top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | December 19, 2023


 

KATANUNGAN

  1. Bakit ganu’n, masipag naman kaming mag-asawa at parehong may trabaho pero hanggang ngayon, wala pa ring nagbabago sa buhay namin? Mahirap pa rin kami at walang sariling bahay at lupa.

  2. Maestro, may pag-asa pa ba kaming umunlad at magkaroon ng sariling bahay na matagal na naming pinapangarap para hindi na kami mangungupahan?

 

KASAGUTAN

  1. Nahulog sa pagitan ng hintuturo at hinlalato ang Fate Line na tinatawag ding Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Bagama’t malinaw at makapal ang nasabing Fate Line, (arrow b.) dahil nahulog nga ito sa pagitan ng mga daliri (arrow a.) Sa halip na pumirmi sa tuktok ng bundok o pinakailalim ng hinlalato, ito ay tanda na mahihirapan kang makaipon ng sapat na salapi upang matupad ang pangarap n’yong sariling bahay at lupa.

  2. Sa ibang libro ng Palmistry, ang ibig sabihin ng nahulog na Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa pagitan ng mga daliri ay magkakapera at hahawak ka rin ng malaking halaga ng salapi, pero ang perang nasabi ay nauubos din agad.

  3. Kumbaga, naging ugali mo na ang bumili ng kung anu-ano at walang kabuluhang bagay, kaysa na mag-ipon. Kung hindi ka magbabago ng kilos, parang trumpong mabilog, sa hinuhukayan mong kahirapan ay habambuhay ka na ring lulubog.

  4. Kaya dapat maging mahusay ka sa paghawak ng pera o pagba-budget ng inyong kinikita at hindi gasta nang gasta. Sa ganyang paraan, baka sakaling umunlad ang inyong kabuhayan at matupad ang pangarap n’yong house and lot.

  5. Ang isa pang pinakamagandang solusyon ay tingnan o suriin mo ang kaliwa at kanang palad ng iyong mister. Kung nakita mong nanatili sa Bundok ng Saturn, ito ang ilalim na malamang bahagi ng daliring panggitna, ang kanyang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) sa kaliwa at kanang palad, siya ang paghawakin mo ng inyong income. Sa madaling salita, siya na ang pag-budgetin mo sa pang-araw-araw n’yong pangangailangan. Kapag si mister na may Fate Line na hindi nahulog sa pagitan ng mga daliri (arrow c.) ang humawak at nagpaandar ng inyong kabuhayan, magagawa niyang makapag-impok at makapagtabi ng pera, hanggang sa tuluyang magkatotoo ang pinapangarap n’yong sariling lupa at bahay.

 

MGA DAPAT GAWIN

  1. Sinasabing kung parehong nahulog sa pagitan ng mga daliri ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a. at b.) sa kaliwa at kanang palad ng dalawang mag-asawa, malungkot man sabihin, pero malabo silang umunlad o magtagumpay sa buhay. 

  2. Kung ganu’n, ano ang pag-asa na yumaman o umunlad ang pamumuhay ng nasabing mag-asawa? Siyempre, nakasalalay ang kanilang tagumpay sa larangan ng materyal na bagay sa paglaki o pagka-gradweyt ng kanilang mga anak. Isang anak na mayroong good looking Fate Line na hindi nahulog sa pagitan ng mga daliri (arrow c.) kung saan, darating ang panahon sa kanilang buhay na ang nasabing anak ang magpapayaman at maghahatid ng kasaganahang para sa kanila.

  3. Habang, ayon sa iyong mga datos, Rose Marie, ang dapat mong gawin ngayon ay mag-practice ng pormula ng tamang pag-manage sa inyong kabuhayan. Kapag dumarating ang araw ng suweldo, unahin mo ang pagtatabi ng kaunting halaga at saka ka gumastos.

