top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Marso 4, 2024



 


KATANUNGAN


1. Maestro, dalawang beses na akong niloloko ng misis ko. Una, noong nag-abroad ako nanlalaki siya pero tinanggap at nagawa ko pa rin siyang patawarin dahil sa pakiusap ng mga biyenan ko. Pero makalipas ang tatlong taon, muli na naman siyang nagloko, pinatawad ko na naman siya dahil sa awa ko naman sa panganay namin na noon ay laging umiiyak sa tuwing kami ay nag-aaway at ayaw din masira ng aming panganay ang aming pamilya. Pero makalipas ang dalawang taon, nahuli ko siyang may ka-text na ibang lalaki at minsan ay pinapasundan ko siya sa matalik kong kaibigan, Maestro, nagkikita nga sila ng ka-text niya.


2. Sa kasalukuyan ay hindi pa niya alam na bistado ko na siya sa panloloko niya sa akin. Kaya iniisip kong mabuti kung ano ba ang dapat kong gawin. Ano sa palagay mo, Maestro, ang dapat kong gawin? Magbabago pa kaya ang misis ko o habit niya na talaga ang ganitong gawain?


KASAGUTAN


1. Kung tatlong beses nang nagkakasala ang iyong asawa, patawarin mo pa rin dahil asawa mo siya at ina ng iyong mga anak. Pero hindi porke pinatawad mo ang isang tao ay wala nang katapat na parusa. Ibig sabihin, ang bawat pagkakasala ay may kaakibat na pagpapatawad, pero sa bawat pagpapatawad, dapat may katapat na parusa.


2. Parang batas sa America, mababaw lang ang parusa kapag inamin ang kasalanan at may tinatawag silang “first, second at third offense” kung saan, sa bawat pag-ulit ng kasalanan, pabigat nang pabigat ang hatol na kaparusahan.


3. Kapag nagmakaawa na siya sa iyo dahil naranasan na niyang makulong at maiskandalo at humingi sa iyo ng tawad, sa puntong ‘yun, patawarin mo na siya para muling mabuo ang inyong pamilya. Tulad ng naipaliwanag na, ‘pag pinatawad mo siya, dapat muna niyang ma-realize ang bigat ng kasalanan na kanyang ginawa habang siya ay humihimas ng rehas.


4. Dapat mo kasing gawin ‘yun upang hindi siya pamarisan ng ibang kababaihan na may asawa, habang ang kalaguyo naman niya ay hayaan mong makulong. Sa ganyang paraan, iiral ang tunay na katarungan at kaayusan sa ating lipunan.


5. Subalit kung patatawarin mo nang walang kaparusahan, mawiwili ang isang tao na paulit-ulit gumawa ng kasalanan. ‘Ika nga ng pusakal na makasalanan, “Gagawa ulit ako ng kalokohan, tutal hindi naman ako pinaparusahan ng aking asawa at parang okey lang sa kanya”. Salamat na lang at nanatiling buo at tuwid ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.


Kahit bahagyang naputol at nagulo ang Heart Line (h-h arrow b.) na tanda na muntikan nang malagay sa panganib at paghihiwalay ang inyong relasyon, ngunit dahil sa iyong katalinuhan, pagiging makatarungan at marunong magpatawad, tulad ng sinasabi ng iyong Marriage Line (1-M arrow a.), mananatiling buo ang inyong pamilya habambuhay.



DAPAT GAWIN


Mr. M, dahil handa mo naman patawarin ang iyong asawa, nakatakdang maganap sa susunod na buwan ang muling pagbuo ang inyong relasyon, hindi na muling manlalaki si misis at habambuhay na muling magiging buo at maligaya ang inyong pamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Pebrero 23, 2024



 


KATANUNGAN



  1. Nag-reunion kami ng mga high school classmate ko, at doon ko muling nakita ng ex-boyfriend ko. Nagtataka ako kung bakit ang kinikilig pa rin ako kapag pinagtutuksuhan kami ng mga kaklase namin. Bago umuwi, masaya ako na nakasama ko siya hanggang sa hiningi niya ang number ko. Sa madaling salita, naging magka-close ulit kami sa text at Facebook hanggang sa magawa naming mag-date nang palihim at doon na rin may nangyari sa amin.

