top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 7, 2021





Pumanig si Senate President Tito Sotto kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa usapin sa West Philippines Sea (WPS) laban sa China, batay sa naging pahayag niya sa isang online press conference kahapon, May 6.


Aniya, "Sa pagkakaalam ko sa ruling, sinasabi lang doon na ang ‘Pinas ay may pag-aari, may stake doon, pero wala akong nakikitang sinabi na tribunal na dapat lisanin ng China at ibigay sa ‘Pinas ang ibang area."


Paliwanag pa niya, "I'm sure ganoon ang dating sa Presidente. It does not mean that it will diminish the efforts of DND (Department of National Defense). It's just a way of saying na itong mga nagpipintas dito, 'di rin alam ang nangyayari."


Hindi naman niya pinangalanan ang mga tinutukoy na kritiko.


Gayunman, matatandaang kumasa sa hamong pakikipagdebate kay Pangulong Duterte si retired Supreme Court Justice Antonio Carpio tungkol sa isyu sa WPS, kung saan handang magsilbing host ang Philippine Bar Association (PBA).


"The bottom line is we negotiate or we go to war," dagdag pa ni Sotto.


Sa ngayon ay patuloy pa ring namamalagi sa Philippines exclusive economic zone (PEEZ) ang mga naglalakihang barko ng China sa kabila ng diplomatic protests na isinampa ng Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa kanila.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 6, 2021




Iginiit ng mga eksperto na posibleng Sinovac ang iturok na second dose na bakuna kontra COVID-19 kay Pangulong Rodrigo Duterte kung sakaling hindi maaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang Sinopharm na unang itinurok sa kanya.


Paliwanag pa ni Dr. Rontgene Solante ng San Lazaro Hospital's Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine, "Puwede niyang ipahabol ang Sinopharm for authorization, but Sinopharm has to submit the data. Kung hindi naman puwede ang Sinopharm, puwede naman ang kahawig na bakuna, 'yung Sinovac."


Dagdag pa niya, “As long as hindi pa 'yan approved for emergency use authorization, dapat hindi ibabakuna."


Samantala, iginiit naman ni Pangulong Duterte na sarili niyang desisyon ang pagpapabakuna ng Sinopharm, kahit hindi pa iyon aprubado ng FDA.


"Iyong itinurok sa akin... It's the decision of my doctor. And all things said, this is my life," giit pa ng Pangulo.


Sa ngayon ay pinag-aaralan na rin sa ibang bansa ang paghahalo ng mga bakuna kontra COVID-19 dahil sa limitadong suplay.



 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 6, 2021





Nagpositibo sa COVID-19 si Quezon Province Governor Danilo Suarez, batay sa lumabas na resulta ng kanyang RT-PCR test na isinagawa kahapon, Mayo 5.


Ipinaabot naman ni Suarez ang mensahe sa mga kababayan sa pamamagitan ng Quezon Public Information Office Facebook page.


Aniya, “Ngayong umaga ay lumabas ang resulta na positibo… Sa mga taong nagkaroon ng close contact sa akin sa mga nakalipas na araw, nakikiusap po ako na kayo ay mag-self-quarantine at obserbahan kung may sintomas, ayon sa alituntuning itinakda ng DOH.”


Sa ngayon ay maayos ang kanyang kalagayan at kasalukuyang naka-quarantine, habang binabantayan ng doktor. Pinaalalahanan din niya ang mga mamamayan na sumunod sa health protocols, partikular ang pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay at social distancing.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page