top of page
Search

ni Mharose Almirañez | June 19, 2022


ree

Naranasan mo na bang mag-travel nang walang kongkretong plano’t direksyon? Kung oo, kumusta naman ang biyahe, exciting ba?


Walang masama sa pagiging adventurous, pero isipin mo na lamang ‘yung pera at oras na matitipid mo kung mayroon kang nakalatag na itinerary kumpara sa walang direksyong lakad.


Kaya mapa-solo o group travel man ‘yan, narito ang ilang tips para makarating sa pupuntahan kung sakaling magkandaligaw-ligaw ka sa kahabaan ng biyahe:


1. MAG-GOOGLE MAP O WAZE. Napakalaking tulong ng navigation apps na ‘yan para ma-locate ang iyong destinasyon. Nagsa-suggest din ito ng mga alternatibong ruta upang mas mapabilis ang biyahe. ‘Yun nga lang, nangangailangan ito ng stable internet connection, kaya napakalaking waste of time kapag nawalan ka na ng signal dahil magugulat ka na lang na nasa kabilang ibayo ka na pala ng ‘Pinas. Kaya, beshie, bago bumiyahe ay siguraduhing nag-test drive muna at i-research kung paano ka makakarating sa ‘yong pupuntahan. Isulat mo na rin sa papel ang bawat landmark para maging smooth ang iyong journey.


2. TINGNAN ANG MGA SIGNAGE. Tutal, naisulat mo sa papel ang mga landmark, magtingin-tingin ka na rin sa bawat establisimyento kung tama pa ba ang iyong dinadaanan. Ibase mo ang lugar sa mga nakikitang gasolinahan, bangko, fast food, atbp., dahil karamihan sa mga ‘yun ay may nakalagay na address o kung anumang branch ang kinatatayuan.


3. MAGTANONG-TANONG. Sabi nga ni Susan Roces, “Huwag mahihiyang magtanong...” Magtanong ka lang sa mga taga-roon dahil mababait naman sila. Kung may trust issues ka, huwag ka na lang makipag-eye to eye contact sa kanila para hindi ka ma-hypnotize o mabudol. Tiyakin mo ring safe ang iyong kagamitan sa tuwing makikipag-interact sa ibang tao.


4. BALIKTARIN ANG DAMIT. Natural sa mga Pinoy ang maging mapamahiin, kaya kung pakiramdam mo ay pabalik-balik ka lang sa iisang lugar, puwede mong baliktarin ang iyong damit dahil baka napaglalaruan ka lang ng kung anong elemento. Walang mawawala kung maniniwala at susunod ka sa makalumang pamahiin, lalo kung liblib na lugar ang iyong pupuntahan. Ikaw na ang mag-“tabi-tabi po” at huwag kang basta iihi o magtuturo kahit saan.


Samantala, gaanuman kalayo ang iyong marating, siguraduhin mo lang na alam mo pa ring bumalik kung saan ka nagmula, sapagkat sabi nga nila, “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.”


So, beshie, ready ka na bang bumiyahe?


 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| May 24, 2022


ree

Talagang nakaka-excite mag-travel with your loved ones, lalo na ‘pag magta-travel kayo ng iyong dyowa o asawa.


Magandang bonding at paraan din kasi ito upang mas makilala n’yo ang isa’t isa, lalo na kung bago pa lang kayong magkarelasyon.


Pero bago ang lahat, siyempre, kailangan n’yong magplano, mapa-local o international man ang inyong destination. Kaya kung first time n’yong babiyahe as a couple, narito ang ilang tips para sa stress-free at memorable trip n’yong mag-partner:


1. IKONSIDERA ANG GROUP TRAVEL. Alam natin kung gaano ka-convenient ang pag-travel in group. Madalas kasi, may naka-set nang itinerary, kaya halos wala na tayong kailangang planuhin. Kailangan na lang nating sumunod sa plano, gayundin sa mga makakasama sa biyahe. Magandang paraan ito para malaman mo ang travel preferences ng iyong partner at siyempre, bonus din ‘yung may makikilala kayong mga bagong tao.


2. FAMILIAR DESTINATION. Kung ‘di niyo naman bet na maging “joiner” sa group travel, oks din kung pamilyar ang lugar na pupuntahan n’yo. Kumbaga, parehas n’yo nang napuntahan noon dahil sa ganitong paraan, bawas-stress dahil alam n’yo na ang sistema sa lugar, gayundin, alam n’yo na ang gagawin kung may inconvenience.


3. MAGKASAMANG MAGPLANO. Siyempre, dapat sa pagpaplano pa lang, team na kayo. Halimbawa, ikaw ang bahala sa pagbu-book ng tickets, tapos ‘yung partner mo naman ang magbu-book ng accommodation or vice-versa, at kayong dalawa ang mamimili ng activities at bubuo ng itinerary. Kahit magkaiba kayo ng roles, mahalaga na konsultahin ang isa’t isa at tiyaking parehas kayong nag-agree sa mga bagay-bagay.


4. MAGING CONSIDERATE SA PARTNER. Kung swak na swak ang preferences n’yong dalawa, goods ‘yan. Ngunit kung hindi, make sure na uunawain at ikokonsidera n’yo ang mga bet at ayaw ng isa’t isa. Halimbawa, magkaiba kayo ng aktibidad na gustong subukan, make sure na maisasama ang parehong activities sa itinerary.


5. MAGING ALERTO. Dahil nagta-travel kayo bilang couple, tiyakin na babantayan n’yo ang isa’t isa. Kung may isa nang pagod, may isa namang dapat mag-“step up” o alerto. Kapag may inconvenience, manatiling kalmado at saka mag-isip ng solusyon.


