top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Marso 14, 2024





KATANUNGAN



  1. Maestro, noon pa ako nag-a-apply sa abroad, ang kaso palagi rin akong naloloko. Sa ngayon, nag-a-apply ulit ako kahit na sabihin ng iba na wala akong kadala-dala. 

  2. Matagal ko na kasing pangarap na makapagtrabaho sa ibang bansa para makapag-ipon ng pambili ng sariling lupa at bahay. Bata pa lang kasi ako ay nangungupahan na kami at hanggang ngayong may sarili na akong pamilya ay wala pa rin kaming sariling bahay at lupa.

  1. Sa pagkakataong ito susuwertehin na kaya ako? Kung sakaling makakapag-abroad ako, papalarin na kaya ako sa pangingibang-bansa?

 


KASAGUTAN



  1. Malamang na maloko ka ulit. Ito ang nais sabihin ng maraming krokes at buhol na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Kung saan, dalawa lang ang nais sabihin ng magulo at pangit na Travel Line (t-t arrow a.) na nabanggit. Kung hindi ka malokong muli, sigurado namang sa ibayong-dagat, imbes na suwertehin ay grabeng hirap at pagsasakripisyo ang daranasin mo, pero tulad ng inaasahan, hindi ka pa rin uunlad at makakaahon sa kahirapan, gayundin, hindi mo mabibili ang iyong pangarap na sariling bahay at lupa. Kung ganu’n, saang larangan at paano ka susuwertehin sa buhay, lalo na sa materyal na bagay?

  2. Ang malinaw at makapal na Business Line (Drawing A. at B. B-B arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad ang nagsasabing hindi ka sa pag-a-abroad aasenso kundi sa pagnenegosyo na madali namang kinumpirma ng birth date mong 14 at zodiac sign na Capricorn.

  3. Sa produktong may kaugnayan sa bungang kahoy, gulay, bunga ng mga halaman, laman-ugat o mga produktong butil, puwede rin ang matitigas na bagay at kalakal na nahuhukay o nakukuha sa ilalim ng lupa o sa ilalim ng ilog at dagat. Sa ganu’ng mga gawain at negosyo ka uunlad hanggang sa kusa mong matupad ang pangarap na magkaroon ng sariling bahay at lupa. Hindi lang ‘yun, kapag sinusuwerte ka, kung tulad mo ring “square type hand” (arrow c.) ang iyong misis, kaunti lang din ang guhit sa kanyang palad (arrow c.) at nagtulungan kayo sa nasabing mga negosyo, yayaman kayo. Kapag nangyari ‘yun, makapag-a-abroad ka pa rin, hindi na para magtrabaho kundi para mamasyal sa mga lugar na noon mo pa pangarap mapuntahan.



MGA DAPAT GAWIN 


  1. May kani-kanyang suwerte ang bawat tao. May mga taong sinuwerte sa pag-a-abroad kaya nakapagpatayo ng magarang bahay at nakakapagbukas ng isang simple pero click na negosyo.

  2. May mga tao namang suwerte sa pulitika, kaya simula nang naupo sa panunungkulan sa bayan, parang kumikita na rin ng limpak-limpak na dollar dahil sa pagnanakaw sa kaban-yaman. 

  3. Sa takdang panahong inilaan ng kapalaran dahil nagtataglay ka ng malaki at makapal na palad, darating ang panahon ang iyong kabuhayan ay lalago nang lalago hanggang sa tuluyan na rin kayong yumaman na nakatakdang mangyari at maganap sa taong 2031 sa edad mong 43 pataas.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Marso 12, 2024



 


KATANUNGAN


  1. Naghiwalay na kami ng asawa ko for almost one year, but thanks to God, nagkabalikan kami nang dumating ako galing abroad at nangako siya na magbabago at magpapakatino na.

  2. Ang kaso, dahil sa kakabasa ko sa inyong mga artikulo lalo na sa Palmistry, napansin kong dalawa ang Marriage Line ko na pareho namang mahaba at maganda. Ano ba ang ibig sabihin kapag dalawa ang Marriage Line, nangangahulugan ba ito na dalawang beses din akong makakapag-asawa?

  3. Kunsabagay, matino na ang mister ko ngayon. Ang kaso, sa pag-aahente ko ng iba’t ibang produkto, may nakilala akong matanda at balong lalaki, nagkagusto sa akin isa siyang mayaman at mabait, gayundin ramdam ko na nanliligaw na siya ngayon.

  4. Natatakot ako dahil baka tuluyang mahulog ang loob ko sa kanya at mangyari ang kinatatakutan ko dahil dalawa ang nakita kong Marriage Line sa aking mga palad na ayoko naman mangyari. 

  5. Pero sabi n’yo, hindi maiiwasan ang kapalaran, kaya baka tunay ngang nakatakda na sa akin ang magkaroon ng dalawang asawa. Kung ganu’n, wala na rin akong magagawa. Tama ba ako na kapag ang kapalaran ay nakatakda, wala ka nang magagawa para baguhin pa ito?

 


KASAGUTAN


  1. Hindi ganu’n ‘yun! Sa halip, kapag ang kapalaran ay nakatakda, mayroon kang kakayahan upang baguhin ito, lalo na kung ito ay pangit o masama, pero kung mabuti naman ang kapalaran, puwede mong ikondisyon ang iyong sarili at isipin na ang kapalaran ay talaga namang nakatakda at hindi na ito mababago pa kailanman. Ganu’n dapat ang maging konsepto ng iyong isipan dahil ang kapalarang tinutukoy natin ay maganda.

  2. Pero ano nga ba talaga ang totoo? Kaya ba talagang baguhin ng isang tao ang kanyang kapalaran? Ang eksaktong sagot, depende sa guhit at texture ng iyong palad. Kapag makapal ang palad mo, tumatalbug-talbog kapag sinasalat at kaunti lang ang mga guhit, ito ay nangangahulugan na kaya mo pang baguhin ang iyong kapalaran. Pero kapag manipis ang iyong palad at saksakan ng dami ng guhit, kahit si Superman ka pa, hindi mo na mababago ang iyong kapalaran.

  3. Samantala, Bea, mali ang iniisip mo na dalawang beses kang makakapag-asawa, sa halip, ang tama at eksaktong interpretasyon ay ganito: Hindi dalawang beses na pag-aasawa ang nais sabihin ng dalawang Marriage Line (Drawing A. at B., 1-M at 2-M arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, lalo na kung titingnan, sobra ang pagkakalapit nito sa isa’t isa. Sa mas malinaw na paliwanag, halos masinsin o walang pagitan ang nasabing dalawang Marriage Line (arrow a. at b.) at halos magkapareho pa ng haba at kapal. Ang ibig sabihin ng nasabing mga guhit, iisang lalaki lang ang mapapangasawa mo, pero paglalayuin kayo ng tadhana.

  4. Gayunman, pagkatapos ng ilang kumpol na panahon, muli kayong magkakabalikan at makakabuo ng isang masaya at panghabambuhay na pamilya. Ganu’n ang nangyari! Nag-abroad ka at noong nasa abroad ka ay nambabae si mister, hanggang nang umuwi ka na ng Pilipinas ay humingi siya ng tawad, muli kayong nagkabalikan, hindi ka na nangibang-bansa at ngayon ay buo at masaya na muli ang inyong pamilya.

  1. Ang ganyang guhit ay wala ring iniwan sa dalawang magkasintahang naghiwalay nang mahabang panahon. Ngunit matapos ang mahabang panahong paglalayo, kahit malawak ang puwang sa kaibuturan ng kanilang mga puso, buo pa rin ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Hanggang sa biglang dumating ang isang hindi inaasahang sitwasyon na muli silang pinagtagpo ng tadhana upang ang naunsyaming pag-ibig o true love ay siya nang maging “Love that last a lifetime.” Kaya nang muli silang nagkabalikan, naging masaya at panghabambuhay na ang kanilang pagmamahalan.

  2. Sa kaso n’yo namang mag-asawa, tulad ng naipaliwanag na, kahit dalawa ang Marriage Line (arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, ang nasabing dalawang guhit ay walang iba kundi siya pa rin o ang lalaki na iyong pinakasalan at napangasawa. Naging dalawa lang ang nabanggit na guhit upang ilarawan ang pagkakawalay at muling pagkakatagpo na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.



DAPAT GAWIN


Ayon sa iyong mga datos, Bea, hindi na nakatakda sa kapalaran mo ang muling paghihiwalay n’yo, ngunit kung paiiralin mo ang iyong kahibangan sa matandang balo na iyong kaibigan ngayon, tulad ng naipaliwanag na sa itaas, hindi ito nakatakda sa kapalaran. Bagkus, ginagawa mo lang ‘yan kung may makapal kang palad na masarap hawakan at tumatalbug-talbog habang sinasalat. Kapag ganu’n ang nangyari sakaling magkahiwalay kayong muli ni mister, masasabing ikaw na mismo ang pumili ng landas na ‘yun upang muling mawasak ang inyong pamilya.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Marso 8, 2024



 


KATANUNGAN


  1. Ako ay 23-anyos na at wala pa ring nobyo hanggang ngayon, hindi ko tuloy maiwasang mainis sa mga pinsan ko na may kani-kanya ng boyfriend dahil parang ipinagmamalaki pa nila sa akin ang kanilang mga boyfriend.

  2. Mayroon naman akong mga manliligaw ngayon, ngunit karamihan sa kanila ay mga torpe at hindi ko naman gusto. Gusto ko kasi ay pormal na nanliligaw sa bahay namin para mas maramdaman ko ang sinseridad ng isang lalaki.

  3. Maestro, kailan kaya ako magkaka-boyfriend para hindi na ako naa-out of place sa tuwing nakakasama ko ang mga pinsan ko?



KASAGUTAN


  1. Kapansin-pansin ang walang biyak at magandang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na kaya hindi ka pa nagkaka-boyfriend ngayon dahil kung sino ang una mong maging boyfriend, siya na rin ang tuluyan mong mapapangasawa.

  2. Nakatakda siyang dumating sa isang lugar na hindi mo inaakala at pagkakataong hindi mo inaasahan, na kinumpirma naman ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) na namataang tumuntong sa Bundok ng Tagumpay (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na minsan ka lang magmamahal at magkaka-boyfriend. Gayundin, sa minsang ito ay magiging successful agad ang iyong love life at nakatakda na ring magiging maligaya.

  3. Ang pag-aanalisang kung sino ang magiging first boyfriend mo ay siya na rin ang mapapangasawa mo ay madali namang kinumpirma ng kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung saan napakapalad mo, sapagkat kung paano ka naging tapat sa iyong boyfriend, ganundin siya sa iyo, hanggang ang nasabing tapat at wagas na samahan ay tuluyan na ring mauuwi sa isang maligaya at panghabambuhay na pagmamahalan.



DAPAT GAWIN 


Habang, ayon sa iyong mga datos, Althea, sa taon ding ito ng 2024, sa buwan ng Marso hanggang Abril, makikilala mo na rin ang lalaking una’t huli mong mamahalin na isinilang sa zodiac sign na Capricorn na may birth date na 1, 10 o 19. Tulad ng nasabi na, sa sandaling kayo ay magkakilala, unti-unti nang mabubuo ang mainit at panghabambuhay na pagmamahalan.


 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page