top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 29, 2021




Nangangalap na ang Department of Health (DOH) ng ibang source upang matugunan ang kakulangan sa suplay ng mga investigational drugs kontra COVID-19, ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.


Kabilang ang India sa mga nagsusuplay ng gamot sa bansa, subalit mula nang lumaganap ang wave 2 ng COVID-19 sa kanila ay nahinto na rin ang distribusyon ng mga gamot at maging ang inaasahang 8 million doses ng Covaxin COVID-19 vaccines ay may posibilidad ding ma-delay ang pagdating sa katapusan ng Mayo.


“Because of what’s happening in India, they have stopped muna ‘yung kanilang commitments to other countries. Hindi lang naman tayo ang medyo nagkaroon ng ganyang issue,” sabi pa ni Vergeire.


“As for Remdesivir, we have spoken to all of the suppliers here in the country at nakikipag-usap din po tayo dahil nga po naputol ‘yung major supplier natin for this drug,” paliwanag pa niya. “So ngayon, nakikipag-usap tayo sa major supplier sa Switzerland ng Tocilizumab.”


Sa ngayon ay pinagbabawalan nang makapasok sa ‘Pinas ang mga biyahero, kabilang ang mga Pinoy na galing India, buhat nang maitala rito ang 350,000 na nagpositibo sa COVID-19 sa loob lamang ng isang araw, kung saan maging ang Indian variant ay laganap na rin sa halos 17 na bansa.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 29, 2021




Maglalabas ang Inter-Agency Task Force (IATF) ng bagong listahan ng mga establisimyento na maaari nang magbukas sa ilalim ng extended modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.


Aniya, "Magkakaroon ng listahan ng mga industriya at negosyo na puwedeng pabuksan bagama't MECQ pa rin. Naiintindihan namin na kailangang bumalik na ang mga manggagawa sa kanilang hanapbuhay… We are looking at a gradual reopening."


Hindi naman binanggit kung kailan ilalabas ang listahan ng mga establisimyentong bubuksan.


Samantala, nananawagan naman sa pamahalaan ang ilang manggagawa na huwag na sanang bumaba sa P100 ang hinihiling nilang dagdag-sahod.


Paliwanag pa ni Defend Jobs Philippines Spokesman Christian Lloyd Magsoy, ayos lamang kung bumaba iyon sa P70, subalit ‘wag sanang mas mababa pa du’n, kung saan halos barya na lang.


Aniya, "Tingin ko, puwede na sa amin kahit mga P70, pero ‘wag na sanang bababa pa. Compromised na nga ‘yun. 'Wag naman sanang gawing barya ang ibigay na dagdag-sahod."


Sa ngayon ay pumapatak sa P537 ang kinikita ng isang minimum wage earner kada araw at hindi na iyon sumasapat lalo’t sumabay pa ang pandemya.


Matatandaang maraming manggagawa at maliliit na negosyante ang nawalan ng hanapbuhay mula nang lumaganap ang COVID-19 sa bansa, kaya sinisikap ng pamahalaan na balansehin ang ekonomiya at ang mga ipinatutupad na guidelines sa ilalim ng mahigpit na quarantine restrictions.


Nilinaw naman ng OCTA Research Group na maaari lamang makabalik sa maluwag na quarantine classifications o general community quarantine (GCQ) ang NCR Plus, sakaling bumaba na sa 2,000 ang mga nagpopositibo sa COVID-19 kada araw.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 29, 2021




Dumating na sa ‘Pinas ang karagdagang 500,000 doses ng Sinovac COVID-19 vaccines na inihatid ng isang chartered flight ng Cebu Pacific galing Beijing, China ngayong umaga, Abril 29.


Sa kabuuang bilang ay 3,500,000 doses ng Sinovac na ang nakarating sa bansa, kabilang ang 1 milyong donasyon ng Chinese government.


Ito ang ika-6 na batch na dumating mula sa China at katulad ng ibang bakuna ay iiimbak ito sa cold storage facility ng Marikina City.


Batay pa sa evaluation ng Food and Drug Administration (FDA), ang naturang bakuna ay nagtataglay ng 65% hanggang 91% na efficacy rate sa mga healthy individual na edad 18 hanggang 59-anyos, habang 50.4% naman ang bisa nito sa health workers, at mahigit 52% sa mga senior citizen na edad 60 pataas.


Kaugnay nito, inaasahan namang darating din ngayong araw ang 480,000 doses ng Sputnik V galing Russia, kung saan dalawang araw nang naudlot ang initial 15,000 doses nito dahil sa ‘logistic concerns”.


Sa ngayon ay 4,025,600 doses ng COVID-19 vaccines na ang nakarating sa bansa, kabilang ang 525,600 doses ng AstraZeneca mula sa COVAX facility.


Samantala, tinatayang 1,809,801 indibidwal na ang mga nabakunahan kontra-COVID-19, kung saan 246,986 ang mga nakakumpleto sa dalawang dose at 1,562,815 naman para sa unang dose.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page