top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 30, 2021




Patay ang hinihinalang lider ng New People’s Army (NPA) na si Reynaldo Bocala, matapos umanong manlaban sa mga awtoridad sa bayan ng Pavia, Iloilo.


Ayon sa ulat ng 3rd Infantry Division (ID) Philippine Army, kinilala si Bocala bilang tagapamuno sa Regional Finance Bureau ng Komiteng Rehiyon-Panay ng NPA.


Dagdag pa ng pulisya, taong 1990 nang makasuhan si Bocala sa isang korte sa Antique dahil umano sa murder. Dati na rin siyang inireklamo ng robbery in band with frustrated homicide and damage to property.


Naging subject din siya ng arrest warrant noong 2005 para sa reklamong robbery with serious physical injuries. Inakusahan din siya ng destructive arson.


Nitong Biyernes naman nang maganap ang panlalaban niya sa mga awtoridad na naging dahilan ng pagkasawi.


Nakuha sa kanya ang 2 pistol, isang laptop at 5 cellphone.


Nasawi rin sa operasyon ang umano’y kasamahan niyang si Welly Epago Arguelles.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 29, 2021




Nakapagtala ang Philippine Genome Center (PGC) ng karagdagang COVID-19 variants, batay sa inilabas na report ng Department of Health (DOH).


Ayon sa datos, may isang nadagdag sa Indian variant, habang 104 naman ang nadagdag sa UK variant at 137 sa South African variant. Samantala, apat naman ang nadagdag sa P.3 variant.


Sa ngayon ay pumalo na ang kabuuang bilang ng Indian variant sa 13, habang 1,071 naman ang UK variant at 1,246 sa South African variant. Ang P.3 variant nama’y umabot na sa 162.


Sabi pa ng DOH, “The UP-PGC and UP-NIH (National Institutes of Health) have sequenced a total of 7,547 COVID-19-positive samples. Of these 2,494 have variants being closely monitored by DOH, only 26 cases remaining active.”


Dagdag nila, “DOH reiterates the need for strict adherence to MPHS (Minimum Public Health Standards), and early detection and isolation of cases to minimize transmission of COVID-19 and further prevent the emergence of new variants.”


Sa ngayon ay 7,443 ang nagpositibo sa COVID-19. Tinataya namang 7,533 ang mga gumaling at 156 ang pumanaw.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 29, 2021




Ipinaaayos ng Philippine Medical Association (PMA) ang schedule ng vaccination rollout sa lahat ng vaccination center upang maiwasan ang pagdagsa at pagsisiksikan sa mahabang pila, ayon sa pahayag ni PMA President Dr. Benito Atienza ngayong araw, May 29.


Aniya, “So far, marami pang kailangang ayusin. Ang kailangan pa nating ayusin ay ang timing ng pagbabakuna, iyong oras ng pagpunta nila roon para hindi masyadong mahaba ang pila.”


Ginawa rin niyang halimbawa ang isang vaccination center sa Quezon City, kung saan kulang ang mga staff na magbabakuna.


Sabi pa niya, “Ang kailangan lang, eh, coordination para siguradong may magbabakuna kasi nand’yan na ang bakuna at dapat ‘di masayang ang bakuna kasi ‘yung iba d’yan ay mag-e-expire.”


Sa ngayon ay 4,495,375 indibidwal na ang mga nabakunahan laban sa virus.


Samantala, 7,443 ang nagpositibo sa COVID-19 ngayong araw.


Tinataya namang 7,533 ang mga gumaling at 156 ang pumanaw, batay sa huling tala ng Department of Health (DOH).


Ayon pa kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, anim na rehiyon ang iniulat na nasa high-risk level ang intensive care unit (ICU) dahil sa mataas na kaso ng COVID-19. Kabilang dito ang Cordillera Administrative Region (CAR), Cagayan Valley, Caraga, Central Luzon at Calabarzon na nasa 71%, at ang Zamboanga Peninsula na nasa 79% ang ICU utilization rate.


"Bagama't bumababa ang kaso rito sa NCR Plus natin na bubble, nakikita natin naman po ang pagtaas ng mga kaso rito po sa ilang bahagi ng ating bansa, pati na rin po ang paggamit ng kanilang mga ICU beds," sabi pa ni Vergeire.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page