top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 13, 2021




Darating na sa katapusan ng Mayo ang karagdagang 2.2 million doses ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine mula sa COVAX facility, ayon sa kumpirmasyon ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr. ngayong umaga, Mayo 13.


Aniya, “‘Yung next na delivery ng ating Pfizer, more or less 2.2 million doses, I was informed yesterday, is before the end of the month.”


Dagdag pa niya, “Meron kaming arrangement with UNICEF na diretso na kaagad sa Davao, diretso na kaagad sa Cebu, diretso na sa mga areas na paglalagakan natin ng Pfizer para wala po tayong double handling.”


Matatandaan namang dumating kamakailan ang initial 193,050 doses ng Pfizer na ngayon ay sinimulan na ring iturok sa Metro Manila.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 13, 2021




Minarkahan bilang mga terorista ang 19 miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP), kabilang ang founder nitong si Jose Maria ‘Joma’ Sison, base sa Resolution Number 17 ng Anti-Terrorism Council (ATC).


Anila, "The Central Committee is the highest decision and policy-making body of the CPP and also leads and commands the NPA, its main weapon in attaining the Party's goal of overthrowing the duly elected government by seizing and consolidating political power through violent means."


Maliban kay Sison, kinilala rin bilang mga terorista sina Vicente Ladlad, Jorge Madlos, Adelberto Silva, Rey Casambre, Rafael Baylosis, Wilma Tiamzon at Benito Tiamzon.


Sa kahiwalay na resolusyon nama’y kasama rin ang ilang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, Abu Sayyaf Group at Daulah Islamiyah.


Paliwanag pa ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr., ang mga nabanggit umano ay na-verify at na-validate na kabilang sa pagpaplano, pagpe-prepare, pagpa-facilitate at gumagawa ng iba pang hakbang na may kinalaman sa pagiging terorista.


Ayon kay Esperon, “The master red-tagger is no other than Jose Maria Sison. We are merely informing the public, this is of course what we called truth tagging for purposes of public information so that we will not be misled by this movement or triad of the Communist Party of the Philippines, the New People’s Army, and the National Democratic Front.”


Sa ngayon ay pinapa-freeze na sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) maging ang kanilang mga assets.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 13, 2021





Dalawang bata ang natagpuang patay sa mabundok na bahagi ng Barangay Graceville, San Jose del Monte (SJDM) City, Bulacan nitong Miyerkules, Mayo 12.


Ayon sa ulat, hinihinalang ginahasa muna bago pinatay ang 11-anyos na si Jenny De Vera sapagkat wala na itong saplot at iniwang nakatihaya. Habang sa ‘di kalayuan nama’y natagpuan ang 8-anyos na si Lou Anderson Icalla na nakadapa sa damuhan.


Parehong may sugat sa ulo at iba't ibang bahagi ng katawan ang mga bata. Nakita rin sa crime scene ang bato na posibleng ginamit sa pagpatay.


Kuwento pa ng mga kaanak, nagpaalam ang dalawang bata para maglaro nu’ng Martes nang tanghali ngunit mula noon ay hindi na sila nakauwi ng bahay.


Nagtulungan naman ang magkakapitbahay upang hanapin ang mga ito. Pasado ala-una kahapon nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima.


Sa ngayon, mayroon nang suspek ang barangay at pulisya. Gayunman, patuloy pa rin ang imbestigasyon para matugis ang salarin at upang alamin ang motibo sa pagpatay.


Nangako naman ang mga awtoridad na paiigtingin ang seguridad sa lugar dahil hindi umano iyon ang unang beses na nagkaroon ng patayan doon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page