top of page
Search

ni Justine Daguno - @Life and Style | September 18, 2021




Marami sa atin ang halos gawing maintenance ang ibuprofen, mefenamic, paracetamol at iba pang pain reliever. Tipong makaramdam lamang ng kaunting sakit ay lalaklak agad ng over-the-counter na gamot. Tila walang pakialam kung may side-effect o kung may pangmatagalang dulot ba ang mga ito dahil ang mahalaga ay makaraos sa sakit na nadarama.


Well, wala namang masama sa pag-take ng mga ito, pero knows n’yo ba na hindi sa lahat ng pagkakataon ay gamot agad ang kailangan para mapawi ang sakit? Yes, maraming natural na paraan o ‘alternative ways’ na walang side-effect para rito, tulad ng mga sumusunod:

  • ESSENTIAL OILS. Kapag nakaramdam ng sakit ng ulo, kasu-kasuan at iba pang internal body pain, isa sa mga mabisang panlaban sa mga ito ay ang pagpahid ng essential oils. Ito ay hindi lamang nagtataglay ng analgesic elements kundi may aroma rin na nakatutulong upang ma-relax ang pasyente. Pero tandaan na bago magpahid nito, basahin muna ang label upang maiwasan ang mga komplikasyon tulad ng allergic reaction.

  • MAGING MASAYAHIN. Ayon sa pag-aaral, ang madalas na pagtawa o pagiging masayahin ay nakapagpapataas ng pain tolerance. Sa ibang pag-aaral, inirerekomenda ang “laughter therapy” para sa mga taong nasa recovery stage ng sakit. Malaki ang nagagawa nito upang maging maganda ang sirkulasyon ng dugo, gayundin ang daloy ng oxygen na kailangan ng katawan upang mabilis na makarekober sa sakit.

  • HOT/COLD COMPRESS. Isa ito sa mga pain remedy sa bahay. Hindi lamang ito alternatibong pampaginhawa, madalas din itong gamitin bilang first aid. Pero ang hot/cold compress ay depende sa sitwasyon, ang ice pack ay para sa pamamaga ng muscles. Maaari rin itong first aid para sa sakit ng ulo at iba pang head injuries. Samantala, kapag ang sakit naman ay sa arthritis o sa kasu-kasuan, dito maaaring maglagay ng hot compress.


  • PAGHIHILOT. Epektib din na pantanggal ng mga sakit ng katawan ang paghihilot. Ito ay isang uri ng pagmamasahe, ngunit sa partikular o sa apektadong bahagi lamang ng katawan. Nakatutulong ito upang maging maayos ang daloy ng dugo, maalis ang muscle tension at makaramdam ng ginhawa.

  • YOGA. Kapag madalas nakararanas ng pagsakit ng likod, gayundin ang sakit sa leeg. Isa sa mga natural na paraan upang maiwasan ito ay ang pagyo-yoga. Ito ay physical meditation, kung saan kailangan ng pokus at tamang pagkontrol ng hininga sa bawat stretching. Bukod pa rito, nakatutulong ito upang mapawi ang anxiety na madalas dahilan kung bakit nakararamdam ng sakit ng ulo at iba pa.


Ang mga nabanggit ay alternatibo lamang na ibig sabihin ay pansamantalang lunas sa anumang sakit na nararamdaman. Magkakaiba ang dahilan ng mga pananakit na ito, kaya magkakaiba rin ang remedyo. Higit sa pagtangkilik ng mga alternatibo, ugaliin pa rin ang magpakonsulta sa mga eksperto. Ayos ba?


 
 

ni Justine Daguno - @Life and Style | September 16, 2021




Dapat nating maging prayoridad ang oral health, sapagkat hindi lamang ito para sa kalusugan ng ating mga ngipin, kundi dahil nakatutulong din ito upang maiwasan ang iba pang hindi magandang kondisyon kabilang ang ilang uri ng cancer at diabetes.


Bukod sa pagpapanatiling malinis ang mga ito, kailangan din nating bigyang-pansin ang pagpapaputi nito. Well, narito ang ilan sa mga paraan upang mapanatiling fresh, malinis at maputi ang ating mga ngipin:

1. “WHITE-TEETH DIET”. Ayon sa mga eksperto, merong tinatawag na “white-teeth diet”. Ito ay pag-iwas sa madalas na pag-inom ng red wine, black tea o ‘dark juice’, gayundin ang madalas na pagkonsumo ng gravy, soy sauce at iba pang makulay na ipinanghahalo sa pagkain. Anila, sa regular na pagkonsumo ng mga ito, maaaring mababad nang husto ang mga ngipin, dahilan kaya ito ay naninilaw.