  2. Maestro, siya na ba ang lalaking makakasama ko habambuhay kahit na ngayon ay may asawa’t anak na siya? Pero, sabi niya ay magulo ang kanilang relasyon dahil nasa abroad daw ang misis niya. 

  3. Hanggang ngayon, dalaga pa rin naman ako. Sa palagay n’yo, Maestro, kami ba ang itinakda? At kung hindi naman kami ang magkakatuluyan, may darating pa bang ibang lalaki sa buhay ko kahit medyo may edad na ako ngayon?

 


KASAGUTAN 



  1. Sa totoo lang, nagkaroon kayo ng masayang ugnayan ng ex-boyfriend mo noong high school dahil malandi kayo. Alam mo nang may pamilyado na ‘yung ex mo, pinatulan mo pa.

  2. Huwag ka nang umasa, Sofie, dahil hindi kayo ang magkakatuluyan ng ex mo kahit sabihin pang muling nabuhay ang relasyon n’yo at may nangyayari pa sa inyo. Ito ang nais sabihin ng Guhit ng Kabiguan na makikita sa naputol at nagkabilog na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na ibang lalaki ang mapapangasawa mo at ang lalaking ito ay hindi mo masyadong mahal, pero gawa ng hindi inaasahang pagkakataon at sitwasyon, dahil medyo may edad ka na ngayon at dapat nang mag-asawa, ang lalaking hindi mo na masyadong mahal ang magbibigay sa iyo ng anak hanggang sa makabuo kayo ng maayos na pamilya pero hindi ka gaanong maligaya.

  3. Nangyaring ganu’n dahil kahit dumating ang panahon na may pamilya ka na, hindi maiiwasang palagi mo pa ring maiisip, babalikan ang nausyaming relasyon n’yo ng ex-boyfriend mo, pero ang mga pagniniig n’yo na naganap ay magiging bahagi na lamang ng iyong masayang mga alaala ng nakalipas.

 


MGA DAPAT GAWIN



  1. Tandaan, hindi ang mismong tao ang sumusulat ng istorya ng kanyang kapalaran dahil kung talagang ikaw ang sumusulat at gumagawa ng sarili mong kapalaran, dapat ang gagawin mong ending ay masaya.

  2. Pero dahil hindi ikaw ang “sumusulat ng sarili mong kapalaran”, bagkus ay nakasulat na ‘yan sa mga guhit ng iyong palad, kahit ikaw, hindi mo tuloy alam kung paano tatapusin ang istorya ng iyong buhay. Oo, hindi mo alam kung paano tatapusin ang kuwento ng iyong buhay na ikaw din ang may gawa, kung masaya o malungkot ba ang magiging katapusan nito, hindi ba’t kahit ikaw ay hindi mo alam?

  3. Habang ayon sa iyong mga datos, Sofie, hindi ang ex-boyfriend mo ang iyong makakatuluyan kahit may lihim kayong ugnayan ngayon. Ito ay dahil pagpasok ng buwan ng Marso hanggang Abril, tuluyan nang matutuldukan ang inyong lihim na relasyon at ito ay mangyayari sa sandaling bumalik sa bansa ang legal wife ng ex mo.

  4. Kasabay ng mga pangyayaring nabanggit, medyo “laylo” na ang inyong relasyon, tuluyan na rin kayong tatabangan hanggang sa unti-unti mo na ring matanggap ang katotohanang hindi nga kayo ang itinakda. Sa halip, dumaan lang kayo sa isang yugto ng maikling romansa ng buhay upang pasarapin at paligayahin ang isa’t isa.

