top of page
Search

ni Mharose Almirañez | August 11, 2022




“Welcome home!” ‘Ika nga. Pero paano nga ba tayo magiging truly welcome sa ating bagong bahay nang walang nagiging aberya?


Bilang gabay sa inyong paglilipat-bahay, narito ang ilang bagay na dapat tandaan:


1. UNAHING IPASOK ANG BIGAS, ASUKAL AT ASIN. Ang mga nabanggit ang unang-unang ipapasok sa pinto bago isunod ang iba pang kagamitan. Isa ito sa pinakapamilyar na kaugalian ng mga Pinoy sa tuwing maglilipat ng bahay dahil anila, magkakasunod na blessings ang papasok sa inyong tahanan kapag isinagawa ito. Kumbaga, hindi rin kayo mauubusan ng bigas, asukal at asin na mga pangunahing pangangailangan sa pang-araw-araw na pamumuhay.


2. MAGPA-HOUSE BLESSING. Mag-imbita ng Pari na magbebendisyon sa inyong bahay. Napakalaking tulong ng Holy Water at dasal upang mapaalis ang masasamang espiritu na namamahay sa inyong tirahan. Ito rin ang magsisilbing basbas upang mailayo sa kapahamakan ang mga taong titira sa binendisyunang bahay. Huwag mong isantabi ang pagpapa-house blessing sa pag-aalalang dagdag-expenses lamang ito, sapagkat hindi naman naniningil ng malaking halaga ang mga pari. Thankful na sila sa donation. Honestly, hindi naman required ang magarbong house blessing na tila may pa-ribbon cutting ka pa, kung saan invited ang buong barangay, kundi simpleng salu-salo kasama ang iyong pamilya ay sapat na.


3. DUMEPENDE SA HUGIS NG BUWAN. May mga nagsasabing sa loob ng isang buwan ay may dalawang pagkakataon lamang para makalipat ng bahay, it’s either new moon or full moon, o kapag natiyempuhan mo ang blue moon. Ang liwanag na magmumula sa hugis ng buwan ang magdadala ng suwerte sa inyong bagong tirahan.


4. HUWAG MAGLILIPAT NG BAHAY KAPAG CHINESE GHOST MONTH. Ito ay isang tradisyon ng mga Intsik taun-taon, kung kailan bumubukas ang impiyerno at gumagala ang masasamang espiritu sa loob ng isang buwan o mula July 29 hanggang August 26. Dapat ay palipasin muna ang Ghost Month bago lumipat ng bahay upang hindi sumama ang mga mapaglarong espiritu sa inyong bagong tirahan. Kundiman, pinapayuhan mag-alay ng pagkain, maghanda ng anim na inumin, anim na ulam, at dalawang kanin. Mag-insenso sa labas ng bahay. Kumbaga, para kang nagpapaalam sa spirits. Mangyari’y kumonsulta sa Feng Shui experts tungkol sa masusuwerteng ayos ng pintuan, bintana, puwesto ng furniture abp. upang magtuluy-tuloy ang inyong suwerte.


5. SURIIN ANG BAWAT SULOK NG BAHAY. Ipagpalagay nating kaka-turn over lamang ng iyong brand new house and lot, siyempre ay inspection-in mo munang maigi kung maayos ba ang daloy ng tubig. I-check mo kung walang tagas ang lababo o kung barado ba ang sink at toilet bowl. Tingnan mo rin kung nagbibitak-bitak ba ang pader o sahig, lalung-lalo na kung tumutulo ba ang bubong tuwing umuulan. Tingnan mo rin ang electric wirings. Hangga’t maaga ay palitan mo na ang doorknob, sapagkat hindi natin alam kung may kaparehas kang susi sa isa sa mga homeowner, na maaari nilang magamit sa pagnanakaw. Mag-disinfect ka na rin bilang panlaban sa iba’t ibang uri ng bacteria, virus at germs.


