top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 23, 2021




Bumaba sa 3,083 ang nagpositibo sa COVID-19 ngayong araw, batay sa tala ng Department of Health (DOH). Paliwanag nila, “Ang mababang kaso ngayong araw ay dulot ng isinasagawang updates sa COVIDKaya.


May ilang datos na hindi naisama sa kasalukuyang case bulletin. Ito ay kasalukuyang inaayos ng COVIDKaya technical team.” Kaugnay din ito sa 3 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng report sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).


Base pa sa nakaraang 14 days na datos, ang kontribusyon ng 3 laboratories na ito ay humigit kumulang 4.1% sa lahat ng samples na nai-test at 2.6% sa lahat ng positibong mga indibidwal.


Tinataya namang 42,855 ang mga indibidwal na huling dumaan sa COVID-19 test. Sa ngayon ay 1,179,812 na ang kabuuang bilang ng naitalang kaso sa bansa. Sa nabanggit na bilang ay 50,635 na lamang ang active cases, sapagkat ang 1,109,226 ay nakarekober na, habang 19,951 naman ang pumanaw.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 23, 2021




Mahigit 4 milyong indibidwal na ang nabakunahan kontra COVID-19, kung saan 162,513 jabs ang naging daily average, ayon sa National Task Force (NTF) against COVID-19 ngayong araw, May 23.


Batay pa sa datos ng NTF, 4,097,425 na ang kabuuang bilang ng mga nabakunahan, kabilang ang 969,939 na nakakumpleto sa dalawang dose at ang 3,147,486 na nabigyan ng unang dose.


Dagdag pa ng NTF, "Based on the Bloomberg report, in terms of total number of anti-COVID vaccines administered, the Philippines ranks second out of 10 ASEAN Member States; 13th out 47 countries in Asia; and 37th out of 196 countries worldwide."


Matatandaan namang naitala kahapon ang pinakamaraming nabakunahan sa loob lamang ng isang araw sa ‘Pinas.


Gayunman, malayo pa rin ang mga nabanggit na bilang sa tinatarget na 50 hanggang 70 million na fully vaccinated, upang tuluyang maabot ng bansa ang herd immunity.


Sabi pa ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr., "We need to maintain this momentum and remain focused on building up our vaccine supply, ramping up our vaccination rate, and encouraging more of our countrymen to get the jab."


Giit pa niya, "I am confident that as we start inoculating our economic frontliners and indigenous population by June, we will be able to double this figure and vaccinate more than four million people as long there is a steady supply of vaccines."


Sa ngayon ay 8,279,050 doses ng COVID-19 vaccines na ang dumating sa ‘Pinas.


Inaasahan namang darating ang iba pang suplay ng bakuna sa Hunyo.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 23, 2021




Pansamantalang isasarado ang Iloilo City Hall simula bukas, May 24, upang mabigyang-daan ang RT-PCR tests sa mga elective officials at iba pang empleyado ng city hall, bunsod ng lumalaganap na kaso ng COVID-19 sa lungsod, ayon kay Mayor Jerry Treñas ngayong araw, May 23.


Kaugnay ito sa naging datos ng Iloilo City-Epidemiology and Surveillance Unit simula May 1 hanggang 22, kung saan 26 city hall employees ang nagpositibo sa COVID-19, kabilang ang 2 pumanaw.


Sa ngayon ay suspendido muna ang operasyon at transaksiyon sa city hall, habang isinasailalim sa strict isolation ang lahat ng empleyado.


Nilinaw naman ni Treñas na maaaring bumalik sa work-from-home arrangement ang mga magnenegatibo sa COVID-19.


Nauna na ring iniulat na pansamantalang ibabalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) o mas mahigpit na quarantine classification ang nasabing lungsod hanggang sa katapusan ng Mayo, batay sa inilabas na resolution order ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang maiwasan ang pagkalat ng virus at ang mabilis na hawahan.






 
 
RECOMMENDED
bottom of page