top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 19, 2021





Pinalagan ni Senator Risa Hontiveros ang rekomendasyon ni Presidential Spokesperson Harry Roque na i-require munang magpabakuna kontra COVID-19 ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) beneficiaries bago sila bigyan ng ayuda o financial aid.


Aniya, “Hindi dapat binu-bully ang publiko para magpabakuna. Kaunting galang at respeto naman sa mga mahihirap. Walang kondisyon sa 4Ps law na kailangan, vaccinated ang recipients.”


Dagdag pa ni Hontiveros, “Imbes na pananakot, incentives ang dapat na ialok sa publiko para sila ay magpabakuna. Tulad halimbawa ng grocery packs o kaya naman ay paid vacation leave.”


Kaugnay ito sa sinabi ni Harry Roque patungkol sa 4P’s beneficiaries kamakailan.


Ayon pa kay Roque, “Ang daming nakikinabang sa programa na ‘yan at kapag naisama sa condition na ‘yan ay maraming mababakunahan lalung-lalo na sa hanay ng mga mahihirap.”


Matatandaan namang pinaboran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon na gawin na ring prayoridad sa vaccination rollout ang mga mahihirap.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 19, 2021




Dinumog ng fans ang ‘meet and greet’ ng vlogger na si Toni Fowler sa Cubao, Quezon City kagabi, kung saan iniulat na hindi nasunod ang social distancing at iba pang health protocols laban sa COVID-19.


Paliwanag naman niya, “Nagpa-reserve po kami para sa 50 tao lang, maximum. Hindi po namin expected na dadami ‘yung mga tao sa labas."


Gayunman, hindi pa rin nakalusot ang kanyang paliwanag, sapagkat lagpas pa rin iyon sa 10 indibidwal na ipinatutupad sa ilalim ng guidelines ng Quezon City Task Force Disiplina at Inter-Agency Task Force (IATF).


Aminado naman si Fowler na hindi siya nakipag-ugnayan sa mga otoridad hinggil sa pagdaraos ng event.


Sa ngayon ay humihingi siya ng paumanhin at sinabing handa niyang bayaran ang multa na ipapataw sa kanya.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 19, 2021




Pinaaalalahanan ang publiko ng Metro Manila Center for Health Development na magparehistro muna bago pumunta sa COVID-19 vaccination site upang maiwasan ang mahabang pila at patuloy na maipatupad ang social distancing, ayon kay Director Gloria Balboa ngayong araw, May 19.


Kaugnay ito sa nangyaring pila sa ilang vaccination sites sa Metro Manila, kung saan karamihan sa mga pumunta ay nag-walk-in o pumila kahit hindi naka-schedule, kaya may ilang senior citizens at persons with comorbidity ang umuwi na lamang.


Sabi pa ni Balboa, "'Wag po silang pumunta kung hindi pa sila naka-schedule kasi bawat vaccination center, mayroong limit na puwedeng bakunahan for that day... Alam naman natin 'pag pila at ‘di ma-maintain ang social distancing, malaki ang risk na naman na kakalat ang sakit."


Matatandaang dinagsa kamakailan ang rollout ng Pfizer COVID-19 vaccines at ngayo’y ubos na ang suplay sa ilang lungsod.


Bagama’t limitado ang suplay ay kapansin-pansing mas dinumog ang bakunang gawa ng America, kumpara sa ibang brand na inaaloka sa katabing vaccination site, sapagkat hindi ganu’n kahaba ang pila roon nu’ng araw na ‘yun.


Gayunman, tiniyak ni Balboa na ligtas gamitin ang kahit anong brand ng COVID-19 vaccines.


Sa ngayon ay hinihikayat din niya ang publiko na tanggapin ang anumang available na bakuna laban sa virus dahil lahat iyon ay epektibo at aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page