top of page
Search

ni Mharose Almirañez | June 5, 2022



Umakyat sa 94.2% ang employment rate ng ‘Pinas, Marso ngayong taon, batay sa datos ng Philippine Statistic Authority (PSA). Magandang balita ang pagtaas na ito, ngunit ang tanong—empleyado ka na lamang ba habambuhay?


Sabi nga nila, walang yumayaman sa pagiging empleyado. Gayunman, aanhin mo ang napakaraming pera kung hindi mo naman ito madadala sa langit? Para saan ang malaking sahod at mataas na posisyon kung hindi mo naman maipapamana ang mga ito kapag nagretiro ka na?


Sabihin nating naipapamana ang pera, pero ano’ng kasunod kapag naipamahagi na ito sa iyong beneficiaries? Malamang ay uubusin lang din nila.


Bilang adult, paniguradong nag-iisip ka na ng alternatibong paraan para kumita at sigurado rin akong isa sa ikinokonsidera mo ay ang pagsisimulang magnegosyo. Kung gayun, huwag ka nang magpatumpik-tumpik pa dahil narito ang ilang signs na para ka talaga sa pagnenegosyo:


1. AYAW MO NA MAY BOSS. Kasi gusto mo ikaw ‘yung boss. ‘Yung tipong, ayaw mong minamanduhan ka. Ayaw mo ‘yung palaging mino-monitor o sinisilip ang bawat galaw mo. Ayaw mo ‘yung kailangan mo pang magpapirma o humingi ng approval para sa isang bagay. ‘Yung feeling superior ka rin.


2. GUSTO MONG HAWAK MO ANG ORAS MO. ‘Yung tipong, hindi ka required mag-excuse para lang payagan na makapag-leave. Kapag gusto mong mag-travel, gora ka na agad! Puwede ka ring matulog anytime na antukin ka. ‘Yun bang, hindi mo kailangang ma-pressure sa deadlines. ‘Yung puwede kang maglabas-pasok sa building at mag-entertain ng kung sinu-sinong bisita sa office.


3. NAGSASAWA KA NA SA ROUTINE MO. ‘Yung gusto mong mag-grow o mag-excel, pero hindi mo magawa kasi nakapako ka na sa paulit-ulit na workload. Pakiramdam mo, hindi mo nagagamit ‘yung talent at skills mo. Para bang useless ‘yung diploma mo. Tapos, umay na umay ka nang makisama sa toxic environment at para bang pumapasok ka na lang para sa kinsenas-katapusan.


4. NAGDE-DAY DREAM KA NA. Kumbaga, ini-imagine mo na ‘yung sarili mo na paikot-ikot sa swivel chair habang nakataas ang dalawang paa sa lamesa. ‘Yung what if, ikaw ang nakikipag-negotiate sa suppliers o business partners? ‘Yung triggered kang mapataas ‘yung sales at napaka-competitive mo pagdating sa competitors.


5. MAY IPON KA NA. ‘Yung may sapat ka namang pera, pero hindi mo alam kung paano iha-handle ang iyong expenses, kaya kung anu-ano na lang ang binibili mo para sa “deserve ko ‘to” mentality.


Hindi ko naman sinasabing magrebelde ka sa ‘yong boss at mag-resign sa ‘yong trabaho. Ang ipinupunto ko rito, what if hindi ka lang pang-corporate job? What if puwede ka palang maging CEO sa sarili mong kumpanya?


Sa panahon ngayon, diskarte ang iyong pangunahing puhunan. Napakaraming successful stories from rags to riches, and maybe, you can be one of them. Hindi mo naman kailangan ng malaking halaga para makapagsimula, dahil ang mahalaga ay nakapagsimula ka.


After all, ayaw mo naman sigurong maging empleyado habambuhay, ‘di ba?


 
 

ni Mharose Almirañez | June 2, 2022



Diskarte ang pangunahing puhunan upang umasenso dahil aanhin mo nga naman ang kapital kung hindi mo naman alam kung paano dumiskarte sa paggamit nito?


