top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 15, 2021




Tiniyak ng Department of Health (DOH) sa publiko na hindi masisira ang lahat ng COVID-19 vaccines na nasa ‘Pinas, batay sa Laging Handa press briefing ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire ngayong araw, May 15.


Aniya, “Walang dapat ipangamba ang ating mga kababayan dahil ang tinatanggap natin na bakuna ay ligtas at within the expiry date. Hindi tayo tatanggap ng mga expired vaccines at hindi rin natin ipapagamit sa ating mga kababayan kung expired na ang mga bakuna.”


Iginiit niyang sa katapusan ng Agosto pa ang expiration date ng mga dumating na Pfizer, habang ang Sputnik V nama’y after 6 months pa bago mag-expire.


Matatandaan namang una nang iniulat ang papalapit na expiration date ng 2 million doses ng AstraZeneca.


Gayunman, tiniyak ng DOH na magagamit ang lahat ng iyon bago pa sumapit ang Hunyo at Hulyo.


Samantala, hindi naman niya binanggit kung kailan mag-e-expire ang Sinovac ng China.


Sa ngayon ay pinaiimbestigahan na ng DOH ang nangyaring brownout sa Makilala, North Cotabato, kung saan 348 vials ng Sinovac ang nasayang.


“Tinitingnan natin kung merong kailangan managot at kung ano ang dapat gawin after nito," sabi pa ni Vergeire.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 15, 2021




Ayaw nang maniwala ni dating Senator Antonio Trillanes IV sa statement ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito isusuko ang West Philippine Sea (WPS) sa China, magmula nang sabihin nitong biro lamang ang pagdye-jet ski.


Kamakailan lamang ay nagbitaw na naman ng bagong pahayag ang Pangulo at sinabi sa China, "Hindi talaga ako aatras. Patayin mo man ako kung patayin mo ako, dito ako. Dito magtatapos ang ating pagkakaibigan."


Hirit naman ni Trillanes, “Naku, jet ski scam na naman 'yan! Ewan ko lang kung magpapaloko pa mga Pilipino d'yan.”


Dagdag pa niya, “May tawag d'yan sa kalye, ang tawag d'yan, pang-oonse na 'yan. Naisahan ka na nu’ng una, naloko ka, naisahan ka uli. Maoonse ang Pilipino n'yan kung paniniwalaan pa nila si Mr. Duterte.”


Kaugnay iyon sa sinabi ni Pangulong Duterte na panahon lamang ng pangangampanya noon kaya nito nasabing magdye-jet ski, dala ang Philippine flag papuntang China at ipaglalaban ang WPS.


Sa ngayon ay hindi pa rin daw malinaw kung kailan nga ba nagbibiro si Pangulong Duterte at kung kailan ito seryoso sa mga sinasabi.


Matatandaan na ilang pahayag na rin nito ang nabigyan ng ibang kahulugan ng iba’t ibang kritiko. “Kung naniwala kayo sa kabila, I would say that you are really stupid," sabi pa ng Pangulo.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 15, 2021




Lumubog sa dagat ng Ungos, Real, Quezon ang service boat ng Department of Agriculture (DA) na may lamang 2 kahon ng COVID-19 vaccines, na nakatakda sanang i-deliver sa Municipal Health Office ng Quezon.


Batay sa incident report ng Philippine Coast Guard (PCG) kahapon, nangyari ang insidente nu’ng ika-13 ng Mayo pasado alas-7 nang umaga, kung saan kabilang sa mga nakasakay sa service boat ay ang 2 personnel ng Department of Health (DOH), 2 police officers ng Polillo Municipal Police Station (MPS), kasama ang kapitan at ang motorman ng bangka.


Ayon pa sa PCG, ganap na 8:30 nang umaga nang ma-rescue sa dagat ang mga pasahero at ang COVID-19 vaccines.


Tiniyak naman ng DOH personnel na na-secure nila ang mga kahon ng bakuna at siniguradong hindi iyon na-damage.


Matatandaang napaka-sensitive ng bawat COVID-19 vaccines, kung saan bawal iyon matagtag o maalog dahil masisira kaagad. Kaya naman, sa tuwing idine-deliver ang mga bakuna sa storage facility ay tinitiyak ng driver na patag ang kalsadang daraanan upang maiwasan ang baku-bakong lugar.


Kamakailan lang din nu’ng iulat na mahigit 348 vials ng bakuna ang nasira nang dahil naman sa brownout.


Sa ngayon ay ligtas namang naihatid ang 720 doses ng COVID-29 vaccines sa health office ng Polillo at ang 920 doses sa health office ng Bordeos, Quezon.


Samantala, hindi naman binanggit ang brand ng COVID-19 vaccines na iniahon mula sa lumubog na bangka.


Paglilinaw pa ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakadoble ang plastik ng kahon at maayos nilang ipina-package ang mga bakuna bago i-deliver.


Kaugnay nito, pinaaalalahanan din ni Vergeire ang bawat local government units (LGU) na huwag lagyan ng pagkain ang refrigerator na pinag-iimbakan ng COVID-19 vaccines.


"Makikita natin, baka 'yung ibang local governments, dahil mayroon tayong 2 to 8 degrees lang na mga bakuna, baka naisasama sa mga pagkain sa refrigerator at hindi po ito tama," sabi pa niya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page