6. TIYAKING MAY TUBIG AT ILAW. Siyempre, paano ka makakakilos nang maayos kung walang tubig at ilaw? Mahirap maki-igib ng tubig at makikabit ng kuryente sa kapitbahay araw-araw, kaya siguraduhin munang mayroon ng tubig at ilaw ang iyong lilipatang bahay bago lumipat. Okie?


7. ITAGO ANG MGA PAPELES AT RESIBO. ‘Wag na ‘wag mong iwawala ang mga papeles at resibo dahil napakahalagang documented in print ang inyong bawat transaksyon. ‘Yan ang magsisilbi mong katibayan sa lahat ng iyong karapatan sa iyong bagong bahay.


8. ‘WAG FEELING CLOSE SA KAPITBAHAY. Okay lang ‘yung magbibigay ka ng handang spaghetti o ulam sa iyong kapitbahay sa araw ng iyong paglipat, pero besh, ‘wag na ‘wag kang magbibigay ng personal information, kung ayaw mong ikaw ang maging subject ng chismis nila Aling Marites. Hindi naman sa pagiging judgmental, pero malay ba natin kung may history sila ng pangsa-psycho o may kakilala silang magnanakaw. Hindi rin sa pinag-o-overthink kita, pero what if sa pagiging feeling close n’yo sa isa’t isa ay tinitiktikan na pala nila ang inyong bahay? What if lang naman.


Ngayong alam mo na ang ilan sa mga dapat gawin, congratulations sa iyong bagong tahanan!


 
 

ni Mharose Almirañez | August 7, 2022




Madalas ba kayong lumabas ng dyowa mo? Saan-saang museums, zoos, concerts, at out-of-town trips na ba ang napuntahan n’yo? ‘Yung ang saya-saya n’yo together, tapos biglang malulungkot kasi wala na kayong pera after? So, ano ‘yan, bonggang date now, pulubi later?!


Sabi nga ng financial expert na si Chinkee Tan, “Hindi natin kailangang magpanggap na may pera tayo kasi kung ganito na rin lang, sa bandang huli, tayo rin ang magigipit at mahihirapang magpaliwanag kung bakit hindi na natin ginagawa para sa kanila ‘yung nakasanayan na.”


Kaya naman, shout out sa beshies natin na namumroblema sa kanilang next date dahil sa kapos na budget! Narito ang ilang date ideas na tiyak na makakapagpakilig at makakahuli sa kiliti ng inyong dyowa with a twist:


1. ROOFTOP DATE. Puwede kang mag-set-up ng dining table for two sa rooftop ng bahay n’yo or sa rooftop ng acquaintance mo. Maglagay ka ng decorations tulad ng balloons, fairy lights, petals, candles, confetti, pictures or anything, kung saan masasabing pinag-effort-tan mo talaga ang date na ito.


2. DATE SA GARAHE. Same set-up with rooftop date. Ikaw na ang bahala kung paano mo pagagandahin ang garahe n’yo. Nakaparaming DIY ideas at tips sa YouTube na puwedeng makatulong sa iyo sa pagde-decorate, beshie.


3. IPAGLUTO SI DYOWA. Busugin mo lang siya sa iyong homemade meals ay paniguradong hindi lang siya mabubusog sa pagmamahal, kundi literal na mabubusog mo rin ang tiyan niya. Puwede ring ikaw na ang magluto ng mga ihahaing pagkain sa inyong rooftop, garahe o picnic date. Puwede mo rin siyang ipagluto ng baon niya sa trabaho.


4. MAGLARO NG BOARD GAMES. Subukan n’yong maglaro ng chess, dama, snake and ladder, atbp. Napakagandang quality time nito para sa inyong mag-dyowa. Nakaka-healthy ng utak.


5. MOVIE MARATHON SA BAHAY. Hindi naman required manood sa sinehan tuwing may bagong release na pelikula, sapagkat napakarami nang online streaming platforms na puwedeng mapanooran ng HD movies. Another tips, puwede kayong bumili ng projector para kunwari ay big screen pa rin ang pinanonooran n’yo. Bumili na rin kayo ng popcorn and drinks para feel na feel talaga ang panonood, mapa-movie o series man ‘yan.


