top of page
Search

ni MC @Sports | March 13, 2023



ree

Bumalikwas mula sa malamyang simula ang bagitong Quezon Huskers para maitakas ang makapigil-hiningang 82-80 panalo laban sa matikas na Negros Muscovados Huwebes ng gabi sa pagbubukas ng 5th Season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa dinumog na Lucena Convention Center sa Lucena City.


Dumadagundong ang hiyawan ng mga kababayan ng host team sa bawat pagkakataon na nakakahabol at naididikit ng Huskers ang iskor matapos maibaon sa pinakamalaking kalamangan na 17 puntos sa unang yugto ng laro, ngunit ang ikatlong three-pointer ni Mark Joseph Pangilinan para sa 10-0 run ng Quezon na bumura sa bentahe ng karibal para sa 79-78 bentahe ang halos dumurog sa morale ng karibal tungo sa huling tatlong minuto ng laro. Nagawang mabawi ng Muscovados ang bentahe sa 80-79 mula sa jumper ni Jason Melano, ngunit nakaganti muli ng sariling opensa si Huskers point guard Tomas Torres bago tuluyang sumilakbo ang pagdiriwang ng Quezonian sa mahigpitang labanan sa huling isang minuto ng laro matapos mailagay ni Simone Sandagon ang iskor sa 82-80 mula sa split free throw sa foul ni Edrian Lao.


Nakakuha pa ng pagkakataon ang Negros na maitabla ang iskor o maagaw ang kalamangan sa dalawang pagkakataon, ngunit ang pagtatangka sa three point area ni Lao ay napigilan ni Sandagon bago ang kontrobersyal na tawag ng referee sa ‘out of bound’ na inilagay sa ‘coaches challenge’ na hindi naman naging matagumpay sa Negros may 1.2 segundo ang nalalabi. “We’re so happy, very very happy and proud. Kahit kulang kami ng ensayo, wala pa yung familiarity sa isat’ isa, they show the character of not giving up and give the best for the team and for the supporters,” pahayag ni Huskers head coach Eric Gonzales.


Sama-samang nagdiwang sa center court matapos ang final buzzer ang mga players, coaching staff, mga tagahanga, team owners, mga local na opisyal.

 
 

ni MC @Sports | March 11, 2023



ree

Nagpasya na si MMA fighter Eduard Folayang, ang itinuturing na pundasyon ng mixed martials sa Pilipinas na lisanin ang kinikilalang MMA stable sa bansa.


Sa huling social media post, inanunsyo ni "The Landslide" ang kanyang pag-alis sa pamosong Team Lakay. "Lahat ng magagandang bagay ay may katapusan din.


Nakakalungkot at mabigat sa loob ko na ang misyon ko sa Team Lakay ay tuluyan nang natapos," saad ni Folayang.


Nagpahayag din ng buong pusong pagtanaw ang dating two-time ONE lightweight champion sa partnership sa Benguet-based MMA gym maging sa founder na si coach former MMA fighter Mark Sangiao. "Sa huling 16 na taon ng aking professional career bilang mixed martial artist, kasama ang mga matatapang at talented na mga tao sa Team Lakay. This stable was a large element in what I have become and the stature I have arrived at in our beloved sport," ani Folayang.


"Words will not suffice to aptly impart how grateful I am for our camaraderie that has led to our achievements and victories inside the Circle, as well as the heartbreaks that have driven us to keep going in pursuit of our ultimate goal. I will forever cherish every moment like a precious treasure."


Nakapagprodyus ang Team Lakay ng pinakamalalaking pangalan ng Filipino MMA champions. Tahanan ito ng elite fighters tulad nina dating ONE strawweight champion Joshua Pacio, former ONE flyweight champion Geje Eustaquio, former ONE featherweight champion Honorio Banario, former ONE bantamweight champion Kevin Belingon at iba pa.

 
 

ni MC @Sports | March 10, 2023



ree

Nakasampa sa podium ang national women’s road team sa likod ng Vietnamese squads sa Stage 1 noong Miyerkules sa 13th Biwase Cup sa Vietnam kung saan ito ang simula ng pag-iinit ng kanilang mga paa para sa isang international exposure bilang paghahanda sa Cambodia SEA Games sa Mayo.


Ang team na binubuo nina Kate Yasmin Velasco, Marianne Dacumos, Mathilda Krog, Avegail Rombaon at Mhay Ann Linda ay sumegunda sa Vietnamese squads na sina Cong Ty Cp Tap Doan Loc Troi at Tuyep TP HcmVinama matapos ang 66-km criterium race sa paikot ng Binh Duong New City.


Lahat ng tatlong teams ay may pare-parehong accumulated clocking na 10 hours, 4 minutes at 48 segundo (kabuuang oras ng five riders) kung saan ang team classification ay madedetermina sa finish time ng bawat riders.


Tumapos na 8th place si Velasco habang si Dacumos ay 10th sa provisional individual results at kalaunan ay nasa 10th at 12th matapos ang time at sprint bonuses na ipinataw sa general classification.


Sina Rombaon, Krog at Linda ay nasa 17th, 24th at 26th sa hanay ng 90 cyclists sa halos 18 teams mula sa host country, Singapore, Malaysia, Taiawan, Thailand at Kazakhstan.


Tumapos sila na 12 segundo sa likod ng 1-2-3 individual finishers ManeephanJulatip (1 hour, 40 minutes at 36 seconds) (4 na segundo ang layo) at Nguyen Thi Thu Mai ng Vietnam at Nur Aisyah Binti MohdZubir (5 segundong kabuntot) ng Malaysia.


Regular riders sina Velasco, Dacumos, Rombaon at Krog ng Philippine Navy-Standard Insurance team habang si Linda, na unang sumabak abroad ay nasa national team ng Team Excellent.


Nangasiwa si Philippine Olympic Committee (POC) at PhilCycling president Rep. Abraham sa team habang coaches sina Marita Lucas, Alfie Catalan at Joey de los Reyes.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page