasukin naming pagpapamilya?

KASAGUTAN


Kapansin-pansing maayos at maganda naman ang pagkakaguhit ng kaisa-isa at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, tanda na kung matagal na kayong mag-dyowa ng boyfriend mo, tunay ngang puwede na kayong magpakasal, sa susunod na taong 2024. Ang maligayang pag-aasawa na binabanggit ng kaisa-isa at makapal na Marriage Line (arrow a.) ay madali namang kinumpirma ng walang bilog, hindi nalatid at nakatuntong sa Bundok ng Jupiter na tinatawag ding Bundok ng Kaligayahan (arrow b.) na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na ang papasukin mong buhay may-asawa ay sigurado namang uunlad at walang duda na maging matagumpay at habambuhay na magiging maligaya.

DAPAT GAWIN


Kaya nga, Kyle, ang zodiac sign mong Virgo at Taurus naman ang boyfriend mo ay nagsasabing mapalad at suweto kayong magsama at magpakasal sa susunod na taong 2024. Mas okey kung sa buwan ng Mayo o Oktubre, sa mga piling petsang 1, 10, 19, o 28 gaganapin ang nasabing pag-iisang-dibdib. Mas mainam din kung itapat ang kasal sa panahong papabilog o papalaki ang buwan sa kalangitan. Ito ang tinatawag na, first quarter or full moon ang buwan sa langit, upang tulad ng papabilog at papabulas na liwanag ng buwan sa kalangitan, magiging papabulas at papaunlad din ang itatayo n’yong pamilya, habambuhay, habang patuloy kayong nagsasama at nagmamahalan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page