top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | Oct. 22, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Naisipan kong sumangguni sa inyo para itanong ang tungkol sa love life ko. Nagtataka ako kung bakit sa dinami-rami kong kaibigan, wala kahit isa sa kanila ang naging karelasyon ko? Ang kinaiinisan ko pa, kapag may problema sila, agad ko silang tinutulungan. Pero kapag ako na ang nanghihingi ng advice sa kanila, tine-taken for granted lang nila ako. Nakakainis, lalo na ngayong 27-anyos na ako, pero nananatili pa rin akong nag-iisa, walang asawa, walang anak at walang pamilya.

  2. Maestro, kailan ba ako makakapag-asawa, at may pag-asa pa ba akong makapag-asawa kahit wala na wala akong boyfriend ngayon? Bakit ganito? Gayung ang dami ko namang achievements sa trabaho at career, pero pagdating sa pag-ibig, bokya ako.

  3. Susuwertehin pa ba ako sa pag-ibig o sadyang ganito na lang ang buhay ko? Malapit na naman ang Pasko, kaya naman pangarap ko sanang magkaroon ng panghabambuhay na karelasyon, – iyan na lang kasi ang pangarap ko na hindi ko pa natutupad.


KASAGUTAN 

  1. May mga babae talagang malakas ang sex appeal, at hindi rin maitatangging may mga babae rin talagang mahina ang appeal sa opposite sex. 

  2. Pero alam mo ba, Ayie, kung ano ang dapat gawin upang lumakas ang iyong sex appeal, lalo na’t kabilang ka sa zodiac sign na Libra?

  3. Simple lang, magsuot ka ng damit na kulay pula, pink, maroon, violet at iba pang kulay na may bahid ng pula at makikita mo, unti-unti na ring tataas ang antas ng iyong libido. Ang libido na ito ay salitang German na nangangahulugang “sexual energy”. Bukod sa kulay na may bahid ng pula, puwede rin ang puro o dalisay na pula.

  4. Mas maganda rin kung bahagya mong babaguhin ang iyong lagda. Magagawa mo ito kung sobrang taas ng tutok ng letrang “t” sa iyong pirma, babaan mo na lang ito dahil ang lahat ng letra na masyadong umangat ang pagkakasulat ay ikinakategorya sa espiritwal at kabanalan. Ibig sabihin, malayo na ang tingin ng unconscious mo sa sensuwal na pangangailangan ng isang tao. Sa halip, ang unconscious mo sa kasalukuyan ay naglalakbay na patungo sa pagtandang dalaga.

  5. Subalit kung liliitan mo na lang ang tuktok ng letang “t” sa iyong lagda, habang i-emphasize mo ang buntot ng letrang “g” (ibig sabihin ay ayusin mo ang pagkakabilog sa buntot ng letrang “g”), tulad ng naipaliwanag na, mas madaling susulak ang nakaimbak na libido sa iyong katawan na siyang aakit ng kalalakihan.

  6. Salamat na lang at may namataang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kahit medyo may edad ka na, sa edad na 27 pataas, tiyak ang magaganap, sa pagliko ng susunod na kalsada ng buhay, isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Gemini ang iyong matatalisod.


DAPAT GAWIN

Habang ayon sa iyong mga datos, Ayie, kung susundin mo ang simpleng mga mungkahi sa itaas, tiyak ang magaganap,  sa taong 2025, sa buwan ng Enero hanggang Pebrero, – tiyak ang magaganap, isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Gemini ang iyong matatagpuan at sa bandang huli, siya na rin ang tuluyan mong mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng simple ngunit maligayang pamilya habambuhay.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | Oct. 18, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Naghiwalay kami ng kinakasama ko, kasabay ng pagkakaroon namin ng anak. Sa ngayon, may kinakasama na siyang ibang babae, habang may manliligaw naman ako na isinilang noong May 16, 1986, hiwalay din siya sa kanyang kinakasama.

  2. Itatanong ko lang sana kung siya na nga ba ang makakasama ko habambuhay? Inaaya na niya akong mag-live in, pero nagdadalawang isip pa ako, dahil napansin kong tatlo ang Marriage Line sa aking palad. Ibig sabihin ba nito, ang ikatlong lalaki at hindi ang ikalawang lalaki ang makakasama ko?

  3. Kaya kung sasagutin ko siya, dahil siya pa lang naman ang pangalawang magiging seryosong karelasyon ko, ibig sabihin ba nito ay may darating pa bang iba, at ang pagdating ng ikatlong lalaking iyon ang siya kong makakasama habambuhay?