Sabi nga ng wealth coach na si Chinkee Tan, “Kapag naririnig natin ‘yung salitang ‘investment’, umiiwas na lang tayo, kaya parang walang pagbabago na nangyayari sa buhay natin. Kung talagang gusto natin yumaman, dapat pag-aralan din natin ang tamang investment.”


Hindi lamang ito tungkol sa paglalabas ng pera, bagkus ay kailangan mo rin ng sapat na kaalaman, kakayahan at koneksiyon para sa iyong kabuhayan. Mahirap din kung puro ka relasyon, wala ka namang investment. Anu-ano nga ba ang pagkakaiba ng mga ito at ano ang kinalaman ng mga ito sa pag-i-invest?


1. KAALAMAN. Diploma o pinag-aralan ang bagay na hinding-hindi maaagaw sa iyo. Dapat mo ring pagyamanin ang iyong bokabularyo upang maging pamilyar ka sa napakaraming impormasyon na nadaragdag sa ‘yong utak sa araw-araw na pakikisalamuha kung kani-kanino. Mainam kung marami kang alam pagdating sa bagay-bagay. Higit sa lahat, bago ka mag-invest, dapat ay pag-aralan mo munang maigi ang merkado.


2. KAKAYAHAN. Kung alam mo ang isang bagay, dapat ay kaya mo rin itong gawin. Halimbawa, alam mong kailangan ng balance para makapagbisikleta, ngunit hindi mo naman kayang mag-balance. Kaya sa halip na matutunan ang pagbibisikleta ay naa-out of balance ka at paulit-ulit na sumesemplang. Kumbaga, useless kung puro stock knowledge lang, dapat ay i-apply mo rin ito. Pagdating naman sa investment, dapat ay kaya mo ring makipagsapalaran. ‘Yung tipong, kahit nalugi ka ay hindi ka napapagod sumubok nang sumubok ng mga bagong estratehiya para isalba ang nasimulan mong negosyo.


3., KONEKSIYON. Hindi lahat ng lumalapit sa ‘yo ay pakikipagkaibigan o relasyon ang hanap kundi koneksiyon. Ganundin ang dapat mong gawin, kumbaga, makipagkilala ka lang upang dumami ang iyong mga kakilala. Darating ang araw na kakailanganin o magagamit mo rin sila sa napakaraming transaksiyon, puwede ring vice-versa.


4. KABUHAYAN. Ang real estate, life insurance, stock market, cryptocurrency at Non-Fungible Tokens o NFT gaming ay ilan lamang sa mga investment na hindi mo na kailangang magpakapagod, sapagkat imo-monitor mo na lamang sa harap ng computer o cellphone ang paglago ng iyong puhunan. Dapat mo ring ikonsidera ang napakaraming bagay kung gusto mong magtayo ng business establishment, sapagkat hindi lang naman ikaw ang nag-iisang negosyante na nakaisip ng ganu’ng negosyo. Siyempre, marami kang competitor, kaya dapat ay pag-isipan mong mabuti ang iyong marketing plan. Ito ‘yung literal na mamumuhunan ka talaga ng malaking salapi.


5. KARELASYON. Hindi lang pera kundi time, effort and emotions ang iyong ii-invest sa pakikipagrelasyon. Kaya siguraduhin mong worth it talaga ang pag-i-invest mo sa kanya dahil walang refund pagdating dito. Mainam din kung pareho kayong financially literate. Sabi nga nila, “The couple that saves together, stays forever.”


Kaya sa susunod na mag-invest ka, puwedeng-puwede mong i-apply ang 5 Ks na ito upang maging gabay sa iyong bagong simula. Malay mo, maging triple pa ‘yang P5K mo pagdating ng araw. Oh, ‘di ba?!


 
 

ni Mharose Almirañez | May 29, 2022




“Hiyangan lamang ang skin care,” sabi nila.


Agree naman ako r’yan, beshie. Pero knows mo bang puwede mo rin namang malaman ang hiyang na produkto sa ‘yo kung aalamin mo lamang ang iyong skin type? Yes, beshie, tama ang nababasa mo.


