top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | July 7, 2024


Kapalaran ayon sa palad

 


KATANUNGAN


  1. Magulo ang isip ko ngayon tungkol sa sitwasyon namin ng asawa ko. Babalik pa ba ang mister ko kahit may iba na siyang babaeng kinakasama?

  2. Nais ko ring malaman, mahal niya pa kaya ako? March 8, 1990 ang birthday ko at July 17, 1984 naman ang mister ko.

 

KASAGUTAN


  1. Tugma at compatible ang zodiac sign mong Pisces sa zodiac sign na Cancer ng mister mo, dahil kapwa kayo nagtataglay ng elementong water o tubig,  tunay ngang kapwa naman strong number ang birth date mong 8 at nagkataong birth date na 17 o 8 ng mister mo, (ang 17 ay 1+7=8).

  2. Ibig sabihin, kung sakali man muli kayong magkasundo at magkabalikan, hindi natin maiaalis na darating at darating pa rin ang panahon na maaari na naman siyang mambabae, dahil ganu’n talaga ang naturalesa ng mga Taong Otso (8).

  3. Ibig sabihin, babaero talaga ang mister mo na kinumpirma at pinatunayan ng destiny number mong 3 (3+8+1990=2001/ 20+01=21/  2+1=3)  at pinatunayan din ng isa, pero hindi naman masyadong makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin kung ganyan nga talaga ang iyong Marriage Line (1-M arrow a.) hindi gaanong malinaw at hindi rin gaanong makapal, ito ay nangangahulugang dadaan lang sa buhay mo ang salita at karanasang pag-aasawa pero hindi ito ganap narerehistro sa buhay at kapalaran mo. Tulad ngayon, pinakasalan ka nga ng asawa mo, pero nambabae naman siya, at ang kerida niya ang pinili niyang makasama.

  4. Hinggil naman sa itinatanong mo kung mahal ka pa rin ba niya, sa katunayan, ngayon ko lang ito ibubunyag, ang mga Taong Otso (silang naiimpluwensiyahan ng numerong 8, 17 at 26), hindi naman sila tunay o totoong nagmamahal. Sa halip, halimbawa ay ikinasal kayo ngayon, dahil kakakasal n’yo lang ay mahal ka niya. Gayundin, niligawan ka niya ngayon, mahal na mahal ka niya at feeling n’yo lang ‘yun. At kaya mo naman siya sinagot ay dahil sa kasalukuyan ay mahal na mahal ka niya. 

  5. Pero ang totoo nito, kapag magkarelasyon na kayo, ‘ika nga ay nairaos na ‘yung “intense feeling” o matinding silakbo ng pagnanasa at pagkatakam, parang pagkain ang kadalasang nangyayari sa pag-ibig at pakikipagrelasyon sa isang Taong Otso. Sa bandang huli, magsasawa rin siya at hindi ko naman sinasabing mambababae o manlalalaki siya agad, sa halip ay nabawasan na ‘yung dating sobra-sobra at nag-uumapaw na pagmamahal at iko-convert niya sa ibang outlet ang energy o libido ng pag-ibig o intense feeling.

  6. Yung ibang Taong Otso ay kadalasan, sa negosyo at pagpapayaman ikino-convert ang energy ng love sa kanilang kapareha, kaya naman siya ay mabilis na yumayaman. At mapapansin mo talaga na mas mahal pa niya ang negosyo kaysa sa kanyang pamilya. May mga Taong Otso rin na kapag medyo matanda na at hindi naman yumaman, ikino-convert nila ang pagmamahal sa relihiyon, kaya sila ay nagiging layko o mga taong simbahan na madaling-araw pa lang ay makikita mong katulong na ng pari. Gayundin, may mga Taong Otso na ikino-convert ang libido sa paglilingkod sa bayan at sa pamumulitika. At may mga Taong Otso na sa bisyo at kalokohan na iko-convert ang pagmamahal sa asawa na unti-unti na ngang humupa at nawala. Ang masaklap, may mga Taong Otso rin na kapag humupa na ang intense emotion nila sa kanilang “love object”, direkta nilang inililipat ang libido at pagnanasa sa ibang love object, kaya naman siya ay hindi yumayaman, hindi rin nagugumon sa gawaing panrelihiyon, pero nahuhulog sa marami at iba’t ibang uri ng extra marital affairs.  

 

DAPAT GAWIN 


Habang, ayon sa iyong mag datos, Bea, bagama’t hindi ka naman totally iiwanan ng iyong asawa, ang ikinaganda nito ay maganda ang kabuuang hilatsa at mga guhit sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kung mapapaganda mo lang ang iyong lagda na ituturo ko na lang sa iyo sa susunod na mga araw, tiyak ang magaganap, anuman ang katayuan at kalagayan mo sa buhay, kahit sabihin pang nambabae at bihira sa tabi mo ang iyong asawa, sa sarili mong diskarte at pagsisikap, magagawa mo pa ring mapaunlad ang sarili mong kabuhayan. Gayundin, magagawa mo ring mapaligaya ang sarili mong pamilya habambuhay at maaari ka pa ngang makapagnegosyo at yumaman kahit iwanan ka pa ng iyong mister, na magsisimulang mangyari at matupad sa 2029 sa edad mong 39 pataas.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | July 1, 2024


Kapalaran Ayon Sa Palad

 

KATANUNGAN 

  1. Dalawang beses na akong nakasampa bilang isang seaman, kaya lang naubos na lahat ng ipon ko, pero naipagawa ko naman ‘yung sira-sira at butas-butas na bubong namin sa probinsya.

  2. Sa ngayon, nag-a-apply ako sa ibang agency at ibang shipping company na may malaking suweldo, pero nawawalan na ako ng pag-asa na matawagan ako.