  5. Sa halip, pagsapit ng buwan ng Oktubre hanggang Disyembre sa taon ding ito ng 2024, isang lalaking halos kasing edad mo rin ang darating. Dahil kailangan mo nang mag-asawa, gayundin dahil medyo may edad ka na, sa ayaw at sa gusto mo, sasagutin mo siya at magiging boyfriend at pagsapit ng 2025, sa buwan ng Mayo o Hunyo, makakapag-asawa at magkakaroon ka na ng simple, maunlad at maligayang panghabambuhay na pamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow b.).

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Pebrero 21, 2024



 


KATANUNGAN



  1. May boyfriend na ako pero ang pinagtataka ako, may crush akong iba. Sa totoo lang, Maestro, pantasya ko ring makasama ang crush kong ito, lalo na’t alam kong wala naman siyang girlfriend. Kapag nagkakasalubong kami sa daan, natutunaw ako sa hiya dahil crush na crush ko talaga siya.

  2. Medyo naguguluhan ako kasi more than two years na kami ng boyfriend ko, pero bakit humahanga pa rin ako sa lalaking ito? Iniisip ko tuloy na baka hindi kami ang magkatuluyan ng boyfriend ko, gayung mahal na mahal ko siya dahil mabait at sweet siya, masasabi ko ring very romantic naman ang relationship namin.

  3. Ano ba talaga ang nakaguhit sa aking mga palad, at sino ang makakatuluyan ko?

 


KASAGUTAN 



  1. Pangkaraniwan lang naman sa isang tao ang humanga, kaya hindi nakakapagtaka na kahit may boyfriend ka, nagkakagusto ka pa rin sa iba. Samantala, kahit may crush kang iba habang may boyfriend ka, ito ay masasabing normal hangga’t hindi nawawala ang pag-ibig at pagmamahal mo sa iyong boyfriend.

  2. Ang mahalaga, ayon sa kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung mahigit dalawang taon na ang meaningful at romantic naman relationship n'yo ng boyfriend, sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, kayo pa rin ang magkakatuluyan.

  3. Tunay ngang kapag maraming “punpon ng maliit na guhit” sa Bundok ng Venus (Drawing A. at B. arrow b.) ang isang babae o lalaki sa kaliwa at kanan niyang palad, ito ay malinaw na tanda na madali siyang magka-crush o humanga sa kanyang opposite sex. Ngunit ang mga paghangang ito ay hindi naman hahantong sa isang lehitimong relasyon hangga’t ang nasabing punpon ng maliit na guhit ay hindi naman lumagpas sa Life Line (L-L arrow c.) at Head Line (H-H arrow d.) sa kaliwa at kanang palad ng isang indibidwal.

  4. Matakot ka kapag ang nasabing guhit ng paghanga o “line of crushes” ay humaba nang husto, tumawid sa Life Line at Head Line, hanggang sa bandang huli, ang nabanggit na mga paghanga sa opposite sex ay mauuwi sa isang lehitimo, matamis at masarap, ngunit ito ay pawang panandaliang pakikipagrelasyon lamang.

 


MGA DAPAT GAWIN



  1. Kung ang average na buhay ng tao para sa mga lalaki ay sinasabing humigit-kumulang sa 75 years old, habang sa mga babae ay 80 years old, sa mahabang karanasang ‘yun ng kanyang buhay, hindi maiiwasan na humanga o ma-inlove pa nang hindi lang isang beses, bagkus ay maraming beses.

  2. Pero hindi naman sa dami ng hinahangaan o inibig mo ang basehan ng masaya at panghabambuhay na pagpapamilya. Bagkus, ang tunay na basehan ay ang isang beses mong minahal at inibig nang tapat ay naging habambuhay at siya ang nakasama mo sa pagbuo ng pamilya hanggang sa tuluyan na kayong tumanda.

  3. Ganu’n ang mangyayari sa takda mong kapalaran, Eva Marie. Ayon sa iyong mga datos, marami ka pang hahangaang lalaki, ngunit mauuwi na lang ‘yun sa purong paghanga at hindi magiging lehitimong relasyon, hanggang sa kusang dumating at matupad ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay nagsasabing ang kasalukuyan mo nang boyfriend ang makakatuluyan mo, na nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2025 sa edad mong 26 pataas.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page