top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Marso 22, 2024



 


KATANUNGAN


  1. Iniwanan ako ng live-in partner ko mula nang matuklasan niyang may ka-textmate at friend ko rin ito sa Facebook. Akala niya, boyfriend ko na ang lalaking ka-textmate ko, pero magkaibigan lang naman kami. Maestro, magkakabalikan pa kaya kami ng dati kong kinakasama? 

  2. Noong dalaga pa ako, pinangarap ko rin ang maikasal at lumakad sa harap ng altar, ‘yun nga lang ay hindi iyon nangyari at ngayon ay may dalawa na kaming anak.

  3. Sa palagay n’yo, Maestro, kung makikipagrelasyon ako sa iba, may lalaki pa kayang maghaharap sa akin sa altar upang matupad ang pinapangarap ko, kahit na 33-anyos na ako ngayon?



 KASAGUTAN


  1. Kapansin-pansin ang dalawang malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na dalawang beses kang makakapag-asawa, kasal man o hindi.

  2. Pansinin mo ring nabiyak at sadyang pumangit ang unang Marriage Line (arrow a.) na tulad ng nangyayari ngayon, ang nasabing pag-aasawa ay nakatakdang mauwi sa pagkawasak at paghihiwalay n’yo nang kasalukuyan mong live-in partner.

  3. Ngunit, sa ikalawang pag-aasawa, malaki ang pag-asa na ito na ang mas malinaw at mas mahaba na Marriage Line (arrow b.) na iginuhit sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay may pangako ng isang tapat at panghabambuhay na relasyon.

  4. Ang pag-aanalisa sa ikalawang pag-asawa o pakikipagrelasyon ka susuwertehin ay madali namang kinumpirma ng birth date at destiny number mong 2. Ibig sabihin, sa mga bagay at ikalawang pangyayari sa iyong buhay, higit kang papalarin at susuwertehin.



DAPAT GAWIN 


Habang ayon sa iyong mga datos, Eloisa, kung ayaw na sa iyo ng kasalukuyan mong live-in partner, ano pa nga ba ang magagawa natin? Huwag mo na siyang habulin at huwag mo nang ipagpilitan ang iyong sarili mo sa kanya, sapagkat nakatakda na ang magaganap – kahit na may dalawang anak ka pa sa nasabing  lalaki, tiyak namang sa ikalawang pakikipagrelasyon na darating na hatid ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Pisces, walang duda, siya na ang iyong mapapangasawa. Pakakasalan ka niya at habambuhay ka ng magiging maligaya na nakatakdang mangyari ngayong 2024.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Marso 20, 2024



 


KATANUNGAN


  1. Nakakahiya man aminin, 38-anyos na ako pero hanggang ngayon binata pa rin ako. Nagkaroon naman na ako ng girlfriend, kaya lang hindi ito nagtatagal dahil nasa abroad ako.

  2. Pero ngayon, may nililigawan akong babae na isinilang noong September 24, 1988. May pag-asa kayang maging girlfriend ko siya? 

  3. Sana siya na ang nakaguhit sa aking palad upang magkaroon na ako ng sariling pamilya, nagkakaedad na rin kasi ako, pero wala pa ring nangyayari sa mga naipon at naipundar ko.


KASAGUTAN


  1. Medyo napadulo ang Marriage Line (Drawing A at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Makikita ang nasabing guhit ng pag-aasawa hindi sa gitnang bahagi, sa halip ay mas malapit sa daliri ng kalingkingan o hinliliit (arrow a.). Ito ay malinaw na tanda na ang iyong pag-asawa ay magaganap humigit-kumulang sa edad mong 39 pataas. Ibig sabihin, kung hindi ngayong 2024, malamang sa susunod na taon ka pa makakapag-asawa.

  2. Pansinin mo ring tuwid na tuwid ang pagkakapahalang ng iyong Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ang tinatawag na “good looking marriage line”, na nangangahulugan ng maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa na siya ring pinapangarap ng bawat indibidwal na tulad mong malapit nang tumandang binata.