2. MAGPALIT NG TOOTHBRUSH. Okay lang magtipid, pero ‘wag ‘yan gawin sa inyong hygiene. Tradisyunal man o electric toothbrush ang gamit, kinakailangan itong palitan kada dalawa hanggang tatlong buwan. Ito ay dahil sa toothbrush madalas namamahay ang mga bakterya na hindi lamang sanhi ng paninilaw ng mga ngipin, kundi dahilan din kaya nagkakaroon ng bad breath.


3. BAKING SODA AT HYDROGEN PEROXIDE. Ang mga ito ay mainam na pamalit sa toothpaste sapagkat ang baking soda ay mayroong natural whitening properties na nakatutulong upang maalis ang mantya sa ngipin. Samantala, ang hydrogen peroxide naman ay natural bleaching agent na nakatutulong upang hindi pamahayan o maiwasan ang pagdami ng bakterya, hindi lamang sa ngipin kundi sa iba pang bahagi ng bunganga.

4. IWASANG MANIGARILYO. Tunay na dahilan ang paninigarilyo kaya naninilaw ang mga ngipin. Ito ay dahil ang nicotine na nakukuha mula sa yosi. Sa katagalan o kapag hindi iniwasan, hindi lamang paninilaw kundi pagkasira rin ng ngipin ang maaaring makuha rito, gayundin ang pagbaho ng hininga.


5. MAGPUNTA SA DENTISTA. Siyempre, iba pa rin ang payo ng mga espesyalista, kaya’t ugaliin ang regular na pagpapakonsulta. Maaaring ang paninilaw ng mga ngipin ay hindi lamang dahil sa maling lifestyle kundi senyales ng sakit o hindi magandang kondisyon. ‘Wag hintaying may masira o sumakit munang ngipin bago bumisita sa kanila. ‘Ika nga, mas mabuti ang umiwas kaysa magpagamot.

Malaking bagay ang pagkakaroon ng mapuputi at maayos na mga ngipin, sapagkat ito ay nakadaragdag ng kumpiyansa sa sarili. Pero hindi lamang ito natatapos sa dahilan na para maging kaaya-aya sa paningin ng iba kundi para mapanatiling malusog ang sarili.

Sana kahit palaging naka-facemask, ‘wag nating ismolin ang dental health. Gets mo?


 
 

ni Justine Daguno - @Life and Style | September 11, 2021




Habang tumatagal ay mas natututunan natin ang kahalagahan ng malusog na katawan. Sa patuloy na paglaganap ng pandemya, kailangan nating maging maingat at mapili, lalo na sa pagkain na ating kinokonsumo. Kaugnay nito, alam n’yo ba na isa sa mga ‘good fruit’ ay ang pinya? Bukod sa refreshing at masarap, kilala rin ito sa dami ng mabuting benepisyo na malaki ang naitutulong sa ating katawan, tulad ng mga sumusunod:

1. SIKSIK SA NUTRIENTS. Napakaraming bitamina ang pinya kung saan nagtataglay ito ng Vitamins A at K, phosphorus, zinc at calcium. Gayundin, mayaman ito sa Vitamin C at manganese, kung saan kaya nitong i-provide ang 76% ng nutrients na kailangan ng katawan kada araw nang sa gayun ay mas lumakas ang ating resistensiya.


2. MAYAMAN SA ANTIOXIDANTS. Hindi lamang mataas ang nutrient content ng pinya, ito rin ay nagtataglay ng antioxidants tulad ng flavonoids at phenolic acids. Ang antioxidants na ito ang siyang kailangan upang malabanan ang hindi magandang epekto ng stress sa katawan na madalas nagdudulot ng mahinang immune system.


3. PANLABAN SA ARTHRITIS. Ayon sa pag-aaral, mabisa ring panlaban sa arthritis ang pinya, kung saan nagtataglay ito ng bromelain, bitaminang nakatutulong upang maiwasan ang anumang uri ng pamamaga, kasama na ang pamamaga ng mga kasukasuan. Kaya naman, makabubuting maging regular ang pagkonsumo ng pinya para sa mga nakararanas ng short-term symptoms ng arthritis.


4. PAMPAPAYAT. Para sa mga kailangan o gustong magbawas ng timbang, oks din na isama sa inyong diet ang pinya. Ang malaking porsiyento ng pinya ay fiber na epektibong solusyon para mapadali ang pag-‘jebs’ o paglabas ng mga toxins at fats sa katawan. Pero tandaan na hindi maaaring pinya lamang ang ikokonsumo, maaari lamang itong isama sa diet plan kasama ng inirekomenda ng inyong nutrionist.

Tandaan na hindi kailangang maging mayaman o mapera para maging malusog, disiplina at tamang pagpili lamang ng mga kinokonsumo ang kailangan. Maging malusog pa sana tayong lahat, mga ka-BULGAR!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page