top of page
Search

ni Nitz Miralles @Bida | Apr. 11, 2025





Natawa kami sa comment ng isang netizen na double standard ang mga bashers, pinipili lang ang gustong i-bash. 


Dahil ito sa pamba-bash nila kay Carlos Yulo nang makita sa isang photo na hawak ang bag ng girlfriend na si Chloe San Jose sa ABS-CBN Ball 2025. 


Tinawag na “Bag Boy” si Carlos at pinayuhan na ‘wag sanayin si Chloe na ipinahahawak sa kanya ang bag nito. Dapat daw, kung kaninong bag, siya ang hahawak. Parang ipinakita raw ni Carlos na under siya ni Chloe at sunud-sunuran sa GF.


Pero, nang si Dominic Roque ang nakita sa same event na bitbit ang shoes ng GF na si Sue Ramirez, walang tumawag sa kanya na “Shoe Boy.” Walang nang-bash kay Sue at walang nag-comment na ina-under nito si Dominic. 


Kinilig pa nga ang mga fans at dapat daw gayahin ‘yun ng ibang lalaki para mas mahalin sila ng mga GF nila.


May mga comments na “alagang Dom” at sa ginawa nito, lalo raw na-in love sa kanya si Sue. 


May mga nagdasal na sana, hindi na sila maghiwalay, na sila na ang endgame at magpakasal na. 


Lalo pang kinilig ang DominSue fans nang ipakilala ni Dominic si Sue sa parents niya. May photo na kasama ng mag-jowa ang parents ni Dominic at may overlaid text na, “@dominicroque @sueanndoodles, thank.” 


Hindi nabanggit kung kanino itong text, pero parang galing sa mom ni Dominic.

Kaya lang, may nakaalala na ipinakilala rin ni Dominic si Bea Alonzo sa parents niya dati. Nagpakuha rin sila ng larawan, hindi nga lang naging happy ang ending ng relasyon ng mag-ex. 

Kaya ang wish ng DominSue fans, wala nang kumontra sa relasyon nila at sa pagpapakasal na sila magtapos.



THIS Friday na, April 11, 2025, ang release ng single ni Jennylyn Mercado na Ayaw Pang Umuwi na maganda, magaan pakinggan at mapapa-LSS ang makakarinig. 

Nagpa-sample si Jennylyn ng ilang lines sa kanyang Instagram at marami agad ang nakumbinse na mag-download.


Hindi mahihirapan ang gustong mag-download sa song dahil available ito in all streaming platforms. Tuwang-tuwa ang mga fans ni Jennylyn na binalikan niya ang pagkanta at pagiging recording artist dahil sayang ang boses niya.


May mga nag-suggest na gamitin ang song sa Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition, sa mga araw na may nae-evict dahil bagay ang title at concept ng song. Lahat kasi ng housemates, tila ayaw lumabas sa Bahay ni Kuya, umiiyak at lungkut-lungkutan kapag nae-evict.


Anyway, naniniwala ang mga fans na magiging hit ang song ni Jennylyn at agad masusundan ng isa pang single at magiging sunud-sunod na. 


Pero, hindi lang ang balik-recording niya ang aabangan ng kanyang mga fans kundi pati ang reunion series nila ni Dennis Trillo sa GMA na Sanggang Dikit (SD). Action-comedy ito na first time nilang gagawin. 


Nasanay ang mga fans na mapanood sila sa drama at nagpapaiyak. This time, mag-aaksiyon, magpapakilig at magpapatawa ang tambalang DenJen (Dennis Trillo at Jennylyn Mercado).


Magkasama sa piktyur, Sen. Chiz… HEART, CRUSH NG KOREAN ACTOR NA SI KIM JI SOO


CRUSH ng South Korean actor at ngayon ay contract star ng Sparkle at GMA-7 na si Kim Ji Soo si Heart Evangelista at inamin niya ito nang ma-interview sa pagpasok niya sa Bahay ni Kuya bilang celebrity house guest.


Sa tanong kung sino ang celebrity crush niya sa bansa, natagalan bago nakasagot si Kim Ji Soo dahil hindi maalala ang pangalan ni Heart.


“I forgot the exact name. Love? I think she’s called Love [or] Valentine,” sagot nito.


Ang housemate na ang nagbanggit ng pangalan ni Heart at pumalakpak si Ji Soo na ibig sabihin, nag-agree siya at tama ang housemate. Nag-sorry pa ito na hindi agad naalala ang pangalan ni Heart.


Hindi natanong si Ji Soo kung saan niya nakita si Heart, pero may photo na sila’y magkatabi sa isang event. Doon niya siguro nakita si Heart. 


Dahil dito, may mga suhestiyon na pagsamahin sa isang project sina Heart at Ji Soo para mas masaya.


Samantala, nakakatuwa na marunong nang magsalita ng Tagalog si Ji Soo, gayung wala pa siyang 1 year sa bansa. Ilang buwan pa siyang manatili sa Pilipinas, fluent na siya sa Tagalog. Ngayon pa nga lang, sa Tagalog siya sumasagot kapag tinanong sa Tagalog.


