top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Pebrero 8, 2024


 

KATANUNGAN


  1. Sa edad kong 24, marami naman akong nililigawan, pero bakit hanggang ngayon ay wala pa ring sumasagot sa akin? Ang ending tuloy, ako na lang ang single at walang girlfriend sa aming magkakaibigan.

  2. Sana malaman ko sa pamamagitan ng guhit ng aking palad kung kailan ako magkaka-girlfriend dahil 25 na ako sa August 7 at gustung-gusto ko talagang magka-dyowa, pero mukhang malabo naman yatang mangyari ito.


KASAGUTAN


  1. Huwag ka nang magtaka, Jhocell, dahil ang birth date mong 7 ay nagpapahiwatig na medyo mahina ang loob mo at walang gaanong tiwala sa iyong sarili na nagiging hadlang o dahilan upang ikaw ay hindi magka-girlfriend. Kaya ang pinakamaganda mong dapat gawin ay magsanay kang makipagkaibigan o makipagkuwentuhan sa kahit na sinong babae.

  2. Maaari kang magsimula sa mga pinsan, kaklase o kapitbahay mo. Kahit hindi mo sila ligawan, basta makipagkuwentuhan ka lang upang masanay kang makipag-usap sa mga babae. Kapag nagawa mo ito at hindi ka na naaasiwa o nahihiya kapag kasama mo sila, dahil may hitsura ka naman, madali kang magkakanobya dahil kusa ka namang magugustuhan ng mga babae.

  3. Kaya tulad ng nasabi na, basta’t makipagkaibigan ka lang sa mga babae kahit hindi mo sila ligawan, may babae pa rin namang magkakagusto sa iyo. Ito ang nais sabihin ng kaisa-isang mahaba at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na ang una mong magiging girlfriend ay siya mo na ring mapapangasawa at makakasama habambuhay. Ito ay madali namang kinumpirma ng wala ring bilog, maganda at maayos na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. 

 

DAPAT GAWIN


Habang ayon sa iyong mga datos, Jhocell, sa sandaling sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyon na inilahad, hindi matatapos ang taong ito ng 2024, sa buwan ng Abril o Hulyo, sa edad mong 25 pataas, magkaka-girlfriend ka na hatid ng isang babaeng nagtataglay ng zodiac sign na Aries.



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Pebrero 4, 2024


 

KATANUNGAN 

  1. May babaeng nagkagusto sa akin noon. Hindi niya naman ako pinilit na maging kami. Isa akong torpe at mahiyain noon, hanggang sa nagka-girlfriend at tuluyang nakapag-asawa. Maski siya ay ganundin, ang napangasawa niya ay isang hapon at sa Japan na sila nanirahan.

  2. Pero umuwi siya rito sa Pilipinas upang nagbakasyon. Hindi niya kasama ang kanyang asawa at doon kami nagkaroon ng chance para magkita. Nag-usap kami at kalaunan ay naging magka-close. 

  3. Parang pinagtagpo ng tadhana ang aming pagkikita, dahil sa ngayon ay nagtatrabaho naman ang misis ko sa abroad bilang caregiver. Sa madaling salita, Maestro, may mangyari sa amin, pinigilan ko naman ang aking sarili kahit na ramdam kong may pagtingin pa rin siya sa akin. 

  4. Hindi ko malaman, kung dapat ba akong bumigay for sexual pleasure, pakiramdam ko ‘yun din ang hanap at habol niya sa akin.

  5. Ayon sa palad ko, magkakahiwalay kaya kami ng misis ko? Natatakot ako na baka malaman ng asawa ko ang ginagawa kong kalokohan at natatakot akong masira ang aming pamilya.   

 

KASAGUTAN

  1. Ang isang torpe ay mananatiling torpe habambuhay. Kaya sa teoryang ito, malabo at maaaring hindi mangyari ang naglalaro sa iyong isipan. Nangyaring ganu’n, dahil sa pag-aanalisang Palmistry nanatiling matino at tuwid ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na tanda, kahit magparamdam pa nang magparamdam ang nasabing babae at matuloy ang inyong pamamasyal, mananatili pa rin ang dati mong ugali na mabait at tapat sa iyong asawa. Kaya malamang sa malamang hindi na matuloy ang inyong pagde-date. 

  2. Ang kinaganda pa nito, kung sakaling manaig ang tawag ng laman at pagnanasang sexual.  Hindi pa rin lalago ang lehitimo at tunay na pagmamahal at mananatili lamang iyong hanggang doon.

