top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 27, 2021




Nagkasundo ang Metro Manila mayors sa rekomendasyon na dagdagan ang mga puwedeng magbukas na negosyo at pabilisin pa ang vaccination rollout sa pagtatapos ng heightened general community quarantine (GCQ) na umiiral sa buong NCR Plus bubble.


Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benjamin Abalos Jr., “Ang napag-usapan po kagabi ay to open more businesses or activities at kung puwede ay lakihan ang capacity ng mga activities ng mga negosyo.”


Dagdag niya, "Itinutulak po ng mga alkalde na pati A4, bakunahan na. Ang depinisiyon po ng NEDA ay lahat ng manggagawa except those working from home."


Sa ngayon ay 4,495,375 indibidwal na ang nabakunahan kontra COVID-19.


Kabilang dito ang mga healthcare workers, senior citizens at may comorbidities o nasa A1 hanggang A3 priority list.


Inaasahan namang susunod na ang rollout sa ilalim ng A4 at A5, kung saan kabilang ang economic frontliners at mga mahihirap.


"Bago po mag-decide, nag-report po ang DOH (Department of Health) at napakaganda, bumababa na ang mga kaso, medyo maganda na ang (sitwasyon ng) ating ICU (intensive care units) at hospital beds kaya we take this with caution," sabi pa ni Abalos.


Matatandaan namang National Capital Region (NCR) ang naging sentro ng COVID-19 sa ‘Pinas kamakailan kaya kinailangang higpitan ang quarantine classifications at limitahan ang mga aktibidad upang mapigilan ang mabilis na hawahan.


Dulot ng mahigpit na community quarantine, bumaba na sa 10,723 ang active cases ng COVID-19 sa NCR, kung saan 988 ang huling nagpositibo.


Samantala, nakatakda namang magtapos sa ika-31 ng Mayo ang GCQ sa NCR Plus at pagdedesisyunan pa ang susunod na quarantine classifications, kasabay ang unti-unting pagbubukas ng ekonomiya sa bansa.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 27, 2021




Nagpositibo sa COVID-19 si Naujan, Oriental Mindoro Mayor Mark Marcos, batay sa lumabas na resulta ng RT-PCR test niya ngayong umaga, May 27.


Sabi pa ni Marcos, sumailalim siya sa test sapagkat nakararanas siya ng ilang sintomas ng COVID-19.


Nu’ng una’y inakala niyang side effects lamang iyon ng unang dose na itinurok sa kanya kontra COVID-19 nitong Martes.


Sa ngayon ay naka-home quarantine ang alkalde at kasalukuyang nagpapagaling.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 27, 2021




Nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na walang political discrimination o pamumulitika sa vaccination rollout ng COVID-19 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay sa isyung prayoridad lamang nito ang mga kapartido.


Aniya, "Scientifically, you can’t discriminate because you’re defeating the purpose of a mass vaccination. No one is safe until we are all safe. It does not make sense if you give priority to areas just because they are political supporters and ignore other areas because the nature of the virus is it does not discriminate against or for political allies or opponents."


Matatandaan namang mahigit 1,600 empleyado ng House of Representatives (HoR) na ang nabakunahan kontra COVID-19 at ilang pulitiko na rin mula sa iba’t ibang local government units (LGU) na nasa high-risk area ng COVID-19 ang napasama sa priority list.


Kabilang din sa isinusulong ng mga opisyal ay ang mas mabilis na vaccination rollout, kung saan inirerekomendang bakunahan na rin ang publiko kahit hindi pa prayoridad sa listahan.


Sa ngayon ay 4,495,375 indibidwal na ang nabakunahan kontra COVID-19. Kabilang dito ang mga healthcare workers, senior citizens at may comorbidities o nasa A1 hanggang A3 priority list.


Inaasahan namang susunod na ang rollout sa ilalim ng A4 at A5, kung saan kabilang ang economic frontliners at mga mahihirap.


Samantala, pinag-aaralan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang isinumiteng application para sa emergency use authorization ng Pfizer COVID-19 vaccines upang iturok sa edad 12 hanggang 15-anyos.


"Ang ating mga experts, in-evaluate. In fact, early this evening, I already got the recommendations of our experts and it's very favorable… Within the week, we will issue an amendment and we will be able to use it in children of 12 to 15 years old," sabi pa ni FDA Director General Eric Domingo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page