6. MAGING SENSITIBO SA KULTURA. May ilang lugar na hindi masyadong tanggap sa kultura ang pagiging affectionate ng mga mag-dyowa sa mga public places. Kaya para iwas-judgment, makabubuting mag-research tungkol sa kultura sa inyong destinasyon, partikular sa mga kasuotan at kung paano makikipag-interact sa iyong partner habang nasa pampublikong lugar.


7. MAGBAON NG MARAMING PASENSYA. Kahit gaano pa ka-planado ang biyahe, asahan na nating may mga change of plans dahil sa trapik, delayed flight, pagbabago ng panahon, wrong info sa research at kung anu-ano pa, kaya naman ‘wag din natin kalimutang magbaon ng sandamakmak na pasensya. Iwasang magalit sa isa’t isa dahil ‘di ito makakatulong. Sa halip, huminga nang malalim at idaan sa biro, at saka solusyunan ang problema.


Napakahalaga ng tamang pagpaplano sa lahat ng bagay, lalong-lalo na kung para ito sa “travel goals” n’yo.


Tulad ng nabanggit, magandang bonding at paraan ito upang makilala ang isa’t isa, kaya for sure, walang masasayang na oras dahil sa pagplano pa lang, nag-e-enjoy ka na, marami ka pang natututunan sa partner mo.


Oh, siya, huwag n’yong kalimutan ang mga tips sa itaas para sa hassle-free at ‘di malilimutang travel with dyowa.


Gets mo?

 
 

ni Mharose Almirañez | April 10, 2022



ree

Nakaplano na ba ang lahat para sa inyong summer getaway? Kung oo, ‘wag lang basta magplano, tara na’t bumiyahe patungo sa naggagandahang summer destination sa ‘Pinas!


Mapa-swimming pool o dagat man ‘yan, tiyaking napaghandaang mabuti ang inyong pag-alis para hindi mamroblema kapag nasa kalagitnaan ka na ng pagtatampisaw.


Pero anu-ano nga ba ang mga dapat paghandaan tuwing may outing ang pamilya, barkada o kumpanya?


1. I-FULL TANK ANG SASAKYAN. Alam kong mahal ang gasolina, pero mapapamura ka naman sa hassle kung bigla kayong naubusan ng gas sa kalagitnaan ng express way. So, beshie, i-check ang gasolina bago umalis, okie?


2. ALAMIN ANG DIREKSIYON NG PUPUNTAHAN. I-waze mo na ‘yung daraanan n’yo ahead of time. Mahirap naman kung magkakanda-ligaw-ligaw kayo papunta sa resort. Aksaya na nga sa gas, sayang pa sa oras, ‘di ba? Ganundin para sa mga magko-commute, alamin kung saang terminal ng bus o jeep kayo dapat sumakay. Kung mag-a-island hopping, alamin n’yo na rin kung anong oras ang biyahe ng mga bangka.


3. MAGPA-RESERVE NG KUWARTO. Kailangan one week before ay na-secure n’yo na ‘yung tutuluyan ninyong cottage, bahay o hotel room. Hindi ‘yung sa mismong araw ng swimming pa lang kayo kukuha ng kuwarto. Kadalasan, ‘pag walk-in guest ay nagkakaubusan ng slot. Kaya mas okey kung magpa-reserve muna bago pumunta sa resort para hindi hassle.


4. ALAMIN ANG HIDDEN CHARGES. Hindi mawawala sa isla ‘yung environmental fee. Kabilang na rin ‘yung utility fee, corkage fee, electrical fee, atbp. Maliban d’yan, alamin n’yo na rin ahead of time kung magkano ang bayad sa mga extra activities.


5. I-PRESERVE ANG PAGKAIN. Sayang naman kung mapapanis ‘yung dala n’yong pagkain. Make sure, naka-seal o hindi nalawlaw ang mga pagkain. Gumamit din ng serving spoon kapag magsasandok ng ulam, atbp. Huwag kamayin ang shanghai, beshie, mag-tinidor ka.


6. MAGDALA NG SUPOT. Dito mo ilalagay ‘yung mga marumi o basang damit na ginamit sa pagsu-swimming. Puwede mo ring gamitin ang supot para mapaglagyan ng mga take out na pagkain.


7. MAGDALA NG FIRST AID KIT. Mabuti na ‘yung nakahanda kung sakaling may pulikatin, ma-dikya, madulas, o trangkasuhin sa mga kasama mo. Siyempre, ‘wag kalimutan ang sun block, alcohol at paracetamol. Kung may kasama ka namang mahihiluhin o hindi sanay bumiyahe sa malalayong lugar, dapat ready din ‘yung Bonamine, Katinko at candy.


8. IHANDA ANG MGA DADALHING DAMIT ATBP. Kung medyo excited ka mag-swimming, one week before pa lang ay mag-empake ka na. Ibasta o i-prepare mo na ‘yung tuwalya, underwear, swimwear, tsinelas at hygiene kit. But beshie, ‘wag naman exaggerated ang tatlong maleta para sa 2 Days & 1 Night outing na ‘yan. Besh, hindi ka magpa-fashion show, du’n!


9. I-FULL CHARGE ANG GADGETS. Sayang naman ang magandang view kung low battery ang cellphone o DSLR camera mo, ‘di ba? Capture the moment, sabi nga nila.


10. BUDGET. Useless ang lahat kung wala kang budget para sa outing na ‘yan. So, beshie, alam mo na, ‘wag puro travel now, pulubi later. Mag-ipon ka muna bago umawra. Okie?


Gayunman, ‘wag pa rin kakalimutan ang patuloy na banta ng COVID-19. Kung alam mong hindi maganda ang iyong pakiramdam ay huwag ka nang sumama sa outing, para maiwasang makahawa sa iba. Gets?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page