top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 2, 2021




Ipamamahagi na sa 5 lungsod sa Metro Manila ang bakunang Sputnik V COVID-19 vaccines na nakaimbak sa MetroPac cold storage facility ng Marikina City, ayon kay Department of Health (DOH) Director Napoleon Arevalo.


Kabilang sa mabibigyan ay ang mga lungsod ng Manila, Makati, Taguig, Parañaque at Muntinlupa na may negative 18 degree Celsius cold storage facility na siyang requirement para hindi masira ang bakuna.


Matatandaang dumating kahapon ang initial 15,000 doses ng Sputnik V ng Gamaleya Research Institute at inaasahan namang masusundan ito ng 485,000 doses ngayong buwan.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 02, 2021




Tinatayang 264 pamilya ang apektado ng lockdown sa Barangay Santiago, Iriga City, Camarines Sur matapos magpositibo sa COVID-19 ang 10 katao dahil sa carrier na nanggaling sa inuman, ayon kay Mayor Madel Alfelor.


Batay sa ulat, nagsimula ang granular lockdown sa 2 purok sa Iriga City nu’ng ika-29 ng Abril.


Sa ngayon ay patuloy ang pamimigay ng local government unit (LGU) ng relief goods sa mga apektadong residente.


Ayon pa sa huling datos, nasa 288 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Iriga, kung saan 44 ang active cases.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 02, 2021




Nananawagan ang grupo ng mga frontliners sa lahat ng community pantry organizers na iprayoridad ang minimum health protocols na ipinatutupad ng Department of Health (DOH) laban sa banta ng COVID-19.


Ayon sa panayam kay Confederate Sentinels of God (CSG) Inc. Founder Alvin Constantino sa programa ng Lingkud Bayanihan ng PTV-4, “Isipin at pagplanuhan nating mabuti ang itatatag na community pantry projects upang tunay tayong makatulong sa mga less fortunate at nagdurusa nating mga kababayan. Huwag nating hayaan na kumalat ang COVID-19 sa ating komunidad na maaaring maging sanhi ng kamatayan ng ating mahihirap na kapitbahay.”


Sa ngayon ay nakikipagtulungan na rin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Bayanihan Frontliners Movement lawyer-president na si Dr. Leo Olarte upang simulan ang pagbabahay-bahay ng relief goods sa National Capital Region (NCR).


Matatandaang ilang kritiko na rin ang nagrekomenda na gawing bahay-bahay ang pamimigay ng pagkain sa halip na mag-community pantry para maiwasan ang pagsisiksikan ng mga residente habang naghihintay makakuha ng suplay.


Dagdag pa ni Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Benito Atienza, “Patuloy po naming bubuhayin ang bayanihan spirit nating mga Pilipino sa tulong ng iba’t ibang samahan. Muli ay bubuksan namin ang PMA auditorium sa North Avenue, Quezon City upang tumanggap ng anumang donations in kind mula sa inyong mga puso.”


Aniya, sila ang magsisilbing daan upang makarating sa mga residente ang iba’t ibang donasyon at mga pagkain. Maaari ring makipag-ugnayan sa kanilang libreng konsultasyon tungkol sa COVID-19 at iba pang karamdaman sa pamamagitan ng 24/7 online telemedicine service na matatagpuan sa www.docph.org website.


Gayunman, patuloy pa rin ang kanilang pagsaludo sa bawat organizer ng community pantry.


“Sinasaluduhan ko po ang ating community pantry organizers. Your hearts are similarly attuned to the hearts of our patriotic Filipino heroes of the past,” sabi pa ni Constantino.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page