top of page
Search

ni Jersy Sanchez - @No Problem| June 29, 2020




Marami sa young working adults ang nagbabalak nang maging independent o bumukod sa bahay. Well, magandang practice ito dahil marami kang matututunan sa pagbukod na hindi mo matututunan hangga’t nakatira ka sa bahay ng mga magulang mo.


Gayunman, para sa mga beshies natin d’yan na gustong ma-challenge ang kanilang pagiging adult, narito ang ilang bagay na dapat n’yong matutunan bago bumukod ng bahay:

1. MATUTONG MAGLUTO. Kung nasanay ka na palaging ipinaghahanda ni nanay ng almusal, tanghalian at hapunan, puwes, dapat mo na itong gawin mag-isa kaya it’s time para hasain ang iyong cooking skills. Bilang adult, kailangan mong matutong magluto para sa iyong sarili dahil hindi puwedeng umasa sa delata at fast food sa lahat ng oras dahil hindi ito healthy. Magandang practice rin ito upang gumising nang maaga para maghanda ng iyong almusal at packed lunch, gayundin, alam mo kung anu-ano ang sangkap ng kakainin mo.

2. MATUTONG MAGLINIS AT MAGLABA. Ang responsableng adult ay hindi makalat sa bahay at workplace. Ang adulting reality na ito ay makikita mo ‘pag ikaw ay nag-solo living. ‘Yung tipong wala si mama para magligpit ng mga gamit mo, lalo na kapag nagmamadali ka kaya ngayon pa lang, simulan mo nang mag-ayos ng mga kalat sa paligid mo.

Maging responsable ka na rin sa mga susuotin mo dahil no more palaba kay mama, gayundin, kung hindi mo pa afford bumili ng washing machine at hindi ka komportable sa pagha-handwash ng iyong mga damit, puwede mong subukan ang self-service laundry. Pero kung mas gusto mong ikaw ang maglalaba ng iyong mga damit, magandang investment ang washing machine dahil matagal mo itong magagamit.

3. MAGLAAN NG ORAS SA MGA MAHAL SA BUHAY. Nakakapagod talagang magtrabaho dahil kailangan mong magtira ng oras para sa sarili mo, pamilya at mga kaibigan. Kung malayo ang bahay mo sa kanila, oks lang na maglaan ng araw o weekend para bisitahin sila at magkaroon ng quality time. Kahit tight sa budget at oras, sobrang worth it ito dahil nakakabawas sa stress ang pakikipag-bonding sa mga mahal natin sa buhay.

4. ‘WAG HINTAYIN ANG DUE DATE NG BILLS. Mahilig tayong mga Pinoy sa last-minute hirit. ‘Yung tipong hangga’t puwedeng gawin sa ibang araw, palagi nating ipinagpapaliban kaya ang ending, nagmamadali. Halimbawa, pagbabayad ng bills sa mismong due date. Ang eksena, naiipit sa mahabang pila dahil sa dami ng magbabayad. Kaya mga besh, kung may budget naman kayo at may extra time, magbayad agad para iwas-hassle.

Ready na ba kayo, mga ka-BULGAR? Iba’t iba man tayo ng plano — kung gustong bumukod sa maagang edad o gustong manatali sa bahay kasama ang mga magulang, ‘wag nating kalimutan maging responsable ngayon pa lang dahil para rin ito sa ating kapakanan. Okie?

 
 

ni Jersy Sanchez - @Life and Style| June 28, 2020




Isa ka ba sa mga millennial na super-hilig sa matatamis na inumin tulad ng milk tea? Well, maraming nahilig dito dahil maraming flavors at puwedeng i-personalize ang inumin, gayundin ang level ng sweetness o sugar, depende sa gusto mo. ‘Yung iba nga r’yan, halos araw-araw nang umiinom nito, pero knows n’yo ba na ang labis na pag-inom nito ay may hindi magandang epekto? Hmmm...

Ayon sa mga eksperto, kailangang maghinay-hinay sa pag-inom ng milk tea at iba pang matatamis na inumin. Ito ay dahil ang labis na pag-inom ng ma-asukal na inumin tulad ng milk tea ay nakakabulok ng mga ngipin. Pero hindi lang milk tea ang itinuturing na ma-asukal na inumin dahil ang softdrinks ay ganundin.


Paliwanag ng isang dentista, may component ang asukal na isinasama sa milk tea na nakakapagpabulok ng mga ngipin. Nagpo-produce ng acids ang mga ito na bumubutas o nakakasira ng enamel sa ngipin.


Kaya para makaiwas sa bulok na mga ngipin, maghanap ng alternatibong inumin tulad ng iced coffee o milk tea na walang asukal. Puwede rin ang water-infused drink para manatiling hydrated.


Bagama’t hindi inirerekomendang tanggalin sa diet ang sugar, kailangang bawasan ang pagkonsumo nito. Sey ng experts, para sa kababaihan, 6 tsp ng asukal ang kailangan ikonsumo kada araw habang 9 tsp naman sa kalalakihan. Gayundin, nakukuha na ito sa mga kinakain araw-araw.


At para mabawaasan ang banta ng pagkabulok ng ngipin, dapat magsipilyo ng dalawang beses sa isang araw at sundin ang tamang paraan ng pagsisipilyo.

Nakuuu, kahit araw-araw kang mag-crave sa milk tea, kung ganito naman ang mangyayari sa iyong mga ngipin, pass na lang, ‘di ba?


Well, hindi naman masamang uminom nito kahit paminsan-minsan, dahil ang mahalaga, kailangang ma-kontrol ito at pangalagaan ang oral hygiene para sa magagandang ngipin. Okie?

 
 

ni Jersy Sanchez - @Life and Style| June 24, 2020



Maraming binago ang COVID-19 pandemic sa ating mga buhay. Marami ang napilitang tumigil sa trabaho at kinailangang manatili sa bahay dahil sa lockdown, pero habang tumatagal, napaparalisa ang ekonomiya, gayundin, hindi puwedeng hindi kumayod para sa pamilya.


Kaya naman para umusad ang ekonomiya at makabalik sa trabaho ang milyun-milyong manggagawa, napagkasunduan ang “new normal”. Siyempre, kasama na r’yan ang health protocols tulad ng physical distancing, pagsusuot ng facemask at marami pang iba.


Pero bukod sa health protocols, anu-ano pa nga ba ang dapat asahan sa new normal?

  1. PAGBILI NG GROCERY. Ngayong naging mas maluwag ang quarantine measures, unti-unting nagbubukas ang mga malls kaya muling dumarami ang mamimili na delikado dahil maaaring bumilis ang transmission ng virus. Dahil dito, hinihikayat ang mga konsumer na bumili online ng groceries at iba pang kailangan sa bahay. Kung kailangan talagang lumabas at makipagsiksikan sa pamilihan, ‘wag kalimutang magdala ng alcohol, magsuot ng facemask at kung puwede, magsuot din ng gloves.

  2. PAGBABAYAD NG BILLS. Nang magsimula ang lockdown, dumami ang konsumer na tumangkilik sa online payment dahil hindi na kailangang maglaan ng oras para makapagbayad ng bills. Marami nang essential utility services na tumatanggap ng online payment para sa mas madaling transaksiyon. Pero mga bes, ingat-ingat din dahil talamak ang iba’t ibang uri ng scam.

  3. FOOD DELIVERY. Kung gusto n’yong mag-celebrate pero ‘di mo kering magluto, may food delivery services na puwedeng pagkatiwalaan. Puwedeng umorder sa website, puwede rin namang gumamit ng food delivery apps. Karaniwang cash ibinabayad dito, pero kung may online banking ka naman, puwede na rin ang cashless transaction. Magandang paraan ito para mabawasan ang transmission ng virus sa pamamagitan ng pera.

  4. WORK FROM HOME. Ramdam na ramdam sa work set-up ang new normal. Maraming kumpanya ang nagkaroon ng work from home set-up para hindi kailanganing lumabas ng mga empleyado. Pero mga besh, kahit matapos ang COVID-19 pandemic, asahan nating may mga kumpanya na mananatili sa ganitong set-up.

  5. ONLINE MEETINGS. Dahil marami pa rin ang naka-work from home, ang mahahalagang meeting at conference ay ginagawa na rin online. Para tuluy-tuloy ang meeting, maglaan ng tahimik na lugar sa bahay. Make sure rin na naka-off ang iyong microphone para hindi makasagabal sa nagsasalita.

Marami na talagang nagbago ngayon kung saan halos lahat ng kailangan gawin mula sa pamimili ng kailangan sa bahay, pagbabayad ng bills at pagtatrabaho ay online na. Kaya naman para iwas-scam, think before you click.


Mahirap mag-adjust mula sa mga nakasanayan nating paraan ng pamumuhay, pero para makaiwas sa deadly virus, kailangan nating sumabay sa new normal. Kuha mo?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page