  3. ‘Ika nga ni Kuya Manoling nang minsan kaming nagkakuwentuhan sa kanyang bahay sa Guiguinto, Bulacan, “Alam mo Honorio, kung minsan nang naging mabuti ang isang tao, lagi na siyang magiging mabuti. Ngunit kung ito ay minsan nang naging masama, lagi na siya gagawa ng kasamaan.”

 

MGA DAPAT GAWIN

  1. Ayon sa iyong datos, R.R, iba naman ang magiging karanasan mo. Sa pagtataksil mo sa iyong misis na nasa abroad, hindi na ito masusundan pa, dahil duwag ka, (Drawing A. at B. L-L, H-H arrow b.) kaya muli kang makababalik at mananatili sa isang matino at mabuting pamumuhay.

  2. Sa madaling salita, minsan man kayong magtalik ng babaeng tinutukoy mo, malabo at maaaring hindi na ‘yun masundan.

  3. Muli ayon sa iyong mga datos, kahit na may mangyari sa inyo at nairaos n’yo ang uhaw at pagnanasa sa isa’t isa, wala pa ring magbabago. Sa bandang huli, sa pagbabalik ng iyong misis galing abroad at sa pagbabalik naman ng babaeng sinasabi mo sa Japan, mapapanatili n’yo pa rin ang matino, mabuti at masayang pamilya habambuhay (Drawing A. at B. 1-M arrow a.).


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Pebrero 1, 2024


KATANUNGAN

  1. Minsan na akong nabigo sa pag-ibig at ayoko na muli mangyari ‘yun sa ikalawang boyfriend ko. Kaya lang nagkakalabuan na kami. Bihira na siyang tumawag at pumunta sa bahay, ang palagi niyang katwiran ay busy siya sa trabaho at tungkol naman sa tawag sa cellphone, palagi umanong walang signal sa location niya. Nakadestino siya ngayon sa Mindoro dahil isa siyang engineer. 

  2. May nakita akong island o bilog sa aking Heart Line at minsan ay nabasa ko sa inyong artikulo na ang bilog o island ay tanda ng kabiguan. Ibig sabihin ba nito, mabibigo na naman ako sa pag-ibig? Sana ay hindi na dahil mahal na mahal ko ang boyfriend ko at siya na ang gusto kong mapangasawa.

 

KASAGUTAN

  1. Tama ka, Bianca, kapag nakakita ka ng bilog o island sa Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.), higit lalo at matatagpuan ito sa kaliwa at kanang palad, tulad ng nasa palad mo, ito ay malinaw na tanda ng matinding kabiguan sa pag-ibig.

  2. Gayunman, ikaw din ang nagsabing nabigo ka sa unang pag-ibig, kaya naman imposibleng mabigo ka sa ikalawang pagkakataon. Dahil tulad ng nakikita sa iyong palad, iisa lang naman ang nasabing bilog o island (arrow a.), ibig sabihin, isang matinding kabiguan lamang ang iyong mararanasan at ang kabiguang ito ay tapos na.

  3. Habang ang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) na nagsimula o natapos sa ilalim ng hintuturo na tinatawag ding Mount of Jupiter, tinatawag din itong Bundok ng Kaligayahan (arrow b.), ay nagpapahiwatig na matapos ang matinding kabiguan sa pag-ibig, isang maligaya at panghabambuhay na relasyon ang magiging kapalit nito. Ang maligayang relasyong ito ay kasalukuyan mo nang nararanasan sa piling ng boyfriend mong engineer, higit lalo kung siya ay isinilang sa zodiac sign na Pisces o Scorpio, na siya namang ka-compatible ng zodiac sign mong Cancer.

 

MGA DAPAT GAWIN

  1. Anumang marka o tanda na nakikita sa guhit ng palad, ang lahat ng ito ay may petsa o takdang panahon kung kailan magaganap.

  2. Habang, ayon sa iyong mga datos, Bianca, dapat kang magtiwala sa kasalukuyan mong boyfriend dahil ang totoo, busy lang talaga siya, kaya naman pansamantalang tumamlay ang inyong komunikasyon. Ngunit anuman ang mangyari, walang duda na sa dakong huli, kayo pa rin ang magkakatuluyan. Ito naman ay nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2025 sa edad mong 27 pataas, na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.  

 
 
RECOMMENDED
bottom of page