top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 13, 2021




Isang ganap na bagyo na ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa silangang bahagi ng Davao City na pinangalanang Bagyong Crising, batay sa tala ng Philippine Atmospheric Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong umaga, Mayo 13.


Ayon kay PAGASA Weather Forecaster Ariel Rojas, “Kaninang alas-4 nang umaga, ang sentro ni Crising ay nasa layong 420 km silangan ng Davao City. Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na umaabot ng 45 km per hour malapit sa ginta at pagbugso ng hangin na umaabot ng 55km per hour. Ito ay kumikilos pakanluran sa bilis na 15 km per hour.”


Itinaas naman ang Tropical Cyclone Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:

• Surigao del Sur

• Agusan del Sur

• Davao Oriental

• Davao de Oro

• Davao del Norte

• Davao City


Inaasahang magla-landfall sa kalupaan ng Surigao del Sur at Davao Region ang Bagyong Crising mamayang gabi o bukas nang madaling-araw.


Bahagya namang makararamdam ng maulap na kalangitan at pag-ambon ang ibang bahagi ng bansa.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 13, 2021




Dumating na ang karagdagang 15,000 doses ng Sputnik V COVID-19 vaccines mula sa Gamaleya Research Institute ng Russia pasado alas-9 kagabi, May 12.


Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo, "Component 1 is the first dose, component 2 is the second dose. So we have for 15,000 people."


Matatandaang dumating ang initial 15,000 doses ng Sputnik V nu’ng ika-1 ng Mayo na ipinamahagi sa 5 bayan sa Metro Manila na nakaabot sa temperature requirement na hindi lalagpas sa -18°C storage facility.


Ang naturang bakuna nama’y nakalaan para sa mga 18-anyos pataas na kabilang sa priority list.


Sa pagtatapos ng Mayo, inaasahang mahigit 485,000 doses ng Sputnik V ang maide-deliver sa bansa, mula sa 10 million doses na in-order ng ‘Pinas sa Russia.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 12, 2021




Hinuli at pinagmulta ang mga residenteng lumabag sa health protocols, partikular na ang mga walang suot na face mask at mga lumagpas sa curfew hours, batay sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa ilang lugar sa NCR Plus.


Ayon sa ulat, inilunsad ang one time, big time operation sa Quezon City ngayong umaga, kung saan hindi pa matukoy kung ilang violators na ang mga nahuli at dinala sa Quezon Memorial Circle upang doon i-orient at isyuhan ng tiket.


Pinagmulta naman ng P300 hanggang P350 ang mga nahuli.


Samantala, mahigit 300 residente mula sa iba't ibang lugar sa San Pedro, Laguna ang dinampot ng mga pulis kagabi dahil sa paglabag sa curfew hours at city ordinance.


Kabilang dito ang 145 na residenteng walang suot na face mask at hindi tama ang pagsusuot, habang 155 naman ang residenteng hinuli dahil sa curfew hours.


Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pag-iikot ng mga awtoridad sa bawat barangay upang matiyak na nasusunod ang ipinatutupad na health protocols laban sa COVID-19.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page