top of page
Search

ni Dominic Santos (OJT) @Life & Style | Mar. 14, 2025



Graphic: Si Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Pinay na nag-uwi ng gintong medalya sa ‘Pinas, mula sa women’s 55kg category for weightlifting noong 2020 Tokyo Olympics


Sa mundo ng prestihiyosong palaro na Olympics, ang paggamit ng lakas at giting ng mga manlalaro sa iba’t ibang bansa kabilang na ang Pilipinas ay puhunan ng bawat isa sa kanila. Ito rin ang kadalasang deskripsyon na ginagamit para ilarawan naman ang mga kalalakihan sa buong mundo sa matagal na panahon.


Sa halos 10 dekada o 100 taon mula nang lumahok ang ating bansa sa Olympics, kasabay ng mahabang panahon ng paghihintay upang makamit ang medalya, may nag-iisang indibidwal na nagpakita ng katatagan at kahusayan para tuluyang maiuwi ang karangalan sa larangan ng weightlifting.


Katulad ng ginagawa at pinanggagalingan ng lakas ni Captain Barbell, isang karakter mula sa Filipino komiks na sumikat noong dekada 60, ang weightlifting ay isang sport kung saan nagbubuhat ng barbel ang bawat manlalaro.


Makalipas ang higit anim na dekada, kasabay din ng kasikatan ni Captain Barbell, dahil sa taglay na lakas at determinasyon umugong ang pangalang Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Pinay na nag-uwi ng gintong medalya sa ‘Pinas, mula sa women’s 55kg category for weightlifting noong 2020 Tokyo Olympics.


Isang natatanging babae, na sa mundo ng palakasan kung saan madalas na ibinibida ay mga kalalakihan, si Hidilyn ay nagbigay ng karangalan sa bansa at nakilala sa buong mundo sa pamamagitan ng pagbubuhat ng barbel.


Maihahalintulad din natin si Hidilyn kay Darna na isang superhero dahil sa angkin niyang lakas para maging kampeonato at kapangyarihan na maging tanyag sa iba’t ibang panig ng mundo.


Bagama’t hindi man kagaya ng kuwento ng buhay ni Captain Barbell na isang ulilang basurero, lumaki sa isang payak na pamumuhay mula sa maliit na bayan ng Zamboanga, anak ng magsasaka at tricycle driver si Hidilyn Diaz.


Sa murang edad pa lamang ay nakitaan na siya ng potensyal sa weightlifting ng kanyang mga pinsan dahil na rin sa brusko niyang pangangatawan kahit na isa siyang babae.


Mula sa mga gawa-gawang barbel lang, na nagpapatunay ng kanyang humble beginnings, sinimulan ni Hidilyn ang pag-eensayo sa weightlifting at nagpapatuloy din sa kasalukuyan.


Taong 2002 nang mag-umpisang sumabak si Hidilyn sa kompetisyon, ang Batang Pinoy sa Puerto Princesa, kung saan una siyang nagwagi sa sport na ito dahil aniya, wala siyang kalaban.


Noong 2007, ang naging unang paglahok naman niya sa Southeast Asian Games at dito nakamit ang kanyang bronze medal. Ito rin ang naging simula ng pagtanggap ni Hidilyn ng maraming parangal mula sa iba’t ibang kompetisyon sa mundo na kanyang sinalihan.


Isang taon matapos ang paglahok niya sa SEA Games, unang sinubukan ng noo’y 17-anyos pa lamang na si Hidilyn sa Olympics. Sa palarong ito una siyang nakaranas ng kabiguan makaraang maging pang-ika-11 manlalaro sa 12 players na lumaban noon.


Sa kabila ng pagkatalo ay hindi nagpatinag si Hidilyn, para sa kanya, palaging may panibagong araw upang muling bumangon at ipagpatuloy ang nasimulan. Hindi rin naging madali ang lahat para kay Hidilyn mula sa mga pinagdaanan niya tungo sa pagkamit ng gintong medalya.


Sa mga panahong iyon, matinding hamon ang kinaharap ni Hidilyn dala ng kontrobersiya tungkol sa hindi sapat na pondo para sa paghahanda sa Olympics.

