top of page
Search

ni Mharose Almirañez | June 26, 2022




“Kapag may isinuksok, may madudukot,” sabi nga nila.


Sa panahong hindi natin tiyak ang mangyayari kinabukasan dahil sa nagsusulputang kung anu-anong sakit at sakuna ay mainam talaga na may nakatabi kang pera.


Napatunayan ‘yan sa nagdaang enhanced community quarantine (ECQ), kung saan kahit gaano pa kaganda ang mga damit, sapatos at bag na mayroon ka ay balewala ang mga ‘yun kung hindi mo naman mairarampa, sapagkat bawal kang lumabas. Wala ring mararating ang iyong sasakyan kung bawal kang lumagpas sa NCR Plus Bubble.


Nakalulungkot lang din isipin na kung wala kang pera ay hindi ka magiging prayoridad sa kahit saang ospital. ‘Yung tipong, kailangan mo pang pumila at umasa sa social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para lamang mapunan ang pangangailangan ng iyong pamilya mula sa sunud-sunod na lockdown.


Ang totoo niyan, mali na umasa na lang tayo habambuhay sa ayuda ng pamahalaan. Mali na isisi natin sa gobyerno kung bakit tayo naghihirap. ‘Yung korupsyon, nand’yan na ‘yan, pero ikaw, puwedeng-puwede ka pang makaalis sa bulok na sistema at makaangat sa buhay.


Bilang isang mamamayan, sa ‘yo dapat magsimula ang pagbabago. Kaya bilang gabay, bibigyan kita ng anim na dahilan kung bakit kailangan mong mag-ipon ng pera:


1. PARA SA HEALTH. Mauubos ang lahat ng iyong ipon kapag tinamaan ka ng matinding karamdaman, kaya mainam kung regular kang nagpapa-check-up upang ma-monitor ang iyong kalusugan. Huwag kang manghinayang sa pagbili ng vitamins. Huwag mong isnabin ang mga nag-o-offer ng health insurance dahil napakalaki ng benepisyo nito kapag naospital, nagkasakit o namatay ka. “Health is wealth,” ‘ika nga.


2. PARA SA NEEDS. Kailangan mong mag-ipon para sa pangunahing pangangailangan tulad ng gamot, tirahan, damit at pagkain. Mahirap mangupahan habambuhay kaya kailangan mong dumiskarte upang magkaroon ng sariling bahay. Pag-ipunan mo ‘yung downpayment, saka mo i-process ang housing loan. Maraming paraan para makawala sa pangungupahan, beshie.


3. PARA SA WANTS. Kapag may ipon ka, hindi ka magdadalawang-isip na gumastos nang gumastos sa lahat ng cravings mo. Gayundin, mabibili mo ‘yung gusto mong designer bags, branded clothes, collectible shoes, atbp. ‘Yun bang, makakasabay ka sa lifestyle ng iba kasi afford mo namang i-maintain. Ito ‘yung literal na “Deserve ko ‘to”.


4. PARA SA INVESTMENT. Mali na mag-ipon ka lang, dapat ay pinapaikot mo rin ang pera. Kumbaga, mag-ipon ka para makapagsimula ng negosyo, hindi ‘yung mangungutang ka para may pampuhunan sa gusto mong negosyo.


5. PARA SA FUTURE. Anuman ang status mo ngayon; single, in a relationship, married, o solo parent, lahat tayo ay gustong mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating pamilya. Siyempre, ayaw mo namang maranasan ng anak mo ‘yung paghihirap na pinagdaanan mo noon, ‘di ba? Ngayon pa lang ay dapat nag-iipon ka na, dahil tulad ng nabanggit, hindi natin hawak ang panahon. Ipagpalagay nating sumasahod ka monthly, ngunit paano kung bigla kang matanggal sa trabaho? Saan ka kukuha ng pera kung wala kang ipon?


6. PARA SA RETIREMENT. Masarap sa pakiramdam ‘yung hindi mo na kailangang magtrabaho pagtuntong ng edad na 60, sapagkat tatanggap ka na lamang ng pension. ‘Yung payapa ang isip mo sa pagtanda kasi financially stable ka. Hindi tulad ng ibang senior citizen na pinagpapasa-pasahan ng mga anak dahil sa pagiging pabigat sa kanila.


