top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 1, 2021




Mananatili sa general community quarantine (GCQ) ang buong NCR Plus simula June 1 hanggang 15, batay sa inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang public address kagabi, May 31.


Kabilang sa NCR Plus ang buong National Capital Region at mga kalapit na probinsiya, katulad ng Cavite, Laguna at Rizal.


Samantala, extended naman ang GCQ hanggang June 30 sa mga sumusunod na lugar:


• Baguio City

• Kalinga

• Mountain Province

• Abra

• Isabela

• Nueva Vizcaya

• Quirino

• Batangas

• Quezon

• Iligan City

• Davao City

• Lanao del Sur

• Cotabato City


Ilalagay naman sa modified enhanced community quarantine (MECQ) o mas mahigpit na quarantine classifications hanggang June 15 ang mga susunod pang lugar:


• City of Santiago, Cagayan

• Apayao

• Benguet

• Ifugao

• Puerto Princesa City

• Iloilo City

• Zamboanga City

• Zamboanga Sibugay

• Zamboanga del Sur

• Zamboanga del Norte

• Cagayan de Oro City

• Butuan City

• Agusan del Sur


Matatandaan namang nagkasundo ang 17 Metro Manila mayors sa rekomendasyon na panatilihin sa GCQ ang NCR, habang paunti-unting binubuksan ang ekonomiya.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 31, 2021




Animnapung kostumer ng isang bar and grill establishment sa Marikina City ang tiniketan dahil sa paglabag sa curfew hours, ayon kay Marikina Chief of Police Colonel Benliner Capili.


Aniya, “’Yung may-ari ng bar and grill na ito, dapat hindi na sila nag-o-operate beyond 10 o’clock.


Titingnan natin kung may kaukulang permit ang kanyang establisimyento." Ipinaliwanag naman ng management ng bar na bago pa man mag-alas-10 ay nag-serve na sila ng huling order sa mga customers.


Sabi pa ng manager na si Mamu Pimentel, "Kasi we open at 5 o’clock, Sir, then we end at 10 o'clock. Ano'ng mangyayari? Paano mabubuhay ang mga empleyado ko, mga staff? Ito lang naman ang pinagkukunan nila, pinagkakakitaan. Madaming nagugutom. Hindi nga tayo nagkasakit, namatay naman tayo sa gutom."


Sa ngayon ay patuloy na pinaaalalahanan ang publiko na sumunod sa minimum health protocols at curfew hours upang maiwasan ang hawahan ng COVID-19.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 31, 2021




Natagpuang patay ang 71-anyos na si Porperio Sabate Pilapil matapos tangayin ng baha dahil sa paghagupit ng Bagyong Dante sa Davao del Sur.


Ayon sa ulat ng Malalag Municipal Police, pauwi sa bahay si Pilapil sakay ng bisikleta nang tangkain nitong suungin ang rumaragasang tubig-baha at sa sobrang lakas ng ragasa ay tinangay ito.


Samantala, 2 naman ang iniulat na nawawala sa Banga, South Cotabato.


Sa ngayon ay ekta-ektaryang palayan at fishpond na rin ang naapektuhan dahil sa Bagyong Dante.


Nananatili namang nakaalerto ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa lugar ng Caraga, Davao Region, SOCCSKSARGEN, Bukidnon, at Misamis Oriental na kasalukuyang tinatamaan ng bagyo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page