  4. Sa ganyang paraan pagnatuto o marunong ka na mag-manage ng inyong kabuhayan, darating ang panahong lalaki rin nang lalaki ang inyong savings, hanggang sa dumami nang dumami at kapag marami na ang naitabi n’yong pera, sa taong 2028 unti-unti na kayong makakabili ng sariling lupa hanggang sa maipagawa n’yo na ang pinapangarap n’yong dream house.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | December 18, 2023


 

KATANUNGAN

  1. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang itanong kung magkakatuluyan kaya kami ng boyfriend ko? Tutol ang pamilya niya sa relasyon namin, at dati pa sinasabi ng parents at kapatid ko na layuan ko na raw ito, pero hindi ako nakinig sa kanila, at ngayon nagkakalabuan na kami.

  2. Sabi pa ng mga kapatid ko, bata pa raw ako kaya makakalimutan ko rin ang boyfriend ko. Sa ngayon, kahit nagkakalabuan kami, feel ko magiging kami uli ang relasyon namin. Maestro, ano ba ang dapat kong gawin at sino ba ang dapat kong sundin? Ang damdamin ko o ang mga magulang ko?

  3. Nais ko ring malaman kung makapagtatapos ba ako ng pag-aaral? At kung hindi man, magiging maganda kaya ang takbo ng aking career balang araw? Pangarap ko rin sanang makapag-abroad, Maestro, may chance kayang matuloy ito?

 

KASAGUTAN

  1. May bilog ang kaliwa mong Heart Line (Drawing A. h-h arrow a.) habang nabiyak naman ang Heart Line sa kanan mong palad (Drawing B. h-h arrow b.). Ito ay malinaw na indikasyon o tanda na kung ipagpipilitan mo ang iyong puso, sa bandang huli, isang malaking kasawian sa pag-ibig ang naghihintay, sa tuluyang pagtatalusira at pagbi-break n’yo ng kasalukuyang boyfriend mo.

  2. Samantala, kung susundin mo ang iyong mga magulang, tulad ng nangyayari sa ngayon sa kalungkutan din mauuwi ang buhay mo. Oo malulungkot ka, dahil sino ba naman ang hindi nalungkot sa sandaling ipasya niyang kalimutan na ang lalaking kanyang minamahal? Sa madaling salita, wala kang matinong pamimilian sa ngayon kundi ang mabigo at tuluyang lumuha sa una mong pag-ibig. Pero at least, hindi gaanong masakit dahil maaga palang ay napaghandaan mo na ang magiging kaganapan ng iyong kasalukuyang lablayp.  

  3. Gayunman, mas mainam ng mabigo at lumuha habang sumusunod sa advice at sinasabi ng magulang at kapatid mo, kaysa naman suwayin mo sila at pagkatapos ay sa kangkungan ka rin pala ng kalungkutan at kabiguan pupulutin.

  4. Hinggil naman sa iyong career, dahil ikaw ay nagtataglay ng mala-square type hand (Drawing A. at B. arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Anuman ang isipin at pangarapin mo sa iyong career, makatapos ka man ng pag-aaral o hindi, sa bandang huli, nakatakda na ang will power o sarili mong diskarte at kagustuhan ang mananaig at matutupad.

  5. Ibig sabihin, kapag gusto mong magkaroon ng trabaho, ito ay matutupad. Kapag ginusto mong umunlad at umasenso sa anumang larangang iyong maibigan, magagawa at maisasakatuparan mo ‘yun. Sapagkat, ang mga taong may mala-square type hand, malaman, tumatalbug-talbog kapag sinalat ang palad, ang ibig sabihin nito ay maraming energy ang iyong inner self na tunay ngang nagagawa nilang ipatupad ng suwabeng-suwabe ang anumang maibigan nila sa buhay at madali rin silang nagtatagumpay sa anumang binabalak nilang gawin lalo na kung may kaugnayan sa salapi, career at sa materyal na bagay.

 

MGA DAPAT GAWIN 

1.      Kaya nga, ayon sa iyong mga datos, Franscheska, sa lahat ng aspeto ng buhay basta’t binigyang konsentrasyon mo, walang alinlangan makakamit mo rin ito at mapagtatagumpayan, maliban na lamang sa isang bagay – at ang bagay na ito ay ang sa pag-ibig o ang kasalukuyang pakikipagrelasyon mo sa iyong boyfriend, kung saan, tiyak na kabiguan at sa kalungkutan lang mauuwi.