Kaya ang tanong, para kanino ka ba nag-iipon? Malamang ay para sa sarili mo o para sa pamilya at para sa mga anak.


Hindi man nadadala sa kabilang buhay ang pera, pero puwedeng-puwede itong maipamana sa mga taong maiiwanan natin. So, beshie, simulan mo nang mag-ipon at maging financially literate.


Good luck sa pag-iipon!


 
 

ni Mharose Almirañez | June 23, 2022



Pumalo na sa mahigit P13 trilyon ang utang ng ‘Pinas, kaya hindi na nakapagtataka kung ikaw na isang ordinaryong mamamayan ay mayroon ding napakalaking utang kung kani-kanino.


‘Yung tipong, hindi ka pa nga bayad sa huli mong utang ay uutang ka na naman ng panibago hanggang sa magpatong-patong na at kung anu-anong pag-aari na ang naiisip mong isangkalan para lamang makapagbayad ng utang.


Sabi nga ng wealth coach na si Chinkee Tan, “The problem is not your debt, the problem is the person who is in debt.”


Kaya bilang gabay sa mga mahihilig mangutang d’yan, narito ang ilang tips bago ka pa tuluyang mabaon sa napakalaking utang:


1. IWASANG MANGUTANG KUNG ‘DI KA PA BAYAD SA NAUNANG UTANG. Halimbawa, may 20 years kang binabayaran na housing loan, pero gusto mong kumuha ng sasakyan via bank financing naman. Ang siste, magkakasabay ang milyones mong utang. Kaya ang tanong, saan ka kukuha ng pambayad, sapat ba ‘yung income mo? Kanino ka uutang kapag na-short ka sa monthly, kay “Pepito my friend”?!


2. MAGBAYAD PAUNTI-UNTI. Ilista mo ‘yung mga utang mo simula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki. Simulan mong maghulog sa bawat inutangan ng tig-P500 o kung magkano ang kaya ng budget mo. Sa paraang ‘yan, hindi mo namamalayang fully paid na pala ‘yung pinakamaliit mong utang, at ‘yung sumunod sa pinakamaliit, at ‘yung pangatlo, hanggang maubos na ‘yung balance mo sa ‘yong mga pinagkakautangan. Take note, matuto kang magbayad ng utang kung ayaw mong dumating sa point na wala nang may gustong magpautang sa iyo kung kailan kailangang-kailangan mo ng pera.


3. ‘WAG MAKIUSO. Naku, usong-uso ‘yan nitong summer! ‘Yung tipong, may mangungumusta sa ‘yo sa chat, pero ang ending ay mangungutang lang pala dahil kinapos daw ‘yung budget niya papuntang Boracay, knowing na mayroon pa siyang existing utang sa ‘yo at sa iba mong kakilala. Very wrong talaga ‘yan, beshie. Take note ulit, huwag na huwag kang mangungutang para lang makapagpa-impress o may magandang mai-post sa social media dahil sa true lang, mukha kang social climber. Wala namang masama na ilibre ang sarili, pero ‘wag sanang sumobra, lalo’t hindi mo naman afford makipagsabayan sa lifestyle ng iba. Kada labas ng pera sa wallet, isipin mo, “Kasama ba ‘to sa budget?” “May panggastos pa ba ako kinabukasan kapag nagwaldas ako ng pera ngayon?” Malamang kasi na kapag nagkagipitan ay kumapit ka na naman niyan sa utang.


4. MAGHANAP NG EXTRA INCOME. Kung may gusto kang i-maintain na lifestyle, aba’y kailangan mo talagang magdoble-kayod. Hindi ‘yung puro ka lang swipe sa credit card hanggang ma-overdue ka na. Matuto kang mag-budget, mag-save at mag-invest, hindi puro labas lang ng pera sa wallet. Dapat mo ring ilista kung saan napunta ‘yung mga nagastos mo nang sa gayun ay hindi ka magtataka kung ano’ng nangayari sa pera mo. Magsipag ka, besh. ‘Wag puro “Deserve ko ‘to”, at gastos now, pulubi later.


