top of page
Search

ni Mharose Almirañez | December 29, 2022



Idinaos ng 48th Metro Manila Film Festival (MMFF) ang Gabi ng Parangal, nito lamang ika-27 ng Disyembre sa New Frontier Theatre, kung saan masasabi nating tuluyan na tayong nakabalik sa normal, makalipas ang dalawang taong pananalasa ng COVID-19 pandemic.


Matatandaang, noong Oktubre ay naging usap-usapan ang mungkahi ni Senator Jinggoy Estrada na i-ban ang Korean shows sa ‘Pinas, dahil aniya, “Instead of promoting Filipino films, we are promoting that of the foreigners.”


Agad din naman itong pinalagan ng ilang komentarista, sapagkat anila, hindi ‘yun ang sagot para mabuhay ang local entertainment industry kundi ang paglalaan ng pamahalaan ng sapat na budget sa naturang industriya.


“It’s a matter of time and government support, ako at kayo ay naniniwala na may laban tayo sa paggawa ng istorya, a matter of time and discipline, magkatulungan ang buong industry,” giit naman ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) Head Tirso Cruz III.


Ang totoo, hindi pa naman huli ang lahat para sa entertainment industry, kaya upang makapagbigay ng karagdagang impormasyon, narito ang ilang dahilan kung bakit dapat nating tangkilikin ang pelikulang Pilipino:


1. UPANG MAHIKAYAT ANG MAS MARAMING PRODUCER. Kapag alam nilang suportado natin ang sariling atin, para na rin natin silang na-motivate upang mag-produce ng mas maraming pelikula at serye. Kumbaga, hindi sila manghihinayang na maglabas ng malaking pera para pondohan ang isang produksyon.


2. UPANG MAKAPAGBIGAY NG TRABAHO SA IBA. Hindi lang mga producer, direktor, manunulat at artista ang kikita kundi maging ang buong staff ng production team. Mula sa video editor, videographer, cinematographer, researcher, makeup artist, production assistant atbp. Isipin mo na lamang na per project ang pasahod sa kanila. Paano kung wala silang project, eh ‘di wala rin silang maipapakain sa pamilya nila. Kaya naman the more na may ipino-produce na serye o pelikula, continuous din ang kanilang income.


3. UPANG MAKILALA INTERNATIONALLY. Nakilala na tayo internationally before, mainam kung magtutuluy-tuloy ang pagkilala sa ‘tin. Kung nate-threaten tayo sa foreign films, eh ‘di let’s think of it as a competition. Maging competitive tayo sa pagpo-produce ng mga palabas. Kung isa kang OFW, marapat lamang na Pinoy films and series ang pinapanood mo sa abroad para maging at home ka pa rin kahit nasaan ka man. I-introduce mo na rin sa mga nakakahalubilo mong foreigners ang paborito mong palabas, malay mo, magustuhan din niya’t i-share ‘yun sa mga kakilala niya.


4. UPANG MAS MAMULAT TAYO SA FILIPINO CULTURE. Maraming Pinoy series and movies ang nagpapakita ng kultura ng bansa, kaya kung maiibigan mo lamang panoorin ang kahit isa sa mga ‘yun ay paniguradong magugustuhan mong ipagpatuloy ang panonood. Karamihan kasi sa kabataan ngayon ay tila nakalimutan na ang ating kultura. After all, hindi lang naman ito tungkol sa infidelity, revenge and Pinoy adaptation.


5. UPANG MAKABANGON ANG FILM INDUSTRY. Pinakamalupit na pangyayari na siguro ‘yung ipinasara ang lahat ng sinehan sa bansa noong 2020 dahil sa pandemya. Rito natin nakilala ang online streaming platforms. Bagama’t napakarami nang resources para makapanood in a convenient way, sana ay piliin pa rin nating panoorin ang mga palabas ng Pinoy, lalo na’t puwede naman itong maunawaan kahit walang subtitle.

Napakalaking bagay ang pagkakaroon ng taunang film festival sa bansa, sapagkat dito naso-showcase ang galing ng ating filmmakers. Dapat nating maunawaan na hindi basta-basta ang pagpo-produce ng isang pelikula, kaya sana ay huwag nating i-set aside ang local films para lamang magpaka-cool.


Isipin mo kung ilang empleyado ang sumasahod sa isang production team, ilang araw at gabi silang nag-shoot, ilang ulit na nag-revise ng script, ‘yung pinag-isipang atake ng video editing, color grading, musical scoring, pagpili ng cast o pag-o-audition ng artista, at ‘yung sipag nila sa pagpo-promote ng pelikula. Lahat ‘yan ay ginagawa nila para maipakita sa atin ang isang quality film.


