top of page
Search

ni Mylene Alfonso | May 24, 2023



ree

Aabot sa $3 milyon ang matatanggap mula sa Official Development Assistance (ODA) financing ng Asian Development Bank (ADB) para sa iminungkahing food stamps na sinimulang trabahuhin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development Authority (DSWD).


Nabatid na planong simulan ng pamahalaan ang pilot run ng food stamps sa Hulyo para sa mahihirap na Pilipino kung saan may halagang P3,000 ang matatanggap na food credit ng bawat benepisyaryo.


Matatandaang sa sideline ng ADB Reception sa punong-tanggapan ng bangko sa Mandaluyong City noong Lunes, sinabi ng Pangulo na ang implementasyon ng proposed

“food stamps” program ng DSWD ay magiging malaking tulong para sa mahihirap.


Sinabi ni Marcos na naging epektibo ito sa ibang bansa.


Binigyang-diin din ni Marcos ang napakaraming pagkakataon na ibinigay ng ADB sa Pilipinas habang binibigyang-diin niya na mayroong pakikipagtulungan sa pagitan ng ADB at Civil Service Commission (CSC) sa digitalization ng mga serbisyo at operasyon ng ahensya.


Sinabi ng punong ehekutibo na ang ADB ay naging mahalagang bahagi ng mga plano sa pagpapaunlad ng bansa dahil sila ay naging matatag at maaasahang katuwang sa pag-unlad ng Pilipinas.


Nakipagpulong si Marcos kay ADB President Masatsugu Asakawa kasama ang iba pang opisyal noong Lunes kung saan tinalakay nila ang ilan sa mga programang naisakatuparan na sa Pilipinas kasama na ang mga ginagawa.


Binanggit niya na ang ABD na ngayon ang pinakamalaking ODA financing ng Pilipinas dahil binigyang-diin niya na ang climate change mitigation at agricultural productivity ay kabilang din sa mga hakbangin sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng ADB.


Ibinunyag din ni Marcos na nakipag-usap siya kay Asakawa para bumuo ng mga karagdagang programa tulad ng katatapos na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) conference sa Indonesia.


 
 

ni Mylene Alfonso | May 23, 2023



ree

Pirma na lamang ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., ang kulang sa sandaling maratipikahan ang panukala na magpapatibay sa 'chalk allowance’ na layuning taasan ang taunang supply allowance ng mga guro sa lahat ng pampublikong paaralan.


Sa botong 22 na mga senador na present sa sesyon, lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill No. 1964 o ang ‘Kabalikat ng Pagtuturo Act’ na iniakda at ini-sponsor mismo ni Senador Ramon "Bong" Revilla, Jr. na naglalayong dagdagan ang allowance ng public school teachers.


Sinabi ni Revilla na sobra-sobra na ang trabaho ng mga pampublikong guro ngunit kulang naman ang kanilang suweldo na tumatanggap ng P24 bawat araw sa ilalim ng kasalukuyang P5,000 teaching supplies allowance para sa buong school year.


Aniya, naoobliga ang mga public teachers na maglabas ng sariling pera upang makabili ng mga materyales at iba pang supplies na ginagamit sa pagtuturo.


Sa ilalim ng SBN 1964, ang teaching allowance ay unti-unting tataas mula sa kasalukuyang P5,000 ay magiging P7,500 para sa school year 2023-2024 at P10,000 kada guro para sa school year 2024-2025 hanggang sa mga susunod pa at ang karagdagang benepisyo ay hindi kakaltasan ng buwis.


Ayon pa kay Revilla ang kasalukuyang cash allowance ay kabilang na ang P500 alokasyon para sa medical examination na kung ibabawas pa umano ang gastos sa teaching materials ay bababa pa sa P22 kada araw.


 
 

ni Mylene Alfonso | May 23, 2023



ree

Kumbinsido si Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold "Poks" Pangan na ang pagbabalik ng mga restriksyon ang solusyon upang mahikayat ang publiko na magpabakuna.


Ginawa ni Pangan ang pahayag sa isinagawang news forum ng Manila City Hall Reporters' Association (Machra) sa Harbor view makaraang ibunyag na nasa 2,070 na ang bilang ng namatay sa Maynila dahil sa COVID-19 kung saan 1,400 dito ang walang bakuna.


Dismayado si Pangan na dahil sa mababang bilang ng mga nagpapa-booster na siya ring itinuturong dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID sa lungsod.


"Dapat silang takutin," wika ni Pangan.


Giit ng opisyal na tinanggal na rin kasi ng pamahalaan ang requirement ng pagpapakita ng vaccination certificates bilang katibayan na bakunado ka bago ka papasukin sa malls, restaurants at iba pa kaya mataas ang pangangailangan ng pagpapabakuna.


Bunsod nito, nawalan na nang interes ang mga tao, dahil pinapayagan na ang lahat na makapasok sa establisimyento kahit pa hindi bakunado.


Binigyan-diin pa ni Pangan na bagama't hindi na ikinukonsidera ng World Health Organization (WHO) na global health emergency ang COVID-19 ay hindi ibig sabihin na tapos na ang pandemya.


Ayon sa kanya, nananatili ang COVID sa ating paligid, katunayan ang mga city-run hospitals sa Maynila ay may 183 COVID bed allocations dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ay mayroong 15.4 percent bed utilization.


Para kay Pangan, ang lifting ng COVID status bilang public health emergency ay nangangahulugan na hindi na magsu-supply ng bakuna ang WHO at idinagdag nito na:

“ngayon, tayo na ang bibili ng bakuna".


Naniniwala si Pangan na ang pagbabakuna at booster lamang ang tanging panlaban ng isang tao sakaling siya ay madapuan ng COVID.


Idinagdag pa ni Pangan na ang mga bakunado at may booster ay maaaring maging asymptomatic o mild kapag nagka-COVID at 'di katulad ng mga walang bakuna na tiyak na magiging severe ang kaso tulad ng siyam na napaulat sa Maynila na tinamaan ng COVID.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page