  3. Ang maligayang pag-aasawa ay kinumpirma rin ng iyong lagda na suwabeng-suwabe mong isinulat, walang bumabalik na guhit sa direksyong pakaliwa. Sa halip, malinaw at tuluy-tuloy na umusad patungong kanan na nagtapos sa isang straight line na stroke. Ibig sabihin, ito ay malinaw na tanda na sa sandaling nakapag-asawa ka, habambuhay ka nang liligaya sa piling ng kaisa-isang babaeng malaon mo nang tinatangi-tangi at minahal sa kasalukuyan. 

 

DAPAT GAWIN


Ayon sa iyong mga datos, hindi magtatagal at tuluyan nang mahuhulog ang loob sa iyo ng babaeng nililigawan mo na nagtataglay ng zodiac sign na Libra at pagsapit ng 2025 sa edad mong 39 pataas, siya na ang iyong mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Marso 16, 2024



 


KATANUNGAN



  1. Nag-break kami ng boyfriend ko matapos ang halos isang taong pagsasama. Hanggang ngayon, mahal na mahal ko pa rin siya. Maestro, nais ko lang malaman kung magkakabalikan pa kaya kami, kahit na may nililigawan na siyang iba, ang masaklap lang ay pinsang buo ko pa ‘yung bet niya ngayon. 

  2. Bukod sa love life, nais ko ring malaman kung makakapag-abroad kaya ako? Sa ngayon kasi ay nag-a-apply ako para makapangibang-bansa, kung sakaling matutuloy ako, magiging productive at masaya kaya ang buhay ko sa ibang bansa?



KASAGUTAN 



  1. Huwag mo nang isipin ang ganyang klaseng lalaki dahil panggulo lang siya sa buhay mo. Ito ang nais sabihin ng maraming bilog at putul-putol na Heart Line sa unahan hanggang gitnang bahagi (Drawing A. at B. h-h arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad. 

  2. Tanda na malabo ka pang lumigaya at magtagumpay sa larangan ng pag-ibig, kung saan sa tuwing makikipagrelasyon ka, pagluha at pagtatalusira ang laging magiging sukli.

  3. Kaya tulad ng nasabi na, huwag mo munang intindihin ang mga lalaki. Sa halip, ang atupagin mo ay ang pagpapaunlad ng iyong career. Kaya mapapansing eksakto at tama ang ginagawa mo ngayon, mag-concentrate ka sa ginagawa mong pag-a-apply sa abroad dahil kung pangit ang iyong Heart Line (h-h arrow a. at b.), sadya namang pinagkalooban ka ng isang maganda, malawak at aliwalas na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  4. Tanda na sa pangingibang-bansa ka susuwertehin at mas madali mo nang makakalimutan ang mga nagdaang kabiguan sa larangan ng pag-ibig. Gayundin, sa panahong may asawa ka na, may pangako na liligaya ang inyong pagpapamilya na kinumpirma at pinatunayan ng maganda at makapal na Marriage Line (1-M arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  5. Tanda na kung bigo ka sa unang pag-ibig at sa kasalukuyan ay pagluha lamang ang dinulot ng iyong ex-boyfriend, umasa kang sa panahon ng pag-aasawa, tiyak na magtatagumpay at magkakaroon ka ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.



MGA DAPAT GAWIN



  1. Sadyang may panahon sa bawat pangyayari sa silong ng langit at sa kaso mo, Aira, hindi mo pa panahon upang umibig at mainlab. Sa halip, ang angkop sa kasalukuyan ay ang pagandahin at paunlarin ang career sa pamamagitan ng pag-a-apply sa ibayong-dagat.

  2. Ayon sa iyong mga datos, basta’t mag-ayos ka lang ng iyong mga papeles, walang duda sa taon ding ito ng 2024, sa buwan ng Setyembre o Oktubre, sa edad mong 25 pataas, may pangako ng isang produktibo at maunlad na pangingibang-bansa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page