6. PICNIC SA GARDEN. ‘Yung tipong, maglalatag lang kayo ng sapin o tent sa sahig at mayroong dalang fruit basket na may kung anu-anong pagkain. Sa picnic date, maliban sa panonood ng movie, paglalaro ng board games o pagpapagulung-gulong n’yo sa damuhan ay puwede rin kayong maglaro ng badminton o mag-bike.


7. MAG-KARAOKE. Hindi n’yo kailangang mag-rent ng KTV room dahil puwedeng-puwede naman kayong magkaraoke sa sala o kuwarto ng inyong bahay. Puwede rin kayong mag-inuman. ‘Yun nga lang, kailangan n’yo talaga ng personal space para walang makaistorbo sa inyong bonding. Mahirap din kasi kung nagka-karaoke kayo sa sala, habang may nag-o-online class sa kusina, ‘di ba?


8. MANOOD NG SUNSET, SUNRISE, STAR GAZING AT FIREWORKS. Napaka-romantic nito, beshie. ‘Yun bang, aakyat lang kayo sa rooftop o bubong habang inaabangan ang sunset at sunrise. Alamin n’yo rin ang schedule kung kailan magkakaroon ng meteor shower upang makapag-rent ng telescope na puwede n’yong gamitin sa star gazing. Kung fireworks naman ay madalas lamang ito tuwing New Year’s countdown or may pa-event sa isang lugar. Knows mo bang may kasabihan na kapag nag-kiss kayo ng dyowa mo habang sumasabog ang fireworks sa kalangitan ay kayo na ang magkakatuluyan? Puwede ka ring mag-wish sa bulalakaw o tuwing 11:11.


9. LONG RIDE. Sa ngayon ay hindi ito affordable, sapagkat napakamahal ng gasolina. Gayunman, kabilang pa rin ito sa mga puwedeng gawin ng magkasintahan dahil the more na mahaba ang biyahe, the more na mahaba ‘yung time n’yo together. Bumiyahe lang kayo, magkuwentuhan at magmahalan. Saanman kayo dalhin ng biyahe n’yo, make sure makakarating kayo sa gusto n’yong puntahan at magkasama pa rin kayong uuwi sa inyong tahanan.


Sa isang relasyon, hindi naman basehan ang presyo ng lugar, pagkain, o dami ng activities para masabing mahal n’yo ang isa’t isa. Time and effort lang ay sapat na.


Ilan lamang ang mga nabanggit na puwede n’yong gawin together sa loob ng bahay. Gayunman, huwag makuntento na puro ganyan na lamang ang gagawin n’yo habambuhay dahil nakaka-boring ang paulit-ulit na routine. Siyempre, lagyan mo rin ng twist.


Wala namang nagbabawal sa inyong mag-date nang madalas sa mall, manood sa sinehan, um-attend sa concert, magpunta sa museum, at mag-travel kung saan-saan, basta tiyakin n’yo lang na may extra budget kayo para r’yan at hindi iiyak ang inyong mga bulsa matapos ang bonggang-bonggang date.


Okie?


 
 

ni Mharose Almirañez | August 4, 2022




“Uso pa ba ang harana?” ‘Yan ang tanong ng Parokya Ni Edgar. Makaluma man sa pandinig at paningin ng iba, hindi natin maitatangging isa lamang ‘yan sa mga pinapangarap na maranasan ng bawat kababaihan hanggang ngayon.


Minsan ba ay nasubukan mong itanong kay nanay kung paano sila nagka-ibigan ni tatay? Paano nila nalusutan ang butas ng karayom? Anong klaseng pangangaliskis ang ginawa nina lolo’t lola kay tatay para lamang makuha ang mga kamay ni nanay? Alam mo ba ‘yung pamamanhikan? Marunong ka bang manligaw?