  3. Nagkaka-edad na ako at ramdam ko na ayaw na nila sa katulad kong may edad na. Ano ba ang nakikita n’yo sa aking palad? Makakasampa pa kaya muli ako? 

  4. Maestro, may pag-asa pa kayang umasenso ang kabuhayan namin at makapag-ipon ng maraming pera para sa future ng pamilya ko?


KASAGUTAN 

  1. Tatlo ang namataang malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a. b. at c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na may ikatlo pang pangingibang-bansa ang magaganap sa buhay mo, pansinin mo ang ikatlong Guhit ng Paglalakbay (arrow c.) na siyang pinakamahaba at pinakamaganda, higit lalo kung ikukumpara sa dalawang nauna, (arrow a. at b.).

  2. Sa madaling salita, basta’t ‘wag ka lang mawawalan ng pag-asa, at lakasan mo lang ang iyong loob, dahil kahit 39-anyos ka na, makakapag-abroad at makakasampa ka pa muli bilang isang mandaragat o seafarer.    

  3. Ang pag-aanalisang susuwertehin ka sa panahong ito ng iyong buhay ay madali namang kinumpirma ng destiny number mong 8, kung saan, sa edad mong 39 pataas, bago ka tumuntong sa edad na 40, maraming mahahalagang kaganapan ang mangyayari sa iyong career at mga bagay na may kaugnayan sa iyong kabuhayan. 

  4. Dagdag dito, pansin din ang una hanggang sa gitnang bahagi ng iyong signature na medyo pangit, ngunit mula sa gitna hanggang sa dulong bahagi ay sadyang gumanda. Ibig sabihin sa middle age mo, bago ka tumuntong sa edad na 45, makakaranas ka na ng masagana at maunlad na karanasan.

 

DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos, Ameng, ‘wag kang mawawala ng pag-asa, at lakasan mo ang iyong loob upang magpatuloy sa iyong ginagawa. I-follow up mo na rin ang mga papeles mo, dahil tiyak na ang magaganap, sa last quarter ng taong 2024, sa buwan ng Oktubre hanggang sa Disyembre, sa edad mong 39 pataas, may ikatlo at mas masaganang pagsi-seaman na ang itatala sa iyong karanasan, na magdudulot sa iyo ng isang bonggang pag-unlad. 





 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | June 29, 2024


Kapalaran Ayon Sa Palad

 

KATANUNGAN


  1. May boyfriend ako ngayon, bale siya ang first love, first kiss, first touch ko, at first b oyfriend ko. Ang problema ko ngayon ay tutol sa kanya ang magulang ko. Wala kasi siyang regular na trabaho ngayon, at minsan ay gumagamit pa ng pinagbabawal na gamot. Tambay din siya sa kanto kasama ang mga barkada niya, pero hindi naman siya ganu’n kaadik. 

  2. Paano ko ipapaliwanag sa mga magulang ko na hindi naman masama ang magmahal at hindi naman masamang tao ang boyfriend ko?

  3. Maestro, kahit ba na kontra ang mga magulang ko sa boyfriend ko, may chance pa rin ba na mapangasawa ko siya? Dapat ko rin ba siyang ipaglaban sa magulang ko?

 

KASAGUTAN


  1. Hindi mo siya dapat ipaglaban, lalo na kung ikaw ay isang edukadang babae, galing sa matino at mabuting angkan. Tapos ang aasawahin mo lang ay isang hamak na tambay at gumagamit pa? Walang halagang ipaglaban ang ganyang klaseng tao. Kung sakali mang ipaglaban mo siya, ano naman ang mapapala mo sa kanya?

  2. Kung sakali mang ipinaglaban mo siya, may maikli at guhit ng kanselasyon sa una mong Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad na nagsasabing mauuwi rin sa wala ang relasyon n’yo kahit pa ipaglaban mo siya. 

  3. Nangyaring ganu’n, dahil ang maikli at guhit ng kanselasyon na Marriage Line (arrow a.) ay tanda na kahit ipaglaban mo pa ang kasalukuyan mong boyfriend, hindi pa rin siya ang makakatuluyan mo. Oo nga’t mahal mo siya at mahal ka rin niya, ang kaso nga lang hindi naman talaga kayo ang itinakda ng kapalaran para sa isa’t isa.

  4. Ayon sa pag-aanalisa, frustration lang ang mararanasan mo sa kasalukuyan mong boyfriend na kinumpirma ng biyak at bilog na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na ang pinakamabuti mong magagawa ngayon ay ihanda ang iyong sarili sa napipintong hiwalayan n’yo ng boyfriend mo, dahil ang nasabing biyak at bilog sa guhit ng Heart Line o sa Guhit ng Damdamin ay babala ng isang matinding kabiguan sa unang pag-ibig.

  5. Pero kahit na hindi mo makatuluyan ang first boyfriend mo, hindi ka dapat manghinayang at malungkot, dahil ang ikalawang mas malinaw at mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad ang nagsasabing sa ikalawang pag-ibig at pakikipagrelasyon na ka-level mo sa lipunang inyong ginagalawan, sa kanya ka makakasumpong ng isang tunay na ligaya at panghabambuhay na pakikipagrelasyon, hatid ng isang lalaking nagtataglay ng birth date na 16 o 25.  

 

DAPAT GAWIN


Habang ayon sa iyong mga datos, Criselda, ang kasalukuyan mong boyfriend ay itatalang pansamantalang pag-ibig na mauuwi rin sa kabiguan. Sapagkat sa susunod na pakikipagrelasyon na darating sa susunod na taon, sa edad mong 24 pataas, makakasumpong ka na ng panibagong karelasyon, (2-M arrow c.), hatid ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Taurus na siya mo na ngang makakasama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page