ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | August 29, 2024
Kamakailan lang, muling nagkaroon ng insidente ng agresyon ang China kontra sa atin.
Nitong August 25, binangga at ginamitan ng water cannon ng Chinese Coast Guard ang BRP Datu Sanday.
Nagsasagawa ang BRP Datu Sanday ng humanitarian mission mula Hasa-Hasa Shoal para mag-deliver ng pagkain, diesel, at medical supplies sa mga mangingisdang Pilipino sa Escoda Shoal. Ang Hasa-Hasa Shoal ay matatagpuan 60 nautical miles mula sa Palawan.
☻☻☻
Nananawagan tayo sa People’s Republic of China na itigil na ang ganitong mga gawain na sinusubok ang mabuting pakikitungo ng bansa natin.
Hindi lamang ito paglabag sa international law, kundi pagbalewala na rin sa kabutihan at pasensya na ipinamalas ng ating bansa sa pagtugon sa ating mga maritime dispute sa mapayapang paraan.
Patuloy na gagalugarin ng ating bansa ang mga diplomatikong paraan upang maresolba ang mga isyu ngunit kailangang maging malinaw na patuloy nating ipagtatanggol ang ating soberanya at ang kapakanan ng ating mga kababayan.
☻☻☻
Inanunsiyo ng Department of Health na kukuha ito ng 2,000 dose ng Jynneos vaccine para sa mpox.
Ayon sa DOH, iba ang Jynneos vaccine sa smallpox vaccine.
“The smallpox vaccine is (made) from vaccinia (virus). This one for mpox (Jynneos) is modified vaccinia Ankara. Vaccinia and MVA belong to the same Orthopoxvirus family where mpox also is,” ani Health Assistant Secretary Albert Domingo.
Nasa 14 na ang kaso ng mpox mula noong July 2022. Sa bilang na ito, siyam na pasyente ang matagal nang naka-recover, habang lima ang kumpirmadong active cases.
Hinihikayat natin ang ating mga kababayan na mag-ingat at ibalik ang mga health protocols na ginawa natin noong pandemya upang maiwasan ang pagkahawa.
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!
FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay