top of page
Search

ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| September 2, 2020



Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.

Paulit-ulit lang ang kasaysayan at sabi nga, “history repeats itself.” Makikitang tuwing ang mga tao ay naaalipin, nagpapadala ng salot si God. Ito ang makikita sa kuwento ng dakilang propeta na si Moses at ang hari ng Ehipto na ayaw palayain ang mga kababayan ni Moses.


Sinabi ni Moses, kung patuloy n’yong gagawing alipin ang mga tao ni God, padadalahan kayo ng salot. Hindi naniwala ang hari kaya ang nangyari, ang buong Ehipto ay dinalaw ng salot.


Sa panahon ng Dark Ages ay ganundin. Ang mga tao ay alipin ng Simbahan at monarkiya kung saan nawala ang dignidad ng tao at masasabing hindi na siya tunay na tao. Sila ay mga bulag at tagasunod ng Simbahan at hari kung saan sila rin ang may-ari ng malalaking lupain at negosyo.


Ang humihiling ng kalayaan ay pinarurusahan at ang ayaw nang maging alipin ay lalong inaapi. Walang magawa ang mga tao kundi mabuhay nang alipin kahit ayaw nila.


Sa ganitong sitwasyon, dumating sa mundo ang isang salot na kung tawagin ay “Black Death”. Ito ay isang epidemya na umatake sa Europe at Asia. Una itong dumating sa Europe noong October, 1347 nang ang labing-dalawang barko mula sa Black Sea ay umangkla sa Sicilian Port of Messina.


Masayang sinalubong ng tao ang mga barko, pero ang kanilang saya ay napalitan ng sobrang takot. Halos lahat ng sailor ay patay at ang mga nakita nilang buhay pa ay grabe ang sakit, dumadaing at nagmamakaawa dahil ang buong katawan nila ay punumpuno ng bukol na parang pigsa na malalaki at maliliit.


Lumalabas sa parang pigsa ang mga nana o pus na umaagos na may kahalong dugo. Iniutos ng mga awtoridad na alisin sa pier ang mga barko, pero huli na dahil sa sumunod na mga taon, ang Black Death ay pumatay ng mahigit 20 milyong tao sa Europe at katumbas ito ng 1/3 ng populasyon sa nasabing kontinente.


Ang totoo, hindi pa man dumadaong sa Sicilian Port ang mga barko, nakaririnig na ng mga balita na tungkol sa “Great Pestilence” na nakamamatay at nananalansa sa ruta ng trading o ruta ng komersyo sa Near East and Far East at nakapaminsala na sa China, India, Persia, Syria at Egypt.


Ang Great Pestilence na ito ay ang Black Death.


Ang Europe ay hindi nakahanda sa ganitong salot, wala silang kakayahan kahit na ang mga bansa rito ang sinasabing pinakamayaman. Ang mga taga-Europe na akala nilang nabubuhay sa kalinisan ay hindi pa nakakikita ng ganito kaduming karamdaman.


Sa una, may kaunting pamamaga na pamumula sa balat, singit at kilikili na lumalaki ng halos kasing-laki ng pangkaraniwang mansanas. Ang iba ay kasing-lalaki ng itlog.


Ang iba ay marami na makikita sa iisang tao, sa iba naman ay kaunti lang pero hindi umaabot sa sampu.


Kumikintab ito at tulad ng pigsa na kapag nahinog ay kusang lumalabas ang pus o mga nana. Natakot din ang mga doktor dahil marami sa hanay nila ang nabiktima ng epidemya.


Tulad ng nararanasan natin sa COVID-19 pandemic, maraming mga doktor at nurses ang mga tinamaan ng sakit at namatay.

Itutuloy

 
 

ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| August 31, 2020



Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.

Nabanggit natin sa nakaraang isyu na may panahon sa kasaysayan ng mundo na ang mga tao ay bawal magtanong kaya ang mga katagang “Do not be afraid to ask questions,” na nagdala kay Albert Einstein sa rurok ng kadakilaan ay hindi magawa ng mga tao.


Ito ay naganap noong Dark Ages kung saan ang mga tao ay sobrang naghihirap, nag-aaway, nagpapatayan at walang kasiguraduhan ang kinabukasan. Sa panahong nabanggit, Simbahan lang ang nasusunod at sa ibang lugar naman ay mga monarkiya ang naghahari.


Ang mga patayan ay ang labanan ng mga Muslim at Kristiyano na ang layunin ay malaman kung sino ang maghahari sa lugar kung saan isinilang si Kristo. Ito rin ang panahon ng crusade na ang mga kabalerong Kristiyano ay lulusob sa mga Muslim at ang mga Muslim naman ay hindi magdadalawang-isip na labanan sila.


Muslim man o Kristiyano, ang naganap ay patayan ng magkakapatid dahil ang dalawang pangkat ay kapwa-tao.


Dahil nakatutok ang Simbahan sa nasabing labanan, napabayaan na ang agrikultura dahil ang mga lalaking magsasaka ay sinasanay sa pakikipaglaban. Napabayaan din ang kabuhayan o ekonomiya dahil ang ginagastusan ay giyera at hindi ang pagpapaganda ng ekonomiya.


Sa ganitong kalagayan, sobrang dami ng naghirap at sinamantala naman ng mga may-kaya at mayayaman na ang lupang sakahan ay nakasanla sa kanila at ang aanihin ay sa kanila rin mapupunta.


Nakatutuwa dahil ito rin ang kalagayan ng mga magsasaka sa atin ngayon, sakahan man ng palay, kopra at sugarcane, parang walang nagbago sa takbo ng mundo dahil ang nangyari noon ay nangyayari pa rin ngayon.


