top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 12, 2021



Niyanig ng magnitude 5.8 na lindol ang Abra De Ilog, Occidental Mindoro, batay sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong araw, May 12.


Ayon sa ulat, pasado 9:09 ng umaga nang maramdaman ang pagyanig sa episentro ng Abra De Ilog, bandang 13.55°N, 120.73°E - 011 km N 01° E.


Paliwanag pa ni PHIVOLCS Director Renato Solidum, naramdaman din ang lakas ng lindol sa ilang bahagi ng Metro Manila, Rizal at Cavite.


Aniya, “Dahil malalim ang lindol, marami ang makararamdam nito pero hindi naman damaging… Kung sakali, ‘yung magnitude 5.8 ay mababaw, like less than 10 kilometers, posible na po tayong makakita ng damage kasi ‘yung enerhiya ng lindol, hindi nabawasan masyado."


Sa ngayon ay wala namang iniulat na nasugatang sibilyan at napinsalang establisimyento.


Nananatili ring nakaantabay ang mga awtoridad sa posibleng aftershocks.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 12, 2021




Humiling ng P10,000 indemnification fund kada ulo ng baboy ang Pork Producers Federation of the Philippines (ProPork), bukod pa sa ayudang matatanggap ng mga magbababoy, hinggil sa ipinatupad na state of calamity dulot ng African Swine Fever (ASF).


Ayon sa panayam kay ProPork Luzon Vice- President Nicanor Briones ngayong umaga, “Isa pang kulang diyan sa idineklara ng ating Pangulo ay ‘yung amendment na Executive Order 128 dahil ang isinama lang niya ay ‘yung 254,000 metric tons, wala ‘yung amendments.”


Paliwanag niya, “Sa compromise settlement ni Senate President Tito Sotto at ni (Finance) Secretary (Carlos) Dominguez, ito ‘yung tataas na taripa from 5% to 10% first three months, then 15% after three months.


Sa ngayon, ang umiiral, ‘yung 5% pa rin. Inaprubahan nila ‘yung 254,000 metric tons, ibig sabihin, puwede nilang paratingin ‘yan at 5%, mawawalan tayo ng mga P1.3 billion na revenue na puwedeng itulong sa ating mga magbababoy.”


Ipinaalala rin ni Briones ang isinampang administrative complaint ng Samahan ng Industriya ng Agrikultura (SINAG) laban kay Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar tungkol sa nalabag na Food Safety Act, kung saan hindi maayos na naipatupad ang pag-iinspeksiyon sa mga imported na baboy at manok.


Aniya, “Napakaimportante po niyan. Kung ‘yan po ay sinunod ni Secretary Dar, hindi na po magkakaroon ng parusa sa mga mamimili. Kaya po nagmahal ‘yung bilihin, dahil pinabayaan ang African Swine Fever. Pinabayaang makapasok. Pinabayaang kumalat... Ang dating, parang nagmamalinis sila at gusto nilang tulungan ang mga mamimili pero sa umpisa pa lamang, sila po ang may kasalanan kung bakit ang ating mga mamimili ay nagdurusa sa mahal na bilihin.”


Binanggit din niya na maaaring kunin ang pondo sa Quick Response Fund para ma-contain ang ASF, kung saan mahigit P20 billion pa ang hindi nagagalaw.


Sa ngayon ay dalawang pondo ang inaasahang ilalaan para sa mga magbababoy na namatayan at mamamatayan pa ng baboy dahil sa lumalaganap na ASF.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 12, 2021




Nagdeklara ng state of emergency sa gitnang bahagi ng Lod City si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at ipinakalat ang hukbo ng militar sa buong bayan ngayong araw, May 12.


Aniya, “Wide-scale riots erupted by some of the Arab residents and endangering communities."


Nangyari ang madugong hidwaan sa pagitan ng mga Israeli at Palestinian, kung saan isang Israeli Arab ang namatay sa naunang pagpapasabog ng Hamas Palestinian military sa bahagi ng Israel.


Matatandaang kahapon ay gumanti ang Israel at pinaulanan ng mga rocket ang Hamas na nagdulot ng pagkasawi ng ilang sibilyan.


"This is just the beginning," pagbabanta ni Israeli Defense Minister Benny Gantz.


Hindi naman nagpasindak ang mga Palestinian at buong-tapang nilang pinaunlakan ang nagbabantang giyera sa pagitan ng dalawang hukbo.


"If Israel wants to escalate, we are ready for it," tugon pa ng Hamas leader na si Ismail Haniyeh.


Sa ngayon ay patuloy na nababalot ng tensiyon ang buong mundo, idagdag pa ang relasyon ng ‘Pinas at China na kinatatakutang magkalamat dahil sa usapin sa West Philippine Sea.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page