top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 27, 2021




Magsusumite ang Metro Manila Council (MMC) ng rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force (IATF) ngayong araw, para sa magiging quarantine classifications ng National Capital Region (NCR) sa pagtatapos ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa ika-30 ng Abril, batay sa naging panayam kay MMC Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.


Aniya, “Magkakaroon ng consensus ang Metro Manila Council kung ano po ang irerekomenda po natin sa Inter-Agency Task Force… Itong tanghali po.”


Paliwanag pa niya, “‘Di kaya mag-relax pa ng local government units sa quarantine natin dahil ang ating critical care based on the data ng ating DOH, bumaba ang ating critical care pero nasa 70 percent ang occupancy natin.”


Sa huling tala ng Department of Health (DOH), umabot na sa 444,970 ang kabuuang bilang ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR), kung saan 6,200 na ang mga namatay.


Matatandaang ipinatupad ang lockdown sa NCR at mga kalapit nitong lalawigan upang mapababa ang kaso ng COVID-19, mula noong maging sentro ng pandemya.


Sa ngayon ay tinatayang 31,498 ang active cases sa NCR, kung saan Quezon City ang nangunguna sa mga lungsod na may pinakamataas na kaso.


Samantala, hindi naman binanggit ni Olivarez ang quarantine classification na kanilang irerekomenda sa IATF mamayang tanghali. Gayunman, iginiit niyang magiging problema ang unemployment rate kung magpapatuloy ang MECQ sa NCR.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 27, 2021




Dodoblehin na ng Department of Health (DOH) ang kanilang ginagawa upang masugpo ang banta ng COVID-19 sa bansa dahil lumagpas na ito sa 1 million, batay sa kabuuang bilang na naitala kahapon, Abril 26.


Giit ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, "We're doubling our efforts. Whatever we have been doing in the past, we are intensifying… Nakikita natin na effective ‘yung mga ginawa natin pero kulang pa po para tayo ay talagang makapagpababa ng mga kaso, so tuluy-tuloy pa po dapat ang mga ginagawa natin."


Ayon pa sa DOH, umabot na sa 1,006,428 ang kabuuang kaso ng COVID-19, kung saan ang 74,623 ay nananatiling active cases, mula sa 8,929 na nagpositibo.


Aminado naman ang DOH na kulang sa resources at healthcare workers ang ‘Pinas na itinuturong dahilan kaya nahihirapan ang bansa na matugunan ang pandemya. Dulot nu’n, iyon ang pagtutuunan nila ng pansin ngayon.


Paliwanag pa ni Vergeire, "Since the start of the response, we have been trying to ramp up everything in the health system, ‘yun nga lang po ang resources na nakikita natin, kailangang bigyang tuon ang lahat ng sektor.”


Nauna nang nanawagan sa DOH ang Filipino Nurses United (FNU) para sa karagdagang 1 nurse kada barangay at para sa maayos na healthcare system.


Ngayon ay umaasa sila na matutugunan na ang nu'ng nakaraang taon pa nilang inihihirit sa pamahalaan.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 26, 2021




Napagkasunduan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Health (DOH) na pagbawalang makapasok sa ‘Pinas ang mga biyaherong galing India upang maiwasan ang banta ng COVID-19, ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire ngayong araw, Abril 26.


Aniya, “Pinag-uusapan na po namin ngayon with DFA so that we can recommend to IATF if ever we will find that cause para po talagang i-ban muna temporarily just for us to prevent further spread of the disease here in the country.”


Kahapon ay naging record breaking ang naitalang 349,691 na nagpositibo sa India sa loob lamang ng 24 oras.


Lumalaganap na rin sa iba’t ibang bansa ang Indian variant ng COVID-19 kaya upang mapigilan ang pagpasok nito sa ‘Pinas ay inirerekomenda na ng DOH at DFA ang travel restriction na inaasahang sasang-ayunan ng Inter-Agency Task Force (IATF).


Giit pa ni Vergeire, “Up until now, we can say that we still have not detected it here although we are still looking at our records, baka meron tayong nakita before.”


Sa ngayon ay United Kingdom variant, South African variant, Brazilian variant at P.3 variant ng COVID-19 pa lamang ang mga nade-detect sa bansa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page