 

KASAGUTAN

  1. Tama ang pag-aanalisa mo na sa ikatlong lalaking darating pa lang ang iyong makakatuluyan at makakasama habambuhay, lalo na kung pagbabatayan ang dalawang medyo maikli at magulong Marriage Line mo (Drawing A,. at B. 1-M, 2-M arrow a. at b.), na kung ikukumpara sa ikatlo na mas mahaba at mas malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 3-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, pagkatapos ng dalawang seryosong relasyon, may darating pang-ikatlo, at ang nasabing ikatlong relasyon ang siya mo na ngang makakatuluyan. Kung saan, dahil Gemini ang zodiac sign mo, tiyak na isang Aquarius ang ikatlong lalaking darating pa lamang na makakasama mo habambuhay.

  2. Subalit, dahil iginuhit pa rin ang ikalawang lalaki na nabanggit sa kaliwa at kanang mong palad bilang ikalawang Marriage Line  (2-M arrow b.) sadya ngang hindi mo maiiwasan ang pakikipagrelasyon sa kanya, pero mas makakabuti kung hindi mo ibibigay nang husto ang iyong loob at tiwala sa kanya. Hinay-hinay lang sa pag-ibig upang sa susunod na pagliko ng landas, tadhana na ang magpapasya kung darating ba ang ikatlong lalaki na siyang makakasama mo habambuhay na nagtataglay ng simpatiko, hindi gaanong katangkaran, at medyo kayumanggi ang kulay ng balat.

 

MGA DAPAT GAWIN

  1. Tunay ngang kailangan muna matapos ang naka-schedule na tadhana o kapalaran ng isang tao, upang masundan ito ng panibagong nakatakdang yugto o pagpapatuloy na bahagi ng kanyang buhay at karanasan.

  2. Habang ayon sa iyong mga datos, Gleserie, matapos mong makarelasyon ng humigit kumulang isang taon si Mr. Taurus, kusang mapuputol din ang inyong pagmamahalan, upang maganap ang nakatakda, - pagsapit ng taong 2026, sa buwan ng Setyembre, isang lalaking nagtataglay naman ng zodiac sign na Aquarius ang darating bilang ikatlong karelasyon mo na siya na ngang iginuhit sa kaliwa at kanan mong palad na makakasama mo sa pagbuo ng isang mas maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.





 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | Oct. 14, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Twenty-three year old na ako, pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong nobyo. Hindi ko tuloy maiwasang mainis sa mga pinsan ko na may kani-kanyang boyfriend dahil parang ipinagmamalaki pa nila sa akin na taken na sila.

  2. Meron naman akong mga manliligaw ngayon, ngunit karamihan sa kanila ay mga torpe at hindi ko naman gusto. Gusto ko kasi ay pormal na nanliligaw sa bahay, para mas maramdaman ko ang sinseridad ng isang lalaki.

  3. Maestro, kailan kaya ako magkaka-boyfriend para hindi naman na ako naa-out of place sa tuwing nakakasama ko ang mga pinsan ko?

  

KASAGUTAN

  1.  Kapansin-pansin ang walang biyak at magandang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na kaya hindi ka pa nagkaka-boyfriend ngayon, dahil kung sino ang una mong maging boyfriend, siya na rin ang tuluyan mong mapapangasawa.

  2. Nakatakda siyang dumating sa isang lugar na hindi mo inaakala at pagkakataong hindi mo inaasahan, na kinumpirma naman ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) na namataang tumuntong sa Bundok ng Tagumpay (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na minsan ka lang magmamahal at magkaka-boyfriend. Gayundin, sa minsang ito ay magiging successful agad ang iyong love life at nakatakda na ring maging maligaya.

  3. Ang pag-aanalisang kung sino ang magiging first boyfriend mo ay siya na rin ang mapapangasawa mo ay madali namang kinumpirma ng kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung saan napakapalad mo, sapagkat kung paano ka naging tapat sa iyong boyfriend, ganundin ang ipaparamdam niya sa iyo, hanggang ang nasabing tapat at wagas na samahan ay tuluyan na ring mauuwi sa isang maligaya at panghabambuhay na pagmamahalan.


DAPAT GAWIN

Habang ayon sa iyong mga datos An Gel, ngayong 2024, sa buwan Disyembre, bago sumapit ang Pasko, tiyak ang magaganap, – makikilala mo na rin sa wakas ang isang lalaking una’t huli mong mamahalin, na isinilang sa zodiac sign na Aquarius, na may birth date na 1, 10 o 19. Tulad ng nasabi na, sa sandaling kayo’y magtagpo, magkakahulugan agad kayo ng loob, at sa panahong tinuran, tuluyan na ring mabubuo ang isang mainit at matimyas na ugnayan, ‘di rin magtatagal, hahantong din ito sa isang maligaya at panghabambuhay na pagmamahalan.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page