top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 2, 2021




Iimbestigahan ng Department of Health (DOH) ang diumano’y overpricing ng gamot kontra COVID-19 na Remdesivir, ayon sa Chief ng DOH Pharmaceutical Division na si Dr. Anna Guerrero.


Aniya, "Meron pong resibo na ganu’n po ang nakasaad, minsan P15,000, P20,000, ang pinakamataas ata, P27,000."


Kaugnay ito sa reklamo ng mga pasyente na nagbayad ng mahigit P27,000, gayung nagkakahalaga lamang ng P1,500 hanggang P8,200 ang presyo ng Remdesivir.


Matatandaan namang ipinagbawal ng India kamakailan ang pag-e-export ng Remdesivir dahil sa lumalaganap na Indian variant sa kanilang bansa.


Paliwanag pa ni Dr. Guerrero, "Mahirap din kasi ang supply ngayon ng Remdesivir. Mayroon ding pandemic sa India. Mataas din ang kaso nila. In fact, mas mataas kaya nagkaroon ng export ban at nahihirapan din silang mag-sort ngayon."


Samantala, itinanggi naman ng DOH na maglalaan sila ng pondong P1 billion para ibili ng Remdesivir.


Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa Department of Trade and Industry (DTI) upang imbestigahan ang overpricing ng gamot sa ilang ospital.


“Kasi imported po ito from India, hindi po ganu’n kataas. So, mukhang ang patong po talaga, mga ospital," dagdag pa ni Dr. Guerrero.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 2, 2021





Nadiskubre ng World Health Organizations (WHO) ang Delta variant ng COVID-19, bilang pangatlong mutations ng naturang virus at itinuturing na dahilan kaya mabilis ang hawahan nito sa India.


Ayon pa sa WHO COVID-19 technical lead na si Maria Van Kerkhove, "We know that the B.1.617.2, the Delta variant, does have increased transmissibility, which means it can spread easier between people.”


Dagdag niya, “What we understand is that it is this B.1.617.2 variant with one additional deletion in the location of the spike protein.”


Nitong May 31 lamang ay inianunsiyo ng WHO na ipapangalan na nila ang mga variant of concerned ng COVID-19 alinsunod sa Greek alphabet upang maiwasan ang pagkalito at diskriminasyon kapag ibinase iyon sa bansang pinagmulan ng mutations, katulad ng Indian variant, South African variant, UK variant at Brazilian variant.


Sa ngayon ay tatawagin nang Alpha variant ang B.1.1.7 lineages ng UK variant, habang Beta variant naman ang itatawag sa B.1.351 lineages ng South African variant, Gamma variant para sa P.1 lineages ng Brazilian variant, at Delta variant sa B.1.617.2 lineages ng Indian variant.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 1, 2021




Pinaaalalahanan ng Department of Energy (DOE) ang mga local at national officials na panatilihin ang pakikipagkoordinasyon sa Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa mga nakaimbak na COVID-19 vaccines sa bawat cold storage facilities dahil sa nagaganap na rotational brownout sa Luzon.


Ayon kay DOE Undersecretary William Fuentebella, "Dapat patuloy 'yung coordination natin sa IATF sa ating mga opisyales — local and national officials — para masigurado na protektado 'yung ating mga storage facilities for our vaccines."


Sa ngayon ay nag-umpisa na ang 2-hour rotational brownout sa Luzon Grid simula kaninang alas-10 nang umaga at matatapos mamayang alas-5 nang hapon.


Susundan iyon mamayang alas-6 nang hapon hanggang alas-10 nang gabi, dahil sa umano'y manipis na suplay ng kuryente.


Ayon pa sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), mahigit 10 planta ang palyado kaya kapos ang supply ng kuryente sa buong Luzon.


Pinapayuhan naman ni Fuentebella ang mga namamahala sa bawat cold storage facilities na gumawa ng triple backup system upang hindi masira ang COVID-19 vaccines dahil sa nangyayaring brownout.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page