top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 4, 2021




Pinaghahandaan na ng US Food and Drug Administration (US FDA) ang pagbabakuna sa edad 12 hanggang 15-anyos kontra COVID-19 gamit ang Pfizer simula sa susunod na linggo, batay sa nakalap na impormasyon ng New York Times mula sa ilang opisyal ng naturang ahensiya.


Kaugnay ito sa naging matagumpay na clinical trial test sa mga menor-de-edad nitong nakaraang buwan.


Ayon pa kay US Centers for Disease Control (CDC) Director Rochelle Walensky, posibleng magsimula ang vaccination rollout sa kalagitnaan ng Mayo kapag naaprubahan na ang emergency use authorization (EUA) nito para sa mga bata.


Sa ngayon ay sinimulan na rin ng Pfizer at Moderna ang trial test sa mga 11-anyos hanggang sa anim na buwang sanggol.


Naniniwala ang mga manufacturer na magiging matagumpay ang kanilang pag-aaral at umaasa sila na magiging available na ang mga bakuna kontra COVID-19 bago pa mag-2022.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 4, 2021




Nilinaw ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na ang iginawad na compassionate special permit (CSP) sa Sinopharm COVID-19 vaccines noon ay para lamang sa 10,000 doses na inilaan sa Presidential Security Group (PSG) at hindi pa aniya napag-aaralan ng FDA ang itinurok na unang dose kay Pangulong Rodrigo Duterte kagabi, Mayo 3.


Ayon kay Domingo, "'Pag sinabing compassionate special permit, hindi po 'yun authorization na ibinigay ng FDA. In this case, ’yun pong head ng PSG hospital, siya ang nagga-guarantee na inaral niya ang bakuna and they take full responsibility for it. Sa amin po dito sa FDA, ‘di pa po namin na-evaluate ang bakunang 'yan."


Gayunman, epektibo pa rin ang naturang bakuna laban sa COVID-19, lalo’t wala pang iniulat na adverse event mula sa mahigit 3,000 miyembro ng PSG at asawa ng mga ito na unang nabakunahan.


Iginiit pa ni Domingo ang ginawang pag-e-evaluate ng World Health Organization (WHO) sa mga bakuna ng China, kung saan lumalabas na halos kapareho lamang nito ang Sinovac.


Aniya, "Unang-una, safe ang vaccine kasi inactivated virus katulad ng Sinovac… Continuing pa rin ang evaluation nila for this vaccine, pero so far, maganda naman po ang nakikitang mga resulta."


Sa ngayon ay nananatiling naka-pending ang approval para sa emergency use authorization (EUA) ng Sinopharm.


“Hanggang ngayon, pending case pa po ‘yan,” paglilinaw pa ni Domingo.


Maliban sa Sinovac COVID-19 vaccines ng China ay ang mga bakunang AstraZeneca, Sputnik V at Pfizer pa lamang ang pinahihintulutang iturok sa bisa ng EUA na iginawad ng FDA.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 4, 2021




Patay ang dating estapador na si Darvin Baldovino matapos barilin ng dalawang beses sa MIA Road Barangay Tambo, Parañaque City nitong Lunes nang gabi, Mayo 3.


Ayon sa asawa nitong si Janice Baldovino, walang trabaho ang biktima at dati itong nakulong sa kasong estafa.


Kuwento pa niya, nagpaalam si Darvin na may kukunin lang na cellphone sa labas pero hindi na nakabalik ng bahay. Nalaman na lamang niyang dinala na ito sa barangay matapos na may magreklamo.


Paliwanag naman ng Barangay Tambo desk clerk na si Rose Diestro, inireklamo si Darvin ng pambabanta at hindi umano nito nakasundo ang nagrereklamo sa loob ng barangay.


"Hindi sila nagkasundo kasi nag-walkout siya, umalis siya," sabi pa ni Diestro.


Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naglalakad si Darvin sa MIA Road mula sa kanto ng Roxas Boulevard nang barilin pasado alas-8:30 nang gabi, kung saan diumano ay sinabayan ito ng suspek.


Salaysay naman ng guwardiya sa kalapit na tindahan, nakarinig sila ng 2 putok ng baril at hindi na iyon nasundan pa.


Aminado naman si Janice na masyadong mainitin ang ulo ng asawa niya at marami itong naging kaaway. Nanghihinayang din siya dahil hindi na ito nakaabot sa ika-39 na kaarawan ngayong darating na Sabado.


Sa ngayon ay patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo ng pamamaril at kung may kaugnayan sa krimen ang nakaalitan nito sa barangay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page