top of page
Search

ni Migs Zubiri - @Solve 'Yan! | December 08, 2021



Sa gitna ng banta ng Omicron variant ng COVID-19 na maaaring nakapasok na sa ating bansa, nananawagan tayo sa ating pamahalaan na payagan na ang mga pribadong kumpanya na hayaan nang gamiting ang binili nilang supply ng coronavirus vaccines bilang booster shots para sa kanilang mga empleyado at pamilya nito.


Bagama't wala pang natutuklasan na Omicron variant sa ating bansa, maaari nang nakapasok na ito sa ating mga borders. Ito ay ayon kay Philippine Genome Center Executive Director Cynthia Saloma.


Bago mag-expire ang mga biniling vaccines ng ating pribadong sektor, hayaan na nating maiturok ito sa kanilang mga manggagawa at mga pamilya bilang paghahanda sa pagsalakay ng bagong variant na ito.


Kamakailan, umapela sa ating pamahalaan ang may 26 na grupo mula sa pribadong sektor na payagan silang gamitin ang mga nabili nilang bakuna bilang booster shots.


Ayon sa kanila, higit na mabilis ang pagdagsa ng mga bakuna sa bansa kaysa sa paggamit nito at nakapanghihinayang na mawalan ito ng bisa.


Upang matulungan ang ating pamahalaan sa paglaban sa pandemya at upang maabot natin ang herd immunity, naging aktibo po ang mga pribadong kumpanya sa pagbili ng COVID-19 vaccines sa ilalim ng multi-party agreement noon pa mang isang taon. Sa katunayan, bahagi ng mga binili ng pribadong sektor ay ibinabahagi sa pamahalaan.


Umaabot na sa 60 milyong doses ng vaccines ang nakatambak sa ating bansa. Ang imbak na vaccines ay patuloy pong dumarami dahil sa mabilis na pagpasok ng mga bakuna mula sa iba’t ibang bansa. Nauunawaan natin na may kinakailangang unahing sektor na kailangan nang maturukan kung nagkukulang po tayo ng bakuna.


Subalit sa dami ng mga pumapasok na doses ng bakuna, marami pa sa ating mga kababayan ang patuloy na nag-aatubili na magpabakuna.


Sa talaan ng Department of Health, as of December 4, 2021, umaabot na sa 37,984,765 ang nabigyan na ng two doses ng vaccines; 52,997,743 ang nabigyan ng unang dose; at 465,354 ang nabigyan ng booster shots, o sa kabuuang 91,447,862. Kung ating susumahin, umaabot na sa 40 percent ng target na populasyon ang nakakumpleto na ng bakuna mula nang magsimula ang COVID-19 vaccination sa Pilipinas noong Marso ng taong ito.


Ibig sabihin, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nag-aatubili na magpabakuna.


Sa ating mga kababayan, isang matibay na katibayan ng bisa ng bakuna ang patuloy na pagliit ng bilang ng kaso ng COVID-19 araw-araw. Kaya nananawagan ako na tayo’y magpabakuna na.


Doon sa mga nabakunahan na, alam nating ang vaccines ay humihina ang bisa sa ating katawan sa loob ng anim na buwan. Ibig sabihin, makaraan ang anim na buwan, kailangan nating magpa-booster shot.


Subalit ayon pa sa patakaran ng Department of Health and the Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, hindi pinapayagan ang mga pribadong kumpanya na magsagawa ng booster shots sa kanilang mga empleyado at pamilya nila, maliban lamang doon sa senior citizen at mga may co-morbidities.


Bukod sa mga senior citizens and individuals na may co-morbidities, prayoridad din ang ating mga medical frontlines.


Kaya umaapela ang ating mga kababayan mula sa pribadong sektor na payagan na silang magbigay ng booster shots sa kanilang mga empleyado upang maiwasan na mawalan ng bisa ang mga bakuna.


Makatutulong ito sa muling pagbubukas at pagpapasigla ng ating ekonomiya.