Kaya kung baguhan ka pa lamang sa pag-i-skin care, narito ang mga pangunahing impormasyon na dapat mong malaman before ka mag-hoard ng napakaraming products sa drug store:


1. ALAMIN ANG IYONG SKIN TYPE. Sa halip na bar soap o matatapang na facial wash, gumamit ka ng gentle cleanser sa paghihilamos. Pagkahilamos, ‘wag na ‘wag ka munang mag-a-apply ng kahit anong products sa ‘yong mukha. Hayaan mo lamang ito na kusang matuyo at obserbahan sa loob ng 30 minuto upang ma-determine ang iyong skin type.

  • Oily skin- kapag naging malagkit o makintab ang iyong mukha

  • Dry skin - kapag pakiramdam mo ay ang gaspang-gaspang ng iyong mukha

  • Sensitive skin - kapag naging mapula o iritable ang iyong mukha

  • Combination skin - kapag ang ibang parte ng mukha mo ay malagkit, magaspang o namumula, kumbaga, nag-combine ‘yung reactions

  • Normal skin - kapag walang nangyari sa mukha mo


2. SUNSCREEN. Ito ang magsisilbing proteksyon ng ating balat laban sa ultraviolet (UV) rays na nanggagaling sa araw. Inirerekomenda ng mga dermatologist ang paggamit ng SPF 30 hanggang SPF 50. Mas mainam din anila kung may naka-indicate na ‘broad spectrum’ o ‘PA RATING (PA++++)’ sa label ng sunscreen.


3. MOISTURIZER. Gamitin mo ‘yung moisturizer na bagay sa iyong skin type. May iba’t ibang klase ng moisturizer, kaya bago ka bumili ng product ay basahin mo muna ang label o mag-research. Maaari ka ring manood ng product reviews sa YouTube.


4. SERUMS. Nakakatulong ito para mawala ang ating dark spot, acne scars, signs of aging, breakouts atbp.


5. MAGPA-DERMA. Sa tulong ng partner institutes ng Philippine Dermatological Society (PDS), maaari ka nang kumonsulta sa mga dermatologists for free! Mangyari lamang ay bisitahin ang pds.org.ph o ang kanilang Facebook page upang makapag-inquire.


Kung gusto mo talagang ma-achieve ang clear skin, dapat ay maging consistent ka sa pag-i-skin care every day and night. Hindi ito parang magic na porke ginamit mo ‘yung ine-endorse na product ng sikat na artista ay magiging kamukha mo na siya. ‘Wag kang assuming, beshie!


Bonus DIY tips na rin ang pag-steam o paglanghap ng usok mula sa pinakuluang tubig sa loob lima hanggang 10 minuto, dalawang beses kada buwan. Bukod sa naaayos ng steaming ang ating blood circulation ay nakakatulong din ito para mabuksan ang ating pores. Maaari nitong mapalabas ang mga nakatagong whiteheads, black heads, acne, pimple, dead cells at iba pa. Mainam itong gawin matapos mag-exfoliate.


Habang nakabukas ang pores ay madali nitong maa-absorb ang kahit na anong produkto na ipapahid natin sa ‘ting mukha at ‘yun ang crucial part, kaya siguraduhing hiyang sa ‘yo ang mga ia-apply na product.


Matapos mag-steam, puwede kang magbanlaw ng maligamgam na tubig.


Habang ang yelo naman ang magsasara ng bumukas na pores. Siguraduhing nakapag-adjust na sa temperature ang iyong mukha upang hindi ito mabigla sa lamig. Idampi-dampi mo lamang ang yelo sa paligid ng iyong mukha.


Sa huli ay puwede kang mag-apply ng serum, moisturizer o facial mask.


Ilang vloggers, TikTokers and artists na rin ang gumawa at nagrekomenda nito. But again, hindi porke hiyang sa kanila, hiyang din sa ‘yo. Magkakaiba kayo ng balat. Sabi nga nila, “If symptoms persist, consult your doctor.”


Okie?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page