Ngayon ay on-going pa rin sa mga sinehan ang pagpapalabas ng 8 entries ng MMFF. Hanggang January 7, 2023 pa ito puwedeng mapanood, kaya may time ka pa para makahabol sa sinehan. Huwag kalimutang isama ang pamilya, barkada at dyowa para everybody happy.


Okie?

 
 

ni Mharose Almirañez | December 22 2022



Hanggang saan aabot ang 13th month pay mo? Paniguradong dadaan lamang ‘yan sa iyong mga palad at mabilis mauubos tulad ng kisap-mata.


‘Ika nga, tuwing Disyembre ay para tayong mga one day millionaire na walang humpay kung gumastos. Ubos-biyaya, kumbaga. Bagama’t, mayroon naman tayong option na ibangko lamang ang ating mga natanggap na pera, pero siyempre, we want to share the blessings, lalo na sa mga taong malalapit sa atin. Hindi uso ang pagiging madamot o kuripot, sapagkat kikitain mo rin naman ulit ang mga ‘yan. Afterall, Christmas is about giving.


So, beshie, ready ka na bang mabutas ang iyong bulsa? Luwagan mo na ang iyong sinturon at sabay-sabay tayong magwaldas ng 13th month pay ngayong Disyembre para sa mga sumusunod na gastusin:

1. REGALO SA MGA INAANAK AT MALALAPIT SA BUHAY. Siyempre kailangan mong maglaan ng budget para regaluhan ang iyong mga inaanak, pati na rin sina nanay, tatay, ate, kuya, bunso, lola, lolo, tita, tito, dyowa at BFF. Idagdag mo pa ang iyong monito-monita sa inyong Christmas party. Hays, d’yan pa lang, mauubos na talaga ang iyong 13th month pay. Bukod sa mabubutas ang iyong bulsa ay mai-stress ka pa kaiisip kung ano ang puwedeng iregalo sa kanila.


2. HANDA SA NOCHE BUENA AT MEDIA NOCHE. Hindi naman pabonggahan sa dami ng handa tuwing Noche Buena at Media Noche. Ang mahalaga ay makasama ang iyong pamilya at sabay-sabay kayong kakain ng mga inihaing kanin, ulam, prutas, pansit, pasta, kakanin, at ilang panghimagas. Katulad nga ng sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo, kasya ang P500 para sa simpleng handa sa Noche Buena ng isang maliit na pamilya, depende na lamang sa brand at putaheng ihahain.


3. MGA BAYARIN SA UTILITY BILLS. Hindi naman porke Pasko at Bagong Taon ay pause muna ang iyong mga bayarin sa bahay, tubig, ilaw, internet atbp. Kaya bago tuluyang maubos ang iyong pera sa kung anu-ano ay siguraduhin mo munang may nakalaan kang budget para sa mga ‘yan. Mahirap naman kasi kung ubos-biyaya ka ngayong buwan, tapos next year ay tunganga dahil sa patung-patong na bills.


4. MGA UTANG NA DAPAT BAYARAN. Panigurado namang bukod sa utility bills ay mayroon ka ring iba pang pinagkakautangan. Mainam na i-settle mo muna ang iyong bayarin para walang utang na sasalubong sa ‘yo sa Bagong Taon. Isipin mo na lamang na isang blessing ang maging utang-free sa 2023.


5. BAGONG KAGAMITAN SA BAHAY. Nakakatuwa kapag nakikita mo ‘yung mga pinaghihirapan mo. ‘Yung tipong, nakakapagpundar ka kahit paisa-isang appliances sa inyong bahay. ‘Ika nga’y katas ng iyong pawis ang gamit na ‘yun. Magandang ambag na rin ‘yan sa inyong pamilya. Gasino lang naman siguro ‘yung bagong electric fan, ‘di ba, beshie?

Alam ko namang aware ka na sa bawat expenses na karaniwang pinagkakagastusan tuwing Pasko at Bagong Taon. Pero sana, kahit gaano kagastos ang buwan na ito ay ‘wag mo kalimutang maglaan para sa savings.


Hangga’t maaari ay regaluhan mo rin ang sarili mo. Kahit pa sabihing masaya ka na makitang masaya ang mga taong mahal mo ay iba pa rin kung mai-spoil mo ang iyong sarili for once. Hindi naman ‘yan kadamutan, in fact, deserve mo ‘yan. Okie?


 
 

ni Mharose Almirañez | December 18, 2022



“You're hired!” ‘Yan ang pinakamasarap marinig sa tuwing naghahanap ng trabaho. ‘Yung tipong, goodbye ka na sa pagpi-print ng napakaraming resume at pagpapasa nito sa kung saan-saang job caravan. Hello, kinsenas-katapusan na sahod, ‘ika nga.