Kung walang booster shots, maaari pong magkaroon muli ng surge ng virus, lalo’t nakaamba ang panganib ng Omicron variant ng COVID-19, na maaaring magdulot ng muling pagsasara ng ating ekonomiya.


 
 

ni Migs Zubiri - @Solve 'Yan! | December 01, 2021



Walang bata ang dapat magdusa sa gitna ng nakabibinging katahimikan. Sa karimlan ng gabi, walang bata ang dapat humihiyaw ng katarungan.


Kabataan ang ating kinabukasan. Ang kanilang kahinaan ay hindi dapat inaabuso.


Ito ang puso ng panukalang nagtataas ng edad na nagdedetermina ng statutory rape. At nitong Nobyembre 24 ay pumasa na sa bicameral conference committee ang Senate Bill No. 2332 at House Bill No. 7836, na nag-aamyenda sa Revised Penal Code upang itaas ang edad na nagdedetermina ng statutory rape. Mula sa edad 12, itinataas ng panukalang-batas sa mababa sa edad 16 (below 16) upang bigyang-pahintulot ang bata na makipagtalik.


Walang dapat maging biktima ng panggagahasa at sexual abuse, lalo na’t higit ang mga inosenteng bata. Bilang magulang ng tatlong musmos na anak, bilang Kristiyano at bilang mambabatas, ito ang ating personal na adbokasiya.


Ang rape ay karumal-dumal na krimen, lalo na kung ito ay ginawa sa bata. Kaya mahalagang amyendahan na ang lumang batas na nagtatalaga sa edad 12 ang age of sexual consent.


Dumarami ang datos ng rape o sexual abuse, maging sa online, lalo na ngayong pandemya. Kaya mahigpit nating isinusulong ang panukalang-batas upang mabigyan ng proteksiyon ang libu-libong bata na ninanakawan ng kanilang kabataan.


Ang Pilipinas sa buong Asya ang may pinakamababang age of consent for sexual act sa edad 12, at pangalawa sa buong mundo na pinangungunahan ng Nigeria sa edad 11.


Sa pagsasabatas ng panukalang ito, inaasahan din nating malulutas ang teenage pregnancies.


Batay sa datos ng World Bank, may 47 kada isang libong kababaihan ang nanganganak taun-taon sa edad 15 hanggang 19. Mas mataas sa 44 kada isang libo sa buong mundo at 33 sa buong Asya.


Parang normal na lang makakita ng mga batang ina — teenager na may hawak na bata na aakalaing kapatid ang inaalagaan pero anak na pala. ‘Yung imbes na naglalaro, nag-aaral o nangangarap sa kanilang kinabukasan, nag-aalaga na ng sarili nilang anak sa edad 14 o 15. Sa murang edad, hindi pa sapat ang kanilang emotional and mental maturity upang humarap sa napakalaking responsibilidad.


Kasabay ng pagtataas ng age of sexual consent, inaamyendahan din ng panukalang-batas ang lengguwaheng nasasaad sa batas upang maging gender-responsive.


Nasasaad sa panukala na ang rape ay ginawa ng tao na may pagnanasang seksuwal sa kanyang kapwa kahit may parehong kasarian. Ibig sabihin, maaaring maganap ang rape hindi lamang sa pagitan ng opposite sexes.


Naglagay din tayo ng probisyon na ituro ang mga karapatan at proteksiyon ng kabataan sa ilalim ng batas sa basic education curriculum para sa mga estudyanteng nasa hustong gulang.


Nagpapasalamat tayo sa ating mga kasamahan, lalo na kina Sen. Sonny Angara, Sen. Risa Hontiveros at Sen. Lito Lapid sa kanilang tulong at tiwala sa atin upang maipasa ang panukala.


Gayundin, nagpapasalamat tayo kay Sen. Dick Gordon, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, sa kanyang tiwala nang italaga niya tayo na pamunuan ang Senate contingent sa bicameral panel.


