ni Justine Daguno - @Life and Style | December 20, 2020
Kabuhayan ang isa sa mga pinakaapektado ng pandemya na nararanasan natin sa kasalukuyan. Sa dami ng nagsaradong negosyo, hindi mabilang na empleyado ang nawalan ng pagkakakitaan. Kaya ‘fresh grad’ man o beterano ay nag-aagawan sa bakanteng posisyon, maka-survive lamang.
At kung meron mang in-demand na trabaho ngayon na hindi rin gaanong nangangailangan ng experience o tamang skills lang ang required, paniguradong online job ‘yan.
Narito ang ilan sa mga online jobs na puwede ninyong subukan o apply-an:
Data entry specialist. Ito ay typing job kung saan kailangang mag-input ng data sa system ng kumpanya o ng iyong kliyente. Ang uri ng impormasyon ay maaaring personal data o company reports. Bagama’t hindi kalakihan ang suweldo o ‘sakto lang’, kung masipag o magiging matiyaga sa paghahanap ng kliyente ay paniguradong malaki-laki ang kikitain mo.
transcriptionist. Kung ikaw ‘yung tipong matalas ang pandinig, mabilis at accurate ang typing skills, good sa ‘yo ito. Sa trabahong ito, ikaw ay makikinig ng voice recording at isasalin ito bilang written documents. Kung nais mo itong subukan habang nag-a-apply ay i-practice na ang iyong typing at listening skills.
Home based customer support. Kung kabilang ka naman sa mga may experience na sa business process outsourcing (BPO), madali o may advantage ka sa trabahong ito. Pero open o nagbibigay din sila ng chance sa mga wala pang experience o bago lamang sa ganitong industriya. Kung confident sa iyong English communication skills at tingin mo ay kayang-kaya mong magbigay ng solusyon sa katanungan, reklamo at concerns ng customers, try mo na ito.
Online English teacher. In-demand din ngayon ang English tutor bilang online job. Bukod sa home based kaya safe sa COVID-19 at communication skills lamang ang puhunan ay malaki ang kita rito. Sa ibang pagkakataon, kailangan lamang aralin ang curriculum at lesson materials ng iyong kumpanya at sila na ang bahala na magbigay sa ‘yo ng kliyente.
Virtual assistant. Isa pang oks na home based online job ang virtual assistant. Ang mga serbisyo nito ay may kinalaman sa emails, customer service support, blog management, social media management, at iba pang administrative tasks tulad ng pag-o-organize o pagse-set ng schedule at appointments ng mga kliyente. Karamihan sa mga employers nito ay hindi nagre-require ng college degree, pero dapat aprub ang iyong written at oral communication skills.
Social media manager. Kung madalas o part ng iyong daily routine ang social media, puwedeng-puwede kang mag-apply sa trabahong ito. Bilang social media manager, ikaw ang in-charge sa social channels ng kumpanya o kliyente. Ito ‘yung tagagawa ng content at nagma-manage sa mga social media interactions kabilang na ang pagmo-monitor ng likes, comments at iba pa.
Content writer. Kung mahilig naman sa pagsusulat at good din ang iyong research skills, puwede itong apply-an kahit wala pang experience dahil madali lamang itong matutunan, basta’t palagi in o hindi nahuhuli sa kung anuman ang trending. Ang main task nito ay mag-manage ng content para business o online platform ng kumpanya. Maaaring ito ay articles, e-books, scripts, product descriptions, at social media copies.
Ngayong pahirapan ang paghahanap ng trabaho, dapat maging flexible tayo sa kung ano ang in-demand o available. Kung nakikita ang mga nasabing online job bilang ‘opportunity’ ay sunggaban na dahil ‘ika nga ay minsan lang ito dumating. Tandaan na ang pagsabak sa trabaho ay wala naman sa ‘experience’ at educational attainment, kundi sa galing, diskarte at tiwala sa sarili. Good luck!