Marahil ay hindi ka makaka-relate dahil— hello, it’s 2022! Ang gusto mo ay ‘yung instant, ‘yung easy to get o ‘yung one swipe away. Kaya bago mo pa tuluyang makalimutan kung paano manligaw, narito ang ilang paalala upang makuha ang loob ng iyong napupusuan:


1. SUMULAT NG LIHAM. Napakalaking bagay para sa mga kababaihan ang makatanggap ng handwritten poems, essays o love letters mula sa kanilang manliligaw. Sa ngayon kasi ay puro chat, text and call na ang nangyayari at bonus points na lamang ang handwritten letters.


2. DUMALAW SA BAHAY. ‘Yun bang, palaging may dalang pasalubong si boy sa tuwing aakyat ng ligaw. Dito ay matiyaga niyang kikilalanin, pakikisamahan at kakaibiganin ang buong angkan ng nililigawan. Ultimo pag-iigib ng tubig at pagsisibak ng kahoy ay bahagi rin ng panliligaw noon. Kumbaga, todo-effort silang magsilbi sa pamilya ng dalaga. Sa ngayon kasi ay nagaganap na ang ligawan sa mall, school at kanto. Minsan nga, wala nang ligawan, diretso one night stand na. ‘Yun bang, hindi pa man sila magkarelasyon ay may pa-kiss, hug and HHWW (holding hands while walking) na. Nakakalungkot mang isipin, pero dumarating sa puntong saka lamang nakikilala ng mga magulang ang karelasyon ng anak kung kailan buntis na ito.


3. PANGHAHARANA. Katulad ng nabanggit, napakalaking impact talaga ng panghaharana. Bahagi ito ng panliligaw na hindi dapat mawala noon. ‘Yun bang, sa kalaliman ng gabi ay biglang may tutugtog sa labas ng bahay n’yo at pagdungaw mo sa bintana ay matatanaw mo ‘yung manliligaw mo na nakatingala sa iyo, habang kinakanta ang Paraluman kasama ang tropa. Naku, beshie, deserve mo ma-feel ‘yan, kaya don’t settle for less.


4. MAGING GENTLEMAN. ‘Yun bang, pagbubuksan nila ng pintuan o ipaghihila ng upuan ang kanilang nililigawan. Hindi sila nangangawit sa paghawak ng payong at pagbibitbit ng mga dala ni ate girl. Sila ‘yung literal na gentleman, like hindi touchy at hindi nagte-take advantage, partikular na sa nililigawan. Kumpara ngayon, bihira ka na lamang makakita ng lalaki na maggi-give way ng upuan sa punuang jeep para mapaupo ang isang babae o senior citizen.


5. LALAKI ANG NANLILIGAW. Sa mindset ng mga Pinoy, lalaki naman talaga ang dapat manligaw. ‘Yung tipong, kahit gustong-gusto na umamin ng babae sa kanilang natitipuhan noon ay pilit nilang inililihim ang damdamin. Hinding-hindi sila nagpapakita ng motibo. Pero ngayon, babae na rin ang gumagawa ng paraan para mapansin ng lalaki.


Ang totoo, wala namang kaso kung babae ang magpi-first move. Wala ring kaso kung gaano katagal na kayong nagliligawan o kung gaano n’yo na kakilala ang isa’t isa, sapagkat ‘yun ngang mga dumaan sa proseso at inabot nang isang taon ang pagliligawan ay nauwi rin sa wala, kaya anong sense kung patatagalin n’yo pa?


Sabi nga ni late President Ferdinand Marcos Sr., “Just love me now, and I will court you forever.”


Gayunman, iba pa rin talaga ang pakiramdam kapag itinatrato ka nang tama. ‘Yun bang, hindi lamang siya puro salita kundi suportado rin nang pagiging dedicated, passionate, faithful at consistent niya. Kumbaga, sigurado kang seryoso talaga siya sa ‘yo at walang halong pag-o-overthink.


Gets mo?



 
 
RECOMMENDED
bottom of page