Maraming magulang at grupo ang umaasang maisabatas na ang panukalang ito. Maging ang mga ahensiya ng United Nations sa bansa tulad ng UNICEF at UNDP ay hinihintay at sinusubaybayan ang batas. Tayo ay nagagalak na malapit nang maging ganap na batas ang panukalang magbibigay-kalinga at proteksiyon sa kabataan.


 
 

ni Migs Zubiri - @Solve 'Yan! | November 24, 2021



Nasa ikatlong linggo na ng pagtalakay sa plenaryo ang panukalang budget ng national government para sa Fiscal Year 2022. At pipilitin nating matapos ito ngayong buwan, salamat sa ating masipag na kaibigan, si Committee on Finance Chairman Sen. Sonny Angara at sa mga Vice-Chairpersons ng Committee.


Para sa susunod na taon, popondohan natin ang social services, labor and employment, kalusugan at iba pang ahensiya ng gobyerno sa halagang P5.024 trilyon, mas mataas para sa taong ito na nagkakahalaga ng P4.506 trilyong budget.


Popondohan natin ang mahahalagang proyekto at serbisyo ng ating pamahalaan sa harap ng patuloy na pananalasa ng COVID-19 at sa ating pagbangon mula sa pandemya.


Sabi nga ni Sonny, ang budget na ito ay magpopondo para sa ating COVID resistance at COVID recovery.


Ang Senate version ay nag-aamyenda sa House version ng General Appropriations Bill of 2022 upang palakasin ang pagharap ng ating pamahalaan sa pandemya at umaasa tayong ang pagbabalik natin sa normal ay maging katotohanan. Umaasa tayong magagapi natin ang pandemya upang makapagsimula na tayo sa muling pagbangon.


Subalit kung muling mag-mutate ang virus at maging mas mapanganib, ang budget natin ay nakahanda rin sa ating kakaharaping peligro.


Ang panukalang budget na isinumite ng Malakanyang ay nakatuntong sa tatlong pangunahing haligi: maging matatag sa gitna ng pandemya; pagpapanatili ng momentum tungo sa pagbabalik sigla ng ekonomiya; at pagpapatuloy ng infrastructure development.


Sa naturang panukalang budget, ang Department of Education ang may pinakamalaking alokasyon. Sa ilalim ng National Expenditure Program ng Malakanyang, ang DepEd ay may alokasyong P630.8 billion.


Popondohan nito ang Flexible Learning Options upang makabili ang ating mga eskuwelahan ng television, radio, at iba pang learning modules na kinakailangan para sa distant learning. Kasabay na rin nito ang pagpopondo para sa Priority School Health Facilities tulad ng construction, replacement, repair and rehabilitation ng water systems, hand washing facilities, toilet facilities, at iba pang health and sanitation facilities para naman po sa paghahanda sa face-to-face classes.


Nagsimula na ang pilot-testing ng face-to-face classes noong isang linggo at palalawakin ang implementasyon nito sa Marso sa susunod na taon.


Patuloy tayong makikipagtulungan sa ating mga kasamahan upang matatag nating maharap ang pandemya at kasabay nito ay napaghahandaan natin ang kinabukasan ng ating mga anak.


Kagabi ay natapos na ang ating plenary debate sa budget ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, matapos ito ay inaasahan nating isumite ni Sen. Angara ang mga amendments sa plenary ngayong araw. Matapos maaprubahan sa Senado sa ikatlong pagbasa ay magkakaroon naman ng bicameral conference committee meetings upang i-reconcile ang differences sa version ng Senado at ng Kamara.


Inaasahan natin na sa unang linggo ng Disyembre ay maaprubahan na ng Kongreso ang budget ng pamahalaang nasyunal para sa susunod na taon at isumite sa Malakanyang para sa pirma ng Pangulo.


Umaasa tayong ang budget na ipapasa ng Kongreso ay magiging responsive sa patuloy na paglaban natin sa pandemya, pagbabalik ng trabaho at muling pagbubukas ng ekonomiya.


Salamat!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page