top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 27, 2021




Limampung bahay ang tinupok ng apoy sa Barangay Tanyag, Taguig City kaninang madaling-araw, kung saan mahigit 100 pamilya ang apektado.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang apoy sa bahay ng pamilya Briones pasado ala-una ng madaling-araw.


Mabilis 'yung kumalat sa mga katabing-bahay kaya kaagad ding itinaas sa ikatlong alarma ang sunog.


Salaysay pa ni barangay official Ricardo Bala Nueco, naging pahirapan ang pag-apula ng mga bumbero sa apoy dahil nasabay iyon sa water interruption kaya kinailangan pa nilang mag-request sa Maynilad upang pabuksan ang water supply.


Idineklarang fire under control pasado alas-4 kaninang madaling-araw at tinatayang P500,000 ang halaga ng mga napinsala.


Sa ngayon ay nag-evacuate muna sa covered court ang mga residenteng nawalan ng tirahan.


Samantala, isang bumbero ang iniulat na nakuryente habang rumeresponde sa sunog. Kaagad naman itong dinala sa pagamutan upang gamutin.




 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 27, 2021




Suspendido ang ilang operasyon at serbisyo sa opisina ng Santo Tomas, Davao del Norte, matapos magpositibo sa COVID-19 ang 7 government employees.


Batay sa ulat, nagsimula ang work suspension pasado ala-una ng hapon kahapon at inaasahang magtatapos bukas, May 28.


Ayon pa kay Municipal Information Officer Mart Sambalud, hindi kasama sa suspensiyon ang mga department na may kinalaman sa disaster, emergency, rescue, health, information at social services katulad ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRM), Municipal Health Center (MHC), at ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).


Ilulunsad din ang work-from-home arrangement sa ilang department upang maiwasan ang mabilis na hawahan sa opisina.


"Queries and appointments from the public will be channeled through the Facebook pages of the various offices of the Santo Tomas LGU, public hotline directories, and other social media platforms to avoid person-to-person transmission of the virus," sabi pa ni Sambalud.


Sa ngayon ay dini-disinfect muna ang lahat ng pasilidad sa bawat department upang hindi na kumalat ang virus.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 27, 2021




Patay ang 2 lalaking magkaangkas sa motor, matapos umanong makipagbarilan sa Highway Patrol Group (HPG) kaninang madaling-araw sa Mount Apo Drive, Nova Hills Subdivision, Barangay Bagumbong, Caloocan City.


Ayon sa ulat, magkatuwang ang HPG at Caloocan Substation 9 sa pagsasagawa ng anti-carnapping at anti-criminality operation nu’ng oras na iyon, kung saan isa-isang pinahihinto ang mga motorista upang suriin ang kahina-hinalang kilos sa checkpoint.


Mangyari’y pinahinto ng HPG ang 2 lalaki, subalit nagpatuloy lamang ang mga ito at pinaharurot ang motor upang makalagpas sa checkpoint. Doon na nga nagkaroon ng habulan at barilan na ikinasawi ng dalawa.


Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang identity ng mga biktima dahil wala silang ID at wala ring kamag-anak na lumalapit sa mga awtoridad.


Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa nangyaring insidente, kung saan wala pang witness na tumetestigo upang kumpirmahin ang pahayag ng HPG.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page