5. MAGTAKDA NG DEADLINE. Bilang responsableng mangungutang, ikaw na ang mag-set ng deadline kung kailan mo dapat matapos ang pagbabayad sa ‘yong mga inutangan. Kailangan mayroon kang target date. Hindi ‘yung matapos kang pautangin ay magkakalimutan na’t iba-block mo na sa Facebook ‘yung nagpautang sa ‘yo para hindi niya makita ‘yung ipino-post mong kasosyalan o kaya nama’y magpapatay-malisya ka na lamang sa utang mo’t hahayaang magkalimutan.


Tandaan, hindi porke nakikita mong mapera ‘yung nagpautang sa ‘yo at hindi ka niya sinisingil ay hindi na niya kailangan ng pera. Una sa lahat, sino ba’ng may ayaw sa pera? Ayaw mo naman sigurong humantong sa punto na magkasiraan kayong magkaibigan o magkamag-anak nang dahil lang sa pera, ‘di ba? Bayad-bayad din, besh!


 
 

ni Mharose Almirañez | June 19, 2022



Naranasan mo na bang mag-travel nang walang kongkretong plano’t direksyon? Kung oo, kumusta naman ang biyahe, exciting ba?


Walang masama sa pagiging adventurous, pero isipin mo na lamang ‘yung pera at oras na matitipid mo kung mayroon kang nakalatag na itinerary kumpara sa walang direksyong lakad.


Kaya mapa-solo o group travel man ‘yan, narito ang ilang tips para makarating sa pupuntahan kung sakaling magkandaligaw-ligaw ka sa kahabaan ng biyahe:


1. MAG-GOOGLE MAP O WAZE. Napakalaking tulong ng navigation apps na ‘yan para ma-locate ang iyong destinasyon. Nagsa-suggest din ito ng mga alternatibong ruta upang mas mapabilis ang biyahe. ‘Yun nga lang, nangangailangan ito ng stable internet connection, kaya napakalaking waste of time kapag nawalan ka na ng signal dahil magugulat ka na lang na nasa kabilang ibayo ka na pala ng ‘Pinas. Kaya, beshie, bago bumiyahe ay siguraduhing nag-test drive muna at i-research kung paano ka makakarating sa ‘yong pupuntahan. Isulat mo na rin sa papel ang bawat landmark para maging smooth ang iyong journey.


2. TINGNAN ANG MGA SIGNAGE. Tutal, naisulat mo sa papel ang mga landmark, magtingin-tingin ka na rin sa bawat establisimyento kung tama pa ba ang iyong dinadaanan. Ibase mo ang lugar sa mga nakikitang gasolinahan, bangko, fast food, atbp., dahil karamihan sa mga ‘yun ay may nakalagay na address o kung anumang branch ang kinatatayuan.


3. MAGTANONG-TANONG. Sabi nga ni Susan Roces, “Huwag mahihiyang magtanong...” Magtanong ka lang sa mga taga-roon dahil mababait naman sila. Kung may trust issues ka, huwag ka na lang makipag-eye to eye contact sa kanila para hindi ka ma-hypnotize o mabudol. Tiyakin mo ring safe ang iyong kagamitan sa tuwing makikipag-interact sa ibang tao.


4. BALIKTARIN ANG DAMIT. Natural sa mga Pinoy ang maging mapamahiin, kaya kung pakiramdam mo ay pabalik-balik ka lang sa iisang lugar, puwede mong baliktarin ang iyong damit dahil baka napaglalaruan ka lang ng kung anong elemento. Walang mawawala kung maniniwala at susunod ka sa makalumang pamahiin, lalo kung liblib na lugar ang iyong pupuntahan. Ikaw na ang mag-“tabi-tabi po” at huwag kang basta iihi o magtuturo kahit saan.


Samantala, gaanuman kalayo ang iyong marating, siguraduhin mo lang na alam mo pa ring bumalik kung saan ka nagmula, sapagkat sabi nga nila, “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.”


So, beshie, ready ka na bang bumiyahe?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page