Gayunman, pinatunayan pa rin niya na hindi imposibleng mangarap at magtagumpay sa taong patuloy na nagsisikap.


Maituturing na isang simbolo na ang tunay na lakas ay hindi lamang nasusukat sa pisikal na kaanyuan at katangian kundi nasa pagpupursigi na makamit ang mga pangarap sa kabila ng mga hirap. Kaya naman noon pa man isa nang inspirasyon si Hidilyn sa mga kababaihang nangangarap sa buhay.


Tunay na hindi mababase sa kasarian ang lakas at kahinaan ng isang tao dahil kahit sa mundong tila dinodomina ng mga kalalakihan ay may mga kababaihan na kayang makipagsabayan at may kakayanang taglay, katulad ni Hidilyn na nagbigay ng karangalan hindi lang para sa sarili kundi pati sa ating bayan.


Ngayong National Women’s Month, nawa’y maging instrumento si Hidilyn sa mga kababaihan para magpursigi at ipakita ang kanilang likas na lakas at determinasyon upang magtagumpay.

 
 

by Info @Brand Zone | Mar. 8, 2025



Hinihikayat ng National Book Development Board ang publiko na suportahan ang idaraos na Philippine Book Festival 2025 na magaganap sa Marso 13 hanggang 16.


Isasagawa ang pinakamalaking pinoy book fair sa Megatrade Hall, SM Megamall, Mandaluyong City.


Ang Philippine Book Festival ay isa sa mga pangunahing inisyatibo ng NBDB, sa pangunguna ni Executive Director Charisse Aquino-Tugade, na naglalayong itaguyod ang book publishing industry sa bansa at palakasin ang kultura ng pagbabasa at authorship ng mga Pilipino.



“We created a marketplace for Philippine books because it’s difficult for Filipinos to easily access them. We sat down with the Department of Education (DepEd) to address this problem, and now we have the PBF, which is this marketplace for Philippine books, but also a site for the DepEd to purchase quality education materials for schools across the country,” pahayag ni Tugade.


Itinuturing ng NDBB ang PBF hindi lamang bilang marketplace para sa mga Filipino-authored books kundi isang lugar na masayang makakapag-sama-sama ang buong pamilya at magkaka-barkada habang nakikilahok sa mga aktibidad sa book fair.





Kabilang sa mga aktibidad na ito ay ang meet and greet sa book authors at artists, book launches at book signings, libreng art at writing workshops, at marami pang iba.


Giit ni NBDB Executive Director Charisse Aquino-Tugade, ang pagsuporta sa Philippine Book Festival ay malaking tulong din sa Filipino authors at creators upang sila’y tangkilikin at makilala ang kanilang husay sa paglikha ng libro.


 
 

ni Lester Bautista (OJT) @Life & Style | Mar. 7, 2025



Graphic: Si Alice Galang Eduardo, ang founder, president at chief executive officer (CEO) ng Sta. Elena Construction and Development Corporation, builder ng mga malalaking gusali.


Minsan ka na bang namangha sa mga magagandang gusali sa Metro Manila? ‘Yung mga naglalakihan at matatayog na istruktura gaya ng Mall of Asia, City of Dreams, Solaire Resort, Okada Manila at Resorts World Hotel and Casino.


Ikagugulat mo kaya kung malalaman mong babae pala ang nasa likod ng mga matataas na gusaling ito? And how did she crack a man’s world? Siya ang babaeng walang hindi kayang gawin…


Kilala sa mundo ng konstruksyon si Alice Galang Eduardo, ang founder, president at chief executive officer (CEO) ng Sta. Elena Construction and Development Corporation, builder ng mga malalaking gusali sa ating bansa.


Hindi agad naging matayog tulad ng isang gusali ang kuwento ng buhay ni Alice. Nagdaan siya sa maraming pagsubok at sakripisyo bago nakilala at tinaguriang “Woman of Steel”.


Bata pa lamang, malinaw na para kay Alice kung ano ang kanyang gusto at ito ay maging isang engineer. Subalit, may ibang pangarap ang kanyang ina para sa kanya — nais nitong mag-aral siya ng nursing o kaya ay medisina.


