top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 25, 2021




Nanawagan muli sa pamahalaan ang mga healthcare workers upang mag-hire ng tig-iisang nurse sa bawat barangay upang maaksiyunan ang lumalaganap na pandemya sa bansa, batay sa naging panayam kay Filipino Nurses United Secretary General Jocelyn Andamo.


Aniya, "Ang panawagan namin nu’ng isang taon pa po. Paulit-ulit naming sinasabi na dapat meron pong mass hiring na libu-libo. Ang recommendation namin, 1 nurse sa bawat barangay. Kaya po ‘yun, 42,000 nurses po sana nationwide. Para matugunan po natin ang pangangailangan ng ating mga kababayan."


Paliwanag niya, “Mahalaga na dapat matino, seryoso at siyentipiko ang ating COVID-19 response dahil hanggang ngayon ay hindi natin nako-contain ang pandemyang ito.”


Iginiit din niyang hindi maayos ang healthcare system sa bansa at wala silang suportang natatanggap mula sa gobyerno.


"Kung mabibigyan po ng maayos, sapat at proactive na sinasabi nating makatao at just na sahod, adequate benefits at assurance po na ‘pag magkakasakit sila pati ang kanilang mga pamilya ay hindi po sila mapapabayaan," panawagan pa niya.


Sa ngayon ay naaksiyunan na ang kahilingan nilang karagdagang hospital beds, samantalang nananatili pa ring naka-pending ang mass hiring ng mga nurse at mass testing para sa mga vulnerable na populasyon.


Paglilinaw niya, “Hindi kami nagsasawang makipag-usap sa ating pamahalaan. Nu’ng isang taon pa po namin ‘to inire-relay sa maraming paraan. Nagpadala ho kami ng sulat, nakipag-dialogue kami, nagprotesta, nag-motorcade. Alam na po ng pamahalaan kung ano ang dapat gawin. Alam na po ng pamahalaan kung ano po ang mga problema namin.”

Dagdag pa niya, “Ang panawagan po namin ay pakinggan kami at aksiyunan ngayon na para ang ating problema sa pandemya ay matugunan.”


“Sana po ‘yung mga ipinangako po sa ‘min ni Secretary Duque nu’ng Lunes na ipa-follow up niya para ma-release po ang SRA at active hazard ay maibigay na po sa lalong madaling panahon,” sabi pa niya.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 24, 2021




Naitala ang 22,877 na gumaling sa COVID-19 ngayong araw at sa kabuuang bilang ay 883,221 na ang mga nakarekober, kaya bumaba na sa 89,485 ang aktibong kaso, ayon sa Department of Health (DOH).


Samantala, 16,674 naman ang bilang ng mga namatay, kung saan 145 ang nadagdag sa pumanaw ngayong araw. Sa kabuuang bilang, 989,380 na ang naitalang kaso sa bansa.


Ayon pa sa DOH, tinatayang 9,661 ang nagpositibo mula sa 38,640 na mga tinest kahapon.


Sa ngayon, halos 95.9% sa aktibong kaso ay puro mild symptoms patients. Ang 0.70% ay moderate, habang 0.8% ay critical at 1.1% ay severe.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 24, 2021



Nilinaw ng ilang eksperto na walang masamang epekto ang paghahalo sa dalawang magkaibang brands ng bakuna sapagkat ‘common practice’ na iyon.


Kaya ayon kay Philippine Foundation for Vaccination Executive Director Dr. Lulu Bravo, may posibilidad na ibang brand ng COVID-19 vaccines ang iturok sa pangalawang dose dahil sa kakulangan ng suplay.


Aniya, "That is never done before. But now with the pandemic, narinig ko na mayroon nang mga kumpanya, even our Chinese companies, saka even 'yung ibang kumpanya, nag-iisip na talaga na 'pag kulang 'yung bakuna at wala kang ibang magamit for the second dose, posible talaga na gagawa ka ng ibang brand or ibang bakuna at titingnan mo ngayon kung talagang ganu'n pa rin ang efficacy.”


Ginawa niyang halimbawa ang Pneumococcal Conjugate Vaccine (PCV), kung saan puwedeng iturok pareho ang PCV-13 at PCV-10 sa isang indibidwal kapag naubusan ng suplay.


Paliwanag pa niya, “Hindi makakasama kung makapag-iba ka or mabago. Ngayon, we usually think na kung magkamukha 'yung bakuna, baka pareho sila ng efficacy... It remains to be seen kung ano ang posibleng gawin ng mga kumpanya na magsasagawa nitong ganitong pananaliksik."


Bagaman wala pang nakakapagpatunay sa bisa ng pinaghalong COVID-19 vaccines ay hindi pa rin inaalis ang posibilidad na paghaluin ang mga iyon dahil sa lumalaganap na pandemya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page