ni Mary Gutierrez Almirañez | May 1, 2021

Umabot na sa 401,993 ang nagpositibo sa COVID-19 sa India sa loob lamang ng 24 oras, kaya pumalo na sa mahigit 19.1 million ang mga naitalang kaso, ayon sa Health Ministry.
Kabilang sa mga itinuturong dahilan sa paglaganap ng virus sa India ay ang pagiging maluwag nila sa health protocols nu’ng nasa 10,000 pa lamang ang mga naitatalang kaso kada araw. Patuloy din ang mass at religious gatherings kaya naging mabilis ang hawahan.
Batay pa sa huling tala, tinatayang 3,523 ang karagdagang namatay, kaya umabot na sa 211,853 ang kabuuang bilang ng mga pumanaw.
Samantala, nag-alok naman ng tulong si Chinese President Xi Jinping kay Indian Prime Minister Narendra Modi upang masugpo ang lumalaganap na pandemya sa India.
Ayon kay Jinping, “On behalf of the Chinese government and the Chinese people, and in my own capacity, I would like to express my sincere condolences to the Indian government and people. China is willing to strengthen cooperation with India in the fight against the epidemic and provide support and assistance to India.”
Sa ngayon ay nangangailangan ang India ng pandemic aid, partikular na ang karagdagang suplay ng oxygen concentrators.