 
 

ni Nitz Miralles @Bida | Apr. 10, 2025





Ang tsika, nagkainitan sina Daniel Padilla at JK Labajo sa after party ng ABS-CBN Ball 2025. Pero, bakit may lumabas na larawan na magkasama sina Daniel at JK? Magkatabi ang dalawa at pareho pang nakangiti, kaya nagtatanong ang mga fans kung totoo bang nagkainitan ang dalawa o fake news lang?


Kasama pala nila sa photo sina Ruffa Gutierrez, Ian Veneracion, at Vina Morales at biniro pa si JK na mahilig sa beauty queen dahil nakahawak siya sa braso ni Ruffa.


Wala pang comment sina Daniel at JK sa iniisyu sa kanila, pero ang girlfriend ni JK na si Dia Mate, nagsalita at itinanggi ang “away” daw nina Daniel at JK.


Maiksi lang naman ang sinabi nito, “I saw everything. Not true,” at pinaniwalaan siya ng mga netizens.


Sa isang video nga, makikitang kasama si Dia sa grupo nina JK, Kyle Echarri, Kathryn Bernardo, Belle Mariano, Donny Pangilinan, at Piolo Pascual na lumalabas sa bar ng Solaire kung saan ginawa ang party. Kaya lang, may mga nag-i-insist pa rin na may nangyari.


Matapos gawing ‘guest’ sa kasal ni Claudia…

DENNIS, IDINELETE NA ANG MGA PHOTO NG ANAK SA IG


Ilang taon na naman kaya ang aabutin bago magkabati-bati si Dennis Padilla at ang mga anak na sina Julia, Claudia at Leon? Kababati lang nila bago ang wedding ni Claudia, pero galit-galit na naman sa kasal ng huli.


Masaya pa si Dennis sa photos na ipinost nito sa reunion niya sa tatlong anak kasama ang mom niya. Pero, deleted na ang photos na ‘yun sa kanyang Instagram (IG). Noong una, photo lang na kasama ang 3 anak at mom niya ang idinelete at iniwan ang photo nila ni Leon, kung saan, binati nito ng happy birthday ang anak.


Sa muli naming pagtse-check sa IG ni Dennis, pati ang photo nila ni Leon ay deleted na rin. Ibig kayang sabihin nito, may tampo na rin siya kay Leon?


Sa mga sagot ni Dennis sa tanong ng netizen, hindi raw siya pinadalhan ng invitation sa wedding nina Claudia at Basti Lorenzo, kaya hindi niya nakita na hindi siya part ng wedding.


Sabi ni Dennis, “I don’t have a part sa program... Ayaw nila padala invites.” 


Ang ibig siguro nitong sabihin ay hindi siya part ng program na siguro naman, may paliwanag ang ikinasal.


Nadagdagan pa ang isyu sa post ng kapatid ni Dennis na si Gene Padilla na dumalo sa kasal kasama ang mom niya bilang suporta kay Dennis. Post nito, sa tabi ng mga ninong pinaupo ng wedding coordinator si Dennis, kaya pumunta na lang sila sa likuran.


Napaluha at napaiyak daw si Dennis sa nangyari at pati mom nila, naiyak na rin. Kaya niyaya na lang niya si Dennis na umuwi pagkatapos nitong magpakuha ng picture sa mga ikinasal. In fairness, nakangiti si Dennis sa photo, hindi halatang umiyak at sumama ang loob.


Kani-kanyang comment ang mga netizens na pro at anti-Dennis, pati ang pro at anti-Barretto. Sila ngayon ang nagsasagutan. Hintayin na lang natin ang mga susunod na mangyayari at kung ilang taon uli magkakabati sina Dennis Padilla at mga anak niya na Barretto.



TALO ni Buboy Villar ang mga bida ng pelikulang Samahan ng mga Makasalanan (SNMM) na sina David Licauco at Sanya Lopez dahil sa mga isyu sa kanya.


Kumpara sa isyu na sinasagot ng dalawa sa mga interviews, ang mga isyu kay Buboy ay puro pasabog.


Tuwing nagsasalita o nai-interview si Buboy, laging may sagot na pasabog ang ex nitong si Angillyn Gorens, sinasagot ang mga sinasabi ng aktor. 


Ang payo ng mga netizens kay Buboy, huwag muna siyang magpa-interview para walang dahilan si Angillyn para sumagot.


Nitong huling interbyu ni Buboy, sinabihan siya ni Angillyn na 1 week nag-practice para sabihin ang mga kasinungalingang isinagot sa interview. Tinawag siyang ‘baliw’ at ‘sinungaling’ at ang matindi, may bisyo raw si Buboy. 


Grabe ang akusasyon ni Angillyn, mabuti na lang, hindi big star si Buboy, wala siyang image na masisira at walang fans na mate-turn-off.


In fairness, may mga comments na pabor kay Buboy, pinapauwi nila sa bansa si Angillyn para personal silang mag-usap ni Buboy at maayos ang kanilang problema. Saka totoo raw ba na may anak na rin siya na nabanggit ni Buboy sa isa niyang interview?

