top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 5, 2021




Apat na drug pushers ang napatay sa magkahiwalay na buy-bust operation na isinagawa ng mga awtoridad sa Nueva Ecija nitong Lunes, ayon kay PRO-3 Regional Director Police Brig. Gen. Valeriano De Leon.


Batay sa ulat, nasawi ang mga kinilalang sina Dominic at Jesus matapos mauwi sa shootout ang operasyon sa Purok 1, Barangay Dalampang, Cabanatuan City, kung saan narekober ang tig-isang kalibre . 38 at .45 na baril, mga basyo ng bala at 15 sachets ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P75,000.


Samantala, nanlaban din umano ang mga suspek na sina JP at Christian sa isinagawang buy-bust operation sa Sitio Cumabal, Barangay Caanawan, San Jose City.


Narekober naman sa crime scene ang dalawang kalibre .38 na baril, pitong basyo ng bala at hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000.


Salaysay pa ng mga awtoridad, nakipagtransaksiyon ang police poseur buyer sa mga suspek, subalit nang aarestuhin na nila ang mga target ay nakipagbarilan umano ang mga ito kaya napatay.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 5, 2021




Dalawang parish priests sa Diocese of Malaybalay, Bukidnon ang pumanaw nitong Martes at Sabado dahil sa COVID-19.


Ayon sa Diocese of Malaybalay, nasawi si Fr. Diomedes Brigoli nitong Sabado at si Fr. Pablo Salengua nama’y nitong Martes sa Northern Mindanao Medical Center na parehong kura paroko ng Sts. Peter and Paul Church sa Dalirig, Manolo Fortich.


Sa ngayon ay naka-lockdown ang residence ng obispo ng diocese. Isinailalim na rin sa rapid antigen test ang mga staff, kung saan negatibo sa COVID-19 ang lahat ng resulta.


Nanawagan naman sila ng panalangin sa pagkamatay ng dalawang pari.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 5, 2021




Pumanaw na dahil sa stroke ang beteranong showbiz columnist at TV host na si Ricky Lo sa edad na 75 pasado alas-10 kagabi, Mayo 4, ayon sa kumpirmasyon ng kanyang kapatid na si Susan Lee.


“You will be remembered, Sir Ricky. It is with deep sorrow that we announce the passing of our beloved Entertainment editor and columnist Ricky Lo on May 4, 2021,” tweet naman ng Philippine Star.


Nagsimula si Lo bilang manunulat sa pahayagang Philippine Star nu’ng 1986. Nakilala siya sa kanyang mga showbiz scoops at exclusive interviews sa mga sikat na personalidad.


Naging co-host din siya ng talk shows na ‘The Buzz’ at ‘Startalk’ na iniere sa telebisyon.


Taong 2001 nang i-publish niya ang librong ‘Conversations with Ricky Lo’ na naglalaman ng compilations ng kanyang 42 exclusive interviews.


Ika-21 ng Abril ngayong taon ang huling beses na ipinagdiwang niya ang kanyang kaarawan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page