top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 26, 2021




Pinaboran ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang extension ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus, sapagkat nananatili pa rin sa critical risk classification ang mga ospital dahil sa kaso ng COVID-19.


Aniya, "Kung titingnan natin ang datos, tingin ko, talagang kinakailangang ipagpatuloy ang MECQ for another week or two dahil nga 'yung ating health system capacity, hindi masyadong nag-i-improve pa sa ngayon."


Rekomendasyon pa ni Duque, "Ipagpatuloy muna natin ang MECQ para kitang-kita o malaki ang pagbaba ng mga bagong kaso at magkaroon ng reversal ng trend."


Sa ngayon ay malapit nang umabot sa 1 million ang mga naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa. Tinatayang umakyat na ito sa 903,665 na kabuuang bilang, kung saan 77,075 ang active cases, mula sa 8,162 na nagpositibo kahapon.


Idagdag pa ang mga bagong variant ng COVID-19 na itinuturong dahilan kaya nagiging mabilis ang hawahan ng virus.


Inaasahan namang magtatapos sa ika-30 ng Abril ang ipinatutupad na MECQ sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal. Gayunman, pagdedesisyunan pa kung ie-extend ang MECQ o ililipat sa bagong quarantine classifications.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 26, 2021




Sampung ebidensiya ang makapagpapatunay sa airborne transmission o naipapasa sa hangin ang COVID-19, batay sa pag-aaral ng The Lancet Medical Journal na binubuo ng grupo ng mga American, British at Canadian scientists.


Kabilang dito, naitala ang long-range transmission ng Severe Acute Respiratory Syndrome Coronavirus 2 (SARS-CoV-2) sa mga tao na nasa magkakaibang kuwarto sa quarantine hotels.


Nakita rin ang virus sa mga air filters at building ducts ng ospital na may COVID-19 patients. Na-detect din umano ang virus sa hangin.


Batay sa mga ginawang eksperimento, ang virus ay maaaring magpaikut-ikot at manatiling nakahahawa sa hangin hanggang tatlong oras.


Gayunman, nilinaw nilang nakita lamang ang mga air sample na iyon mula sa kuwarto ng COVID-19 patients at sa kotse ng taong may sakit.


Samantala, iginiit naman ng World Health Organization (WHO) at Department of Health (DOH) na sapat ang ipinatutupad nilang health protocols upang malabanan ang banta ng COVID-19.


Paliwanag pa ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, “Dapat adequate ventilation, less talking, less singing. Dapat ‘yung physical distancing, maintained. If possible, limit your interaction if you are in an enclosed place because we know that the virus can still live longer in the air.”


Dagdag pa niya, “Whatever we are doing right now, I think it’s appropriate and sufficient to protect the public.”


Sa ngayon ay umakyat na sa 903,665 ang kabuuang bilang ng COVID-19 sa bansa, kung saan tinatayang 77,075 ang aktibong kaso, mula sa 8,162 na nagpositibo kahapon.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 26, 2021




Suspendido ang test run ng LRT-2 East Extension matapos magpositibo sa COVID-19 ang foreign expert na nakatakdang mag-inspeksiyon sa overhead catenary system ng istasyon ngayong araw, Abril 26, batay sa kumpirmasyon ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways Timothy John Batan.


Nakatakdang isagawa ang pag-iinspeksiyon sa linya ng tren magmula Marikina City hanggang sa Antipolo City na inaasahang mag-uumpisa sana ang operasyon bukas, Abril 27, kung sakaling naging successful ang test run.


Sa ngayon ay hihintayin muna ang paggaling ng foreign expert mula sa virus upang masimulan ang pag-iinspeksiyon nito sa tren.


Samantala, iniurong naman sa ika-23 ng Hunyo ang launching ng LRT-2 East Extension.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page