ni Chit Luna @News | August 23, 2025

Photo File: World Health Organization (WHO)
Iginiit ng mga eksperto na hindi naging epektibo ang polisiya ng World Health Organization (WHO) sa pagkontrol ng tabako, dahil halos walang naging pagbabago sa bilang ng naninigarilyo kahit mahigit dalawang dekada na mula nang ipatupad ang Framework Convention on Tobacco Control (FCTC).
Sa 2025 Global Forum on Nicotine (GFN) sa Poland, sinabi ng mga panelist na ang mahigpit na pagbabawal ng WHO ay hindi tumutugma sa mga estratehiyang nakabatay sa ebidensya para sa harm reduction — na makatutulong sa mahigit isang bilyong naninigarilyo na huminto o lumipat sa mas ligtas na alternatibo.
Ang tobacco harm reduction ay tumutukoy sa mga hakbang na naglalayong bawasan ang panganib ng mga sakit dulot ng paninigarilyo sa pamamagitan ng paggamit ng mga produktong gaya ng heated tobacco, nicotine pouches, at e-cigarettes imbes na magpatuloy sa paggamit ng tradisyonal na sigarilyo.
Sa naturang sesyon na pinamagatang “Reflections on the Framework Convention on Tobacco Control at 20”, nagtipon-tipon ang mga eksperto mula sa larangan ng pampublikong kalusugan, oncology, at adbokasiya ng mamimili upang suriin ang naging implementasyon ng FCTC.
Binigyang-diin ng mga panelist na dapat maging pangunahing batayan ng modernong tobacco control ang agham, pagkakapantay-pantay, at karapatang pantao. Nanawagan silang iwanan ang malawakang pagbabawal at itaguyod ang mga patakarang praktikal, batay-sa-ebidensya, at nagbibigay-daan sa inobasyon habang gumagalang sa dignidad ng tao.
Kabilang sa mga nagsalita sina Propesor Tikki Pangestu, dating Director ng Research Policy & Cooperation sa WHO at kasalukuyang Visiting Professor sa Yong Loo Lin School of Medicine, National University of Singapore; Asa Saligupta, director ng ENDS Cigarette Smoke Thailand (ECST); Dr. Derek Yach, dating WHO cabinet director at executive director para sa noncommunicable diseases and mental health, na nanguna sa pagbabalangkas ng FCTC; Propesor David Khayat, Pranses na oncologist at co-author ng Paris Charter Against Cancer; at Jeannine Cameron, tagapagtatag ng JCIC International Consultancy.
Binigyang-diin pa ni Pangestu ang impluwensya ng WHO sa mga bansang mababa at katamtaman ang kita, na madalas ay walang sapat na kakayahang bumuo ng sariling polisiya. “The elephant in the room is the WHO,” aniya. “As long as that position doesn't change, many countries are going to continue with apathy”.
Pinuna naman ni Saligupta ang papel ng Bloomberg Philanthropies at ilang NGO sa paghuhubog ng mahigpit na patakaran kasang-ayon ng WHO. “They use ideology over evidence, they’re ignoring science and pushing prohibition,” aniya, kasabay ng babala na ang maling impormasyon at labis na regulasyon ay humahadlang sa mga naninigarilyo sa mga bansang gaya ng Thailand — kung saan ipinagbabawal pa rin ang vaping — na magkaroon ng mas ligtas na opsyon.
Samantala, kinilala ni Yach ang kahalagahan ng FCTC sa kasaysayan, ngunit binatikos ang hindi pantay-pantay na implementasyon nito at ang pag-iwas na isama ang harm reduction.
Nanawagan si Khayat para sa isang mas makataong, education-based na polisiya sa kalusugan, at tinutulan ang “quit or die” na pananaw bilang hindi makatotohanan para sa mga hirap sa pagkaadik sa nikotina.
Ipinahayag naman ni Cameron na ang makabuluhang pagbabago ay dapat magmula sa pambansang pamahalaan at hindi sa mga international na ahensya. “The WHO gets to decide nothing. It’s the national governments that must act,” aniya.
Sa Pilipinas, sinuportahan ni Dr. Lorenzo Mata, Jr., presidente ng Quit for Good, ang panawagan para sa reporma. “The WHO has fallen short of its target and failed to help more than a billion smokers globally,” ani Mata.
Dagdag pa niya: “Because of its prohibitionist ideology, the WHO has only alienated smokers and nicotine consumers, demonizing them for their habits. It is time for the WHO to adopt a more compassionate approach and acknowledge the rights of consumers to choose what is best for them.”