 
 

ni Nitz Miralles @Bida | Apr. 9, 2025





Ipinost ni Sharon Cuneta ang result ng Best Dressed List ng PEP, Mega Magazine at ni G3 Cafe sa katatapos na ABS-CBN Ball 2025 at laging kasama sa list si Mega. 


Si Rajo Laurel nga, No. 1 sa kanya si Sharon at perfect daw ang Jot Losa gown na suot nito. Simple, walang glitter, walang burloloy at ang emerald necklace at ilang jewelry lang ang suot.


Sa list ng PEP at ni G3 Cafe, hindi kasama si Kim Chiu at si Sharon ang sinisisi. Tanong ng fan ni Kim, may galit daw ba si Sharon kay Kim? Super-ganda at alluring ang suot ni Kim, pero bakit hindi niya isinali sa list niya?


Sabi ng fan ni Kim, “Ang labo mo naman, Shawee. Ayusin mo pagpili… paano nakapasok si Dolly de Leon at mga BINI.”


May nagpakalma sa fan ni Kim, basahin daw ang caption dahil hindi si Sharon ang may gawa ng list, ipinost lang nito. Pero, kahit may paglilinaw na, ayaw pa ring papigil ng fan ni Kim, at si Sharon pa rin ang sinisisi.


Dedma na lang si Sharon sa mga pang-aaway sa kanya, basta worth it ang matagal na panahong pagda-diet nito at ang 106 lbs. na nawala sa kanya.



ANG sweet naman ng tawagan ng magdyowang Miguel Tanfelix at Ysabel Ortega. Sa isang post ng Kapuso actor sa Instagram (IG), tinawag nito ang sarili na ‘Maria’s Man’ dahil ang full name ng GF ay Maria Ysabel. 


Ang sagot ni Ysabel sa post ng boyfriend ay ‘My Miguelito’ na kinakiligan ng kanilang mga fans.


Ang ibang couples daw kasi, generic at nakasanayan na ang terms of endearment, pero sina Miguel at Ysabel, iba ang datingan, pang-forever daw. Ang susunod daw sa Maria’s Man ay ‘family man’ na ang itatawag ni Miguel sa kanyang sarili.


Speaking of Miguel, tumutulong siya sa mom niyang si Mommy Grace sa paggawa ng leche flan. Binigyan ng negosyo ng aktor ang mom niya at ito ay ang leche flan business. 


Inilihim ni Miguel sa mom niya ang sorpresa niya rito at isinikreto rin ang paghahanap niya ng paglalagyan ng leche flan at pati ang tamang refrigerator para rito nang ‘di masira. 


Operational na ang leche flan business ni Mommy Grace simula pa nu’ng April 5 at sa dami ng order, tumutulong si Miguel sa paggawa ng favorite dessert niya at hoping ito na maging favorite rin ng mga makakatikim.


Tumutulong lang naman si Miguel sa mom niya sa paggawa ng leche flan kapag wala siyang taping ng Mga Batang Riles (MBR), kaya wala siyang trabaho na naaapektuhan.

Saka, um-order na nga ang mga co-stars niya sa series ng leche flan ni Mommy “Okay Na ‘To” Grace.



KUMAKAIN pala si Rhian Ramos ng isaw at betamax (ito ‘yung dugo na iniihaw) at ang dalawa ang favorite street food niya. 


Sa ipinost nitong reels, isang supot ng isaw at betamax ang hawak niya na pinagpapalit-palit niyang kainin sa taping ng Sang’gre.


Ramdam mong hindi lang pang-content ang pagkain ni Rhian ng isaw at betamax, makikitang sanay siyang kumain ng mga ito at sarap na sarap pa nga at naghanap ng suka. Mas masarap daw kainin ang mga ‘yun ‘pag may suka.


Kuwento nito, ilang araw na siyang nagke-crave ng isaw at betamax, mula nang makakita siya nito habang nasa San Andres, Manila sila ni Sam Verzosa. Hindi lang siya nagkaroon ng chance na makabili at makakain. Laking-pasasalamat nito na may kaibigan siyang dumalaw sa taping at pinasalubungan siya ng isang supot ng isaw at betamax, kaya solved ang cravings ng aktres.


Anyway, masaya si Rhian at mga kasama sa pelikulang Sinagtala sa P2.25 million box-office gross ng pelikula sa opening day nito. Hopefully, kumita pa ang movie para matuloy ang ipinangako ng director at producer na si Mike Sandejas na magkakaroon ng part 2 ang pelikula.


Sa part two, malalaman pa kung ano ang mangyayari sa mga karakter nina Rhian, Rayver Cruz, Arci Muñoz, Matt Lozano at Glaiza de Castro. Masasagot din kung makakasama pa rin sa part two si Glaiza dahil pumanaw ang karakter niya sa Sinagtala


Curious kami kung paano ang gagawin ni Direk Mike para maging bahagi pa rin ng pelikula si Glaiza.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page