top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 5, 2021



Inirekomenda ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga business establishments na i-comply sa national government ang COVID-19 Safety Seal certification na magsisilbing katibayan na sumusunod sila sa minimum health protocols laban sa virus.

Ayon pa kay Belmonte, "We hope our businesses will take this as an opportunity to prove that they carry out the necessary measures to ensure the safety of their customers. And in turn, we expect that this will increase customer confidence and positively affect everyone's livelihood and our economy."

Dagdag nito, puwedeng mag-apply o kumuha ng Safety Seal certification sa lokal na pamahalaan at kapag nagawaran na ng certificate ang business owner ay puwede niya iyong i-display sa kanyang tindahan o kainan.

Nakasaad din sa Executive Order No. 13 Series of 2021 ang bawat mall, wet markets, retail stores, restaurants, fast food, coffee shops, karinderya, bangko, pawnshops, money changers, remittance centers, car washes at laundry service centers na hinihikayat na mag-apply ng Safety Seal certification. Kasama rin dito ang mga pasyalan katulad ng art galleries, libraries, museums, zoos, sports centers, gyms, spas, tutorial, testing at review centers, pati ang sinehan at gaming arcades.

Sa ngayon ay SM City North EDSA ang kauna-unahang shopping mall sa Quezon City na nag-display ng Safety Seal certification.

Ang pagdidikit nito ay pinangunahan ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez.

Kasama rin sa launching ng Safety Seal certification sa SM North sina Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya at DTI Undersecretary Ireneo Vizmonte.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 5, 2021



Nilinaw ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado na kulang ang P82.5 billion na inilaang pondo sa pambili ng COVID-19 vaccines, kaya kailangan nilang gamitin ang P2.5 billion pondo ng 2021 contingency fund, na inaprubahaninaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw, June 5.

Aniya, “Kaa-approve lang ng ating Pangulo ng P2.5 billion, equivalent to $56 million chargeable against the 2021 contingency fund.”

Dagdag niya, “Sa taong ito, nag-allocate tayo ng P82.5 billion for COVID-19 vaccination program. Of this amount, P70 billion ginamit sa pambili ng COVID-19 vaccines at 12.5 ay sa ancillary at logistical (purposes). Subalit hindi tayo natatapos dito kasi kailangan natin ng mas maraming vaccine at nakikipag-unahan tayo sa ibang bansa.

“Ang madaling sabi: hindi lang po talaga P82.5 billion ang gagastusin sa pagbili ng vaccine. Kaya kahit contingency fund, kailangang gamitin,” paglilinaw pa niya.

Ilalaan umano nila ang contingency fund para sa 4 million doses ng COVID-19 vaccines na nakatakdang i-deliver sa bansa ngayong buwan.

Sa ngayon ay 8,329,050 doses ng bakuna na ang dumating sa ‘Pinas, kabilang ang Sinovac, AstraZeneca, Sputnik V at Pfizer.

Inaasahan namang darating bukas ang karagdagang 1 million doses ng Sinovac galing China.

Kaugnay nito, puwede nang iturok ang Sinovac sa mga edad 3 hanggang 17-anyos na populasyon ng China, matapos maaprubahan ang emergency use authorization nito, ayon kay Chairman Yin Weidong ng Sinovac Biotech.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 5, 2021



Patay ang media executive ng Brigada Group of Companies na si Yentez Quintoy matapos barilin ng riding-in-tandem sa General Santos City nitong Biyernes.

Ayon sa ulat, nakasakay si Quintoy sa loob ng kanyang sasakyan nang maganap ang insidente. Binaril siya sa balikat at tumagos iyon sa kanyang dibdib.

Kaagad naman siyang isinugod sa ospital subalit dead on arrival na.

Nag-alok naman ng P1 milyong pabuya ang Brigada Group of Companies para sa makapagtuturo sa suspek.

Sa ngayon ay tatlong beses nang may naganap na pamamaril sa GenSan. Hindi naman malinaw kung may koneksiyon ang pagkamatay ni Quintoy sa dalawang naunang insidente.

Patuloy pa rin namang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa pagpatay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page