Sa kabila ng hindi nila pagkakasundong mag-ina, hindi sumuko si Alice. Sa halip din na maghinanakit, nag-aral na lamang siya ng kursong Management at sabay na tinutulungan ang pamilya sa kanilang negosyo — rice milling, trading at clothing export.


Dalawampu’t walong taon nang magsimula si Alice sa industriya ng konstruksyon. Isang simpleng pangarap at kuryosidad lang niya ito na magtagumpay sa mundo na pinaniniwalaang dominado ng mga kalalakihan. Siguro, ito ay dahil ang kanyang mantra sa buhay, “walang hindi kayang gawin.”


Tadhana na marahil, nakatagpo siya isang araw ng kliyente at nag-alok sa kanya kung interesado siyang maging supplier ng steel splice. Sa halip na mag-atubili, positibong tinugon ito ni Alice ng, “Lahat puwedeng gawin,” kahit na hindi pa siya sigurado at wala pang higit na kaalaman tungkol dito.


Ang kanyang kasagutan na may kasamang tapang at determinasyon ay naging susi sa pagpasok niya sa industriya ng konstruksyon. At ang kanyang puhunan? Sinseridad, passion at aggressiveness o pagiging agresibo.


Para kay Alice, mahalaga na maipakita sa lahat na may lakas at tapang na taglay upang magtagumpay. Dahil kapag nabatid nilang ikaw ay determinado, magtitiwala ang marami sa iyo. Sa bawat pagkakataon, pinatutunayan ni Alice na kaya niyang makipagsabayan at maging mahusay sa isang larangan na karaniwang para lamang sa mga kalalakihan.


Bukod sa katangiang ito, si Alice ay maituturing ding isang bilyonaryo. Alam n’yo bang kahit noong bata pa siya ay nakahiligan na niyang mag-ipon? Natutunan niyang magtanim at maghintay upang umani ng mga benepisyo sa pamamagitan ng sipag at tiyaga. Kung susuriin ang kanyang kuwento, isang teknik ito ng tagumpay na hindi lang batay sa suwerte kundi binubuo ng determinasyon at matalinong pagpaplano.


Ngunit, ang istorya ng buhay ni Alice ay higit pa sa pagiging isang matagumpay na negosyante. Isa rin siyang ina na pinili ang magpatuloy at magpursige sa kabila ng mga pagsubok at personal na hamon sa kanyang buhay.


Si Alice ay isang single mother sa tatlong anak — sina Jacqueline, Jameson at Jessica. Isang bahagi rin ng kanyang kuwento ay nang magdesisyon siyang wakasan ang kanyang kasal. Mas naging hamon pa para kay Alice nang ma-diagnose ang bunsong anak na mayroong autism. Subalit sa kabila ng lahat, natutunan pa rin niyang yakapin ang karunungan ng Diyos sa sitwasyon ng kanyang anak. Para kay Alice, “Siya pala ang magiging kasama ko every day, every night, sa lahat ng struggles ko siya. Siya ang mag-i-inspire din talaga sa akin.”


Totoong pinatunayan ni Alice na hindi lang siya isang “Woman of Steel” sa larangan ng konstruksyon, kundi isang tunay na superman ng ‘Pinas — isang ina na may pusong matatag gaya ng bakal at tapang na hindi matitinag.


Sa kabila ng lahat ng mga narating ni Alice, isang mensahe ang nais niyang ibahagi sa mga kababaihan: Ang pagiging babae ay hindi hadlang sa tagumpay.


Tulad ng kantang “It’s A Man’s Man’s Man’s World,” ay may isang babae na nagpapatunay na ang galing, tapang at kakayahan ay hindi nakasalalay sa kasarian. At ang istorya ng buhay ni Alice ay isang halimbawa ng babae na nagagawang makipagsabayan sa larangang pinaniniwalaang panlalaki lamang, kung saan nagsasabing hindi kailanman “babae lang” ang mga babae.


Ngayong Women’s Month, ating bigyang pagpapahalaga ang mensahe ng kanyang buhay — na walang limitasyon ang mga babae sa pag-abot ng kanyang mga pangarap. Ang tagumpay ni Alice Eduardo ay patunay na ang mga kababaihan ay hindi lamang bahagi ng isang kuwento, kundi sila mismo ang sumusulat at bumubuo nito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page