Pero beshie, bago mo tuluyang tanggapin ang job offer, make sure na hindi mo ‘yan pagsisisihan, ha? Siguraduhin mong nag-conduct ka ng intensive research sa kumpanyang in-apply-an mo para iwas-pasa ng resignation letter sa kalagitnaan ng iyong training or worse, baka mapa-AWOL ka na lang kapag nagsimula ka nang makaramdam ng pressure.


Anu-ano nga ba ang mga dapat ikonsidera sa paghahanap ng bagong trabaho? Well, beshie, narito ang ilan:


1. SALARY. Kaya ka nagtatrabaho ay para kumita ng pera. Bawat tao ay may kani-kanyang bills na binabayaran buwan-buwan, kaya siguraduhin mong deserve ng pagod mo ‘yung sahod na ibibigay sa ‘yo. At kung magre-resign ka rin lang sa dati mong trabaho, dapat ay mas mataas na rito ang iyong magiging sahod. Gawin mong goal ang pagle-level up ng salary and position sa tuwing magre-resign. That’s what we call “career growth”.


2. WORKLOAD. Baka naman kasi nu’ng sinabi mong “I can do multitasking,” eh workload na pang-tatlong tao ang ibigay sa ‘yo. ‘Yung tipong, papakinabangan nila ang lahat ng skills na mayroon ka kahit hindi naman ‘yun nakalagay sa job description ng in-apply-an mong posisyon. Kumbaga, sa umpisa ay heavy task muna hanggang tambakan ka na nila ng napakaraming workload eventually. Kaya ang tanong, angkop ba ang dami ng workload na ibibigay sa ‘yo sa buwanang sahod na matatanggap mo?


3. BENEFITS. Mainam na mag-apply ka sa kumpanyang nag-o-offer ng retirement benefits, paid leave, night differential, flexible work schedule, load and transportation allowance, at medical, disability, and life insurance. Idagdag na rin ‘yung kumpanyang namimigay ng ham at Noche Buena package tuwing Disyembre, at may pa-tikoy tuwing Chinese New Year. Bonus factor na rin kung mayroong yearly team building.


4. MANAGEMENT. Dito talaga magpo-fall back ang mga naunang nabanggit. Kaya bago mo tanggapin ‘yung job offer ay mag-background check ka muna sa kumpanyang ‘yan. Kumustahin mo ang pasahod at mga benepisyo. Alamin mo ang sistema o pamamalakad. Anu-ano ba ang mga inirereklamo ng ilang empleyadong nag-resign d’yan? Mahirap kasi kung hindi maganda ang environment ng papasukan mong kumpanya, lalo na kung puro toxic ang mga makakatrabaho mo, partikular na ang iyong magiging boss. Pero siyempre, mas mahirap naman kung lahat ng makakatrabaho mo ay feeling boss.


5. LOCATION. Ipagpalagay nating nakahanap ka nga ng kumpanyang may magandang pasahod, benepisyo at maganda ang environment. Pero paano kung napakalayo naman nito sa ‘yong tinitirahan? Jusko, beshie, r’yan na talaga magkakatalo! Isipin mo ‘yung gugugulin mong oras sa pag-aasikaso at pagbiyahe papunta sa trabaho na dapat ay itinutulog mo pa kung walking distance ka lang sa ‘yong opisina. Isipin mo ‘yung araw-araw na traffic at struggle kung regular commuter ka. Ang tanong, may matitira pa ba sa ‘yo kung ika-calculate mo ‘yung pamasahe at pagkain?


Para sa ilang job seeker, okey lang ang ganyang setup dahil ang mahalaga ay may trabaho. Ang importante ay nakakapagbayad ng bills at nakaka-survive araw-araw.


Pero kung pag-iisiping mabuti, hindi ka gumraduate ng college para lamang magserbisyo nang higit pa sa 8 hours daily at tumanggap ng sahod na mas mababa pa sa tuition fee mo noong nag-aaral ka. Hindi mo hinasa ang skills na mayroon ka ngayon para lamang i-take advantage ng mga employer na ayaw kumuha ng additional employee for that certain position. ‘Yan ang hirap dito sa ‘Pinas, eh!


Aminado naman tayong walang perpektong kumpanya. ‘Yung tipong, kahit ilang empleyado pa ang makausap natin mula sa iba’t ibang industriya ay pare-pareho lamang tayong may masasabi. Gayunman, bilang isang empleyado, karapatan din nating makaahon sa kahirapan at guminhawa sa buhay tulad ng ating mga employer.


Gets mo?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page