2.      Samantala, upang hindi na mabigo o lumuhang muli sa susunod na pakikipagrelasyon, humanap ka ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Gemini, Libra o Aquarius na may birth date na 7, 16 o 25 – sa piling ng nasabing lalaki, makakasumpong ka na ng isang tunay at wagas na pag-ibig na hahantong sa isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya na nakatakdang mangyari at maganap sa susunod na taong 2024 sa edad mong 21 pataas.

 



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | December 16, 2023


 

KATANUNGAN

  1. May straight Head Line ako sa kaliwa at kanang palad. Maestro, ang sabi n’yo, kapag straight o tuwid ang Head Line ito ay tanda na yayaman. Pero, ang pinagtataka ko, paano ako yayaman? 

  2. Balak ko na sanang mag-resign sa trabaho ko at gusto ko na lang na magtayo ng sarili kong business. Ano ang masasabi n’yo?

  3. Ang isa ko pang napansin sa aking palad parang huminto ang Fate Line ko, ibig sabihin ba nito ay mawawalan ako ng hanapbuhay o trabaho na ‘yun din ang nabasa ko sa mga artikulo n’yo? Kaya sana paki-analyze ang aking palad at kung ano ang mangyayari sa akin lalo na pagdating sa aking career at financial.

 

KASAGUTAN

  1. Tama ka, Ethan, kapansin-pansing straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) ang guhit ng isip sa kaliwa at kanan mong palad, na sinabayan ng paghinto ng Fate Line o Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) sa parehong palad. Ito ay malinaw na tanda na hindi magtatagal, sa ayaw at sa gusto mo, planado man o hindi, bigla kang masisisante sa iyong trabaho at ang pagkawala ng hanapbuhay na ito ang magtutulak o magsisilbing simula upang magbago ang tinatahak na linya ng iyong career.

  2. Mula sa dating pangkaraniwang manggagawa o trabahador sa isang ahensya ng gobyerno — ang luminaw, kumapal at humabang Business Line o Guhit ng Negosyo (Drawing A. at B. N-N arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad ang nagpapahiwatig at kumumpirma na ang siguradong mangyayari sa kapalaran mo ay “change of career” o pagbabago ng linya. Ibig sabihin, kung noon ay sumusuweldo ka tuwing sasapit ang akinse at katapusan at matapos kumubra ng suweldo ay ubos agad ang pera dahil sa mga utang, sa bagong linya ng hanapbuhay, iba na ang magaganap — bukod sa wala ka nang amo, ang tubo o balik ng iyong puhunan ay matatanggap mo na araw-araw.

  3. Sa sandaling pinaikot mo nang pinaikot ang nasabing balik-tubo sa araw-araw, mabilis na lalago ang papasukin mong negosyo. Kung saan, ayon sa birth date mong 24 o 6 (2+4=6) na may ruling planet na Venus, ang numero mong sais (6) ay nagsasabing may kaugnayan sa produktong pagkain ang kusa mong maiisipang simulan at sa negosyo ring ito, unti-unti kang uunlad hanggang sa tuluyang yumaman.

  4. Sa panahong ‘yun, kapag nakikita mong umuunlad at lumalago na ang iyong negosyo, kusa na ring matutupad ang nais sabihin ng straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad — dahil sa pagiging praktikal, masinop sa kabuhayan, materyoso at pagmamahal sa salapi, uunlad nang uunlad ang iyong kabuhayan hanggang sa tuluyan ka nang yumaman.

 

DAPAT GAWIN


Habang, ayon sa iyong mga datos, Ethan, sa susunod na taong 2024, bigla kang mawawalan ng trabaho dahil sa politika. Ngunit kasabay nito, makakadiskubre ka ng kakaibang negosyo o produkto na may kaugnayan sa pagkain, at sa negosyong nabanggit, katuwang ang iyong may bahay na isang Libra - tiyak ang magaganap, sa bagong source of income, unti-unting lalakas ang inyong negosyo at dahan-dahan na ring uunlad ang inyong kabuhayan hanggang sa paglipas ng lima hanggang pitong taon, sa taong 2031, sa edad mong 57 pataas, mararamdaman mong natutupad na ang “straight Head Line” sa kaliwa at kanan mong palad – yayaman ka na. 

 


 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page