Sa kabilang banda, ang mga lugar kung saan hari ang namumuno, sa takot sa mga Muslim na sila ay lusubin ay nagpalakas din ng mga puwersa. Sila ay nag-ipon ng mga sandata at tinibayan ang mga entrada ng kaharian. Nagdagdag din sila ng mga sundalo at nag-ipon ng mga pagkain sa palasyo. Kaya ang mga pangkaraniwang tao na naman ang nagdala ng hirap dahil ang mga buwis at ani ay napupunta sa hari.


Ang mga tao kumakapit na lang sa dasal, pero ang dasal nila ay ang idinikta ng Simbahan kung saan hindi puwedeng palitan ang mga letra o salita dahil kapag sinuway ito, siya ay mapagbibintangang nagrerebelde sa Simbahan. Pati ang oras kung kailan dapat magdasal ay idinidikta rin ng Simbahan.


Sa mga kaharian naman, ang mahuling nag-iimbak ng mga pagkain ay parurusahan sa harap ng mamamayan upang hindi tularan.


Pero ang nakapagtataka, halos lahat ng tao ay masunurin, kumbaga, umaasa sila sa power of the church na ang Simbahan ay magliligtas sa kanila sa sakit, gutom at kamatayan. Ganito rin ang naging kalagayan sa mga kaharian na ang mga tao ay umaasa sa kapangyarihan ng hari na hindi sila pababayaan.


May isang pangyayari na dumating sa mundo na kung tawagin ay “the last straw” na gumising sa kamalayan ng tao, pero ang naging kapalit ay namatay muna ang kahalati ng populasyon sa Europe bago ang pagkamulat ng kaisipan ng mga tao.


Ang dumating sa mga tao ay maituturing na salot o pandemya na nasa uri ng COVID-19.

Itutuloy

 
 

ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| August 26, 2020



Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.

Ayon sa kasaysayan ng mundo, may panahon na ang tao ay hindi isinasabuhay ang sinabi ni Albert Einstein na “Do not be afraid to ask questions” dahil sa takot sa Simbahan at mga hari ng kanilang lupain.


Bawal magtanong ng kahit ano, lalo na ang mga tanong na may motibong baguhin ang mga utos, aral at tradisyon na itinuro ng Simbahan.


Lahat ay kailangang sumunod dahil ang sinumang susuway ay hindi makatatanggap ng bendisyon. Gayundin, idedeklarang kalaban ng Diyos at Simbahan ang mga taong nagtatanong tungkol sa pinaiiral na patakaran ng Simbahan.


Okey naman ito para sa mga pangkaniwang tao dahil basta kumain lang naman sila ay masaya na ang kanilang buhay, gayundin, masaya na rin sila sa pag-ani ng kanilang mga tanim, kumbaga, ang lahat ay inaasa nila sa kapangyarihan ng Simbahan. Ang kapangyarihang ito ng Simbahan, ayon mismo sa kanila ay kaloob ng Diyos.


Umaasa ang lahat sa Simbahan—sila ang magsasabi kung kailan ang panahon ng pagtatanim at pag-aani. Rito nagsimula ang tinatawag na fiesta kung saan ang Simbahan din ang magsasabi ng kung ano ang petsa ng pista.


Ang pagdarasal ay kontrolado rin ng Simbahan. Ang mga letra o salita ay hindi puwedeng baguhin o palitan ng mga tao, kumbaga, kung ano ang dasal sa bawat araw o panahon, Simbahan ang magdedeklara. Maging kung kailan ang tamang oras ng pagdarasal ay Simbahan din ang masusunod.


Muli, ang sumuway ay tatawaging kalaban ni God at Simbahan. Tulad ng nabanggit sa nakaraang isyu, ito ang panahon ng Dark Ages kung kailan bulag ang tao at sila’y nabubuhay sa kamangmangan at masasabing nawala sa tao ang kanyang buhay dahil siya ay tagasunod at alipin ng Simbahan.


Sa mga bansang monarkiya naman na hari ang bida ay ganundin. ‘Ika nga, “Ang salita ng hari ay hindi mababali,” sikat ang mga salitang ito at hanggang ngayon ay maririnig pa rin naman natin na sa panahon ng monarkiya ito nagsimula.


Takot na takot sa hari ang mga tao dahil pupugutan ng ulo ang hindi susunod. Kung hindi naman, sila ay ikukulong at ang iba ay ipapakain sa mga leon.


Kahit hirap ang mga tao, nagbabayad sila ng buwis sa hari at ang hindi makapagbabayad ay kukunin ng hari ang mga lupain. Ang lupang nakuha ay mapupunta sa mayayamang malapit sa hari o kaibigan nito. Kaya rito na rin nagsimula ang feudalismo kung saan iilan lang ang may-ari ng malalawak na lupain.


Sa hanay naman ng mga siyudad na walang sakahan o taniman, ang mga negosyong hindi makakabayad ng buwis ay kukunin ng hari ang kanyang negosyo at mapupunta naman sa mga malalapit sa hari ang mga ito. Rito nag-ugat ang kaisipan na kung tawagin ngayon ay oligarchy kung saan ito ang mayayamang negosyante na nababanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sila ang may kontrol ng ilang mahahalagang sektor ng lipunan.


Nagustuhan naman kaya ni God ang nangyayari ito sa panahong ang tao ay bulag, walang dignididad at nawala ang pagiging tao ng tao?

Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page