top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 7, 2021




Dalawa ang kritikal sa 12 na nagpositibo sa COVID-19 na lulan ng barkong MV Athens Bridge galing India noong ika-22 ng Abril, ayon sa kumpirmasyon ng Maritime Industry Authority (MARINA).


Batay sa ulat, dumaong ang barko sa Vietnam nu’ng May 1 upang doon isagawa ang RT-PCR test sa 21 Pinoy crew members. Nasa OSS Port of Manila na ang barko nang lumabas ang resulta, kung saan 12 sa kanila ang nagpositibo.


Nakatanggap naman ng request ang Philippine Coast Guard (PCG) kahapon, May 6, mula sa kapitan ng barko para sa medical assistance at medical supplies. Nakipag-ugnayan na rin sila sa Bureau of Quarantine (BOQ).


Sa ngayon ay nasa medical facility na ang dalawang pasyente na may critical condition, habang ang 10 naman ay naiwan sa loob ng barko upang doon muna mag-quarantine. Tiniyak naman ng mga awtoridad na mababantayan silang mabuti.


Sinigurado rin ng BOQ at Department of Health (DOH) na walang ibang barko o bangka ang makalalapit sa MV Athens Bridge upang hindi kumalat ang virus.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 7, 2021





Pinahihintulutan na ng Russian Health Officials na iturok ang single-dose version ng Sputnik Light COVID-19 vaccines, ayon sa Gamaleya Research Institute nitong Huwebes, Mayo 6.


Ayon sa ulat, ang bagong version ng Sputnik V ay nagtataglay ng 79.4% efficacy rate, kung saan sapat na ang isang turok upang malabanan ang banta ng virus.


Samantala, nagtataglay naman ng 91.6% efficacy rate ang orihinal na version nito, kung saan nire-require ang dalawang dose upang ganap na ma-develop ang proteksiyon.


Sa ngayon ay mahigit 20 million indibidwal na ang nabakunahan ng unang dose ng Sputnik V mula sa halos 60 na mga bansa.


Kamakailan naman nang dumating sa ‘Pinas ang initial 15,000 doses nito na nangangailangan ng negative 18 degree Celsius na cold storage facility.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 7, 2021




Isang police corporal na naka-assign sa Maguindanao, Bangsamoro Autonomous Region ang pang-58 sa mga pulis na pumanaw dulot ng COVID-19, ayon sa tala ng Philippine National Police (PNP) ngayong umaga, Mayo 7.


Ayon sa ulat, isinugod sa ospital ang 47-anyos na pulis nu’ng ika-3 ng Mayo dahil sa lagnat at ubo. Sumailalim din ito sa RT-PCR test kaya nakumpirmang positibo sa COVID-19. Pumanaw ito ilang araw matapos magpositibo at makaranas ng Acute Respiratory Failure.


Dagdag pa ng PNP Health Service, mayroon din itong Diabetes.


Nagpahayag naman ng pakikiramay si PNP Chief Police General Debold M. Sinas.


Giit pa niya, "To our police officers with a comorbidity, always check your health and double your protection, if you feel any symptoms, immediately seek the advice of a medical practitioner. To protect others, start taking care of yourself first."


Sa ngayon ay umakyat na sa 1,540 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa mga kapulisan, mula sa 87 na huling nagpositibo. Tinatayang 19,365 naman ang mga gumaling sa mahigit